Monday, May 8, 2017

ANG PAGTATAPOS


Ang pag-ibig ay parang lindol. Hindi mo alam kung kailan tatama at sino ang mga masasaktan. Minsan, ang buong akala natin, tapos na ang pagyanig. Pero kalaunan, magugulat na lang tayo na may aftershock pa pala ito. Yun ang oras na tayo ay magpapanik. Hindi natin alam kung ano pa ang mangyayari sa atin. Hindi tayo nakasisiguro kung ligtas na ba tayo sa kapahamakan o patuloy pa rin tayong masasaktan.
Kadalasan, kasama ng lindol ay ang paghampas ng malalaking alon sa kalupaan mula sa dagat. Maswerte tayo kung nasa mataas tayong lugar at hindi tayo maabot ng tsunami na dala ng pagyanig. Pero kung hindi tayo ganoong kaswerte dahil sa oras na umagos ang tubig ay nasa kapatagan tayo, hindi imposibleng matangay din tayo ng pag-agos. Hindi natin alam kung saan tayo dadalhin nito. Wala tayong ideya kung mabubuhay pa tayo pagkatapos ng dilubyo. Pero isa lang ang siguradong sasapitin natin, masasaktan at masasaktan tayo. Ang kilos natin ang magdidikta kung maisasalba pa natin ang ating sarili at mapanatili itong humihinga. Kung alam natin ang paraan para malagpasan ito, tiyak na makaliligtas tayo. Pero kung tayo ay tulad ng ibang tao na saka lang gustong matutunan ang mga simpleng gagawin sa panahon ng unos, tiyak na magiging huli na ang lahat para sa atin.
Sa pag-ibig, meron din yung paniniwala nating ang lahat ay tapos na. Yun bang tipong akala mo, wala na. Ikaw na naka-move-on na, tiwala ka sa sarili mo na ayaw mo na rin sa kanya. Na wala ka ng pagmamahal na ilalaan sa kanya. Pero sa oras na nakita mo sya, hindi mo pa rin maiwasang matangay ng alon ng kanyang karisma. Doon mo rin mapapatunayan na sa kabila ng sakit na iyong nadama, meron pang pagmamahal na natitira para sa taong tulad niya. Dahil hindi mo naiwasang matangay sa alon dahil sa muling ninyong pagkikita. Sa sarili mo, hindi ka sigurado kung tama ba ang iyong ginagawa na muling ibigin sya. Tulad nga ng tsunami, isa lang ang nakakasiguro ka, sa pagsunod sa kanya, masasaktan at masasaktan ka.
Sa muli naming pagkikita ni Carla, puso ko ay nangangamba na baka matangay ako ng pagmamahal ko para sa kanya.
Naalala ko ang sinabi ni Gabby sa kanyang liham.
Ibigay mo ulit ito (ang iyong pagmamahal) ng buong puso at walang nirereserba para sa sarili. Lagi mong tandaan, ang tunay na nagmamahal ay hindi natatakot masaktan at hindi nangangamba na wala nang matitira sa kanya.  Ang tunay na nagmamahal ay hindi nangangambang masasayang lang ang ibinibigay niya. Ang tunay na nagmamahal kayang ialay ang buong sarili. Ang tunay na nagmamahal ay hindi nag-iisip ng katapusan, kundi walang hanggan ang kanyang hinahangad.
Kayang kong ibigay muli ang buo kong pagmamahal sa sinumang babae na darating sa buhay ko. Kahit si Carla pa ang taong ito. Pero sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung kaya ko nang magsimulang muli. Lubos na napagod ang aking puso sa mga nangyari sa akin. Hindi pa ito nakakapaghinga. At lalong hindi pa naghihilom ang mga sugat na natamo nito.
Kung hindi pa kaya ng iyong pusong magsimula, huwag kang mag-alinlangang ito’y ipahinga. Hindi mo naman kailangang magmadali. Baka makagawa ka lang ng malaking pagkakamali kapag ikaw ay magmamadali.
Tama si Gabby, hindi ko dapat madaliin ang lahat. Mas mabuti pa siguro na hayaan ko muna ang aking puso na magpahinga. Kailangan din nito ng quality sleep para makabawi ng lakas. Lakas para muling tumanggap ng anumang mangyayari sa akin sa hinaharap. Lakas para tiisin ang mga hirap at sakit na dadapo sa akin. Lakas para magsaya sa mga tagumpay at saya na aking madadama.
Isa pa, gusto rin lang munang matapos ni Carla ang lahat sa amin. Kaya, hahayaan ko muna kung ano ang mangyayari sa amin sa hinaharap. Hihintayin ko na lang na magseryoso si Tadhana. Sa ngayon, ayaw ko munang sumali sa laro niya.
Pero paano?
Posible ba yun?
Oo, posible yun.  Huwag ka munang maniwalang totoo sya. Para hindi ka masali sa kung anumang trip niya.



#####W AKAS#####



No comments:

Post a Comment