Monday, May 8, 2017

KABANATA 3

Denial is a primitive defense mechanism that negates all existing reality to reduce the stress. 
– Dan Brown.

Palagi nating nasasabi ang katagang “tanggapin ang katotohanan.” 
Ang tanong, “Kasi dali lang ba ito ng pagbibilang?” 
Hindi. 
Hindi naman ito tulad ng sweldo mo sa trabaho na ang sarap tanggapin. Lalo na kung may mga bagay na humahadlang sayo para tanggapin ang kasulukuyang kabiguan.
Isang linggo ang nakalipas nang sabihin ko sa aking sarili na mag-move on. Pinilit ko siyang inalis sa aking isipan sa tulong ng mga librong tulad ng 1001 Shocking Science Facts, 1227 QI Facts To Blow Your Socks Off, The Book of General Ignorance at Uncle John’s Bathroom Reader Extraordinary Book of Facts. At imbes na sumakit ang aking puso sa kakaisip kay EX-G, tumaba ang mga laman ng utak ko.
Ang mga librong iyon ang nang-enganyo sa aking piliin ang Science para maging major subject ko sa susunod na pasukan. Nanabik akong pumasok sa eskwela. Nanabik akong ibahagi ang mga kaalamang aking nalaman sa aking mga kaklase.
Ang buong akala ko, hindi na ako masasaktan kapag makita kong muli si EX-G. Pero hindi pala. Muntik ko nang basagin yung gamit kong computer sa Internet Café nang makita ko ang isang litrato sa Newsfeed ng Facebook account ko. Buti na lang may katabi akong dalagang nakakaakit na ngumiti sa akin nang tumayo ako sa kina-uupuan ko at akmang babasagin ko ang monitor ng computer.
Nahiya ako. Nagpalusot na lang ako at sinabing, “Nag-wo-work-out lang ako. Ginagaya ko yung tutorial sa YouTube.”
Pero hindi lumusot yung sinabi ko nang tignan ng dalaga ang monitor ng computer na ginagamit ko.
Lumantad ang litrato ng dalawang tao. Si EX-G at yung bagong lalaki sa buhay niya. Magkadikit ang kanilang pisngi na nagpakuha ng litrato. Konti na lang magdidikit na ang kanilang mga labi. Sa madaling sabi, sweet sila.
(Ahuuuu! Uwaaaa! Ungaaaaa!)
Ngumiti yung katabi kong dalaga matapos niyang makita yung litrato. Saka nagtanong, “Ex mo?”
Tinutukoy nya yung babae sa litrato. Tumango ako para sabihing Oo.
“Ganyan talaga,” sabi niya. “Baka hindi talaga sya ang para sayo. Makaka-move-on ka rin. Sa ngayon, talagang mahirap tanggapin.”
“Bakit ganoon? Ang dali nyang makahanap ng iba?” tanong ko habang pilit na nagpipigil ng luha.
“May mga tao talaga na ginagawang parang trabaho ang pag-ibig.”
“Ano?” tanong ko, nalilito kung anong pinagsasabi ng dalagang nasa harapan ko. Ilang segundo pa lang kaming nagkakausap pero parang ang tagal-tagal na naming magkakilala kung makapagsalita sya.
O baka naman naranasan na rin nya ang nararanasan ko?
Kapag nagsawa o naboboring na sila, nag-reresign sila. Saka hahanap ng iba. Hahanap sila ng bago na kung saan magiging masaya sila. Binabalewala nila yung tiwala ng mga kasama nila sa dati nilang trabaho. Basta makahanap lang ng iba, kinakalimutan na nila ang nabuong samahan. Hindi nila iniisip ang kapakanan ng kompanyang iiwan nila. Yung kompanyang bumuhay sa kanila ng ilang taon. Pero ganyan talaga, tulad sa trabaho, sa pag-ibig may karapatan ang isang tao na umayaw sa relasyon. Makasakit man siya o hindi. Kung hahabulin mo pa sya, magmumukha ka lang tanga.” sabi ng dalaga.
“Nasaktan ka rin ba?” tanong ko sa aking kausap.
“Ilang beses na. Hindi ko na ata mabilang.” Ngumiti siya na parang ayos lang sa kanya ang reyalidad na dinanas niya.
“Eh bakit parang hindi ka malungkot?”
“Kung magiging malungkot ba ako babalik yung taong mahal ko? Kung magiging malungkot ba ako makakahanap ako ng taong permanenteng mangangalaga ng puso ko? At bakit kailangan kong maging malungkot kung yung taong nang-iwan sa akin ay masaya? Kahit masakit, ipakita mo na masaya ka. Maging masaya ka dahil habang maaga pa, nalaman mong tanga ka. Para sa susunod, may alam ka na. Yan ang ideya ng pagkatuto. Kung alam mong mainit yung kaldero dahil napaso ka noong una, sigurado sa pangalawa gagamit ka na ng basahan para di ka na mapaso ulit.”
“Parang napakadaling gawin ng sinasabi mo.”
“Gawin mong madali kahit mahirap. Hindi mo mamamalayan manghihilom na ang iyong sugat.”
Hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng aking luha mula sa aking mga mata dahil sa sinabi ng dalaga. Nararamdaman ko yung hapdi ng sariwang sugat ng puso ko. Kumirot ito lalo nang makita ko ang litrato sa Newsfeed ng Facebook account ko.
Nakatitig yung dalaga sa akin. Napansin nya kung saan ako nakatingin. Nang malaman niya ang aking tinatanaw, hinawakan niya ang mouse ng computer na gamit ko. Saka,
 “Kasi naman…” sabi niya at pinindot ang “Log Out” button ng account ko. “Masyado kang fixated sa kanya. Magpakalalaki ka nga.”
Ngumiti siya sa akin. Pinilit kong suklian ang ngiting iyon pero parang kuwit lang ang aking naiguhit sa mukha ko.
Tumayo yung babae. Tumungo sya sa may-ari ng Internet Café. May inabot na pera. Bayad nya ata. Pagkatapos ay bumalik sa pwesto ko.
“Gusto mo bang makalimot?” tanong nung dalaga.
Hindi ako nakakibo. Hindi ko alam ang isasagot ko. Tinanong ko ang aking sarili..
Gusto ko ba talagang kalimutan yung babaeng pinag-alayan ko ng aking buhay? O sadyang totoo ang sinabi ng kausap ko na masyado akong fixated kay EX-G dahilan para magdalawang isip ako sa tanong ng nakakaakit na binibini?
Nang hindi ako umiimik, kinuha ng babae ang kamay ko at hinila palabas ng Café. Hindi ko napigilan na magpatangay sa hila nya. Bastos naman kung itataboy ko sya. Saka napakalambot ng pagkakahawak nya. Ayokong maalis ang pagkakadampi nito sa balat ko.
“Teka lang.” sabi ko at tumigil kami. “San ba tayo pupunta?”
“Ayaw mo bang makalimot?” tanong ng dalaga na noon ko lang napagtanto na hindi ko pa pala alam ang pangalan niya.
“Gusto. Pero ano bang gagawin natin?”
“Basta, sumama ka na lang sa akin.”
“Ha? Ano bang gagawin mo sa akin?”
Napangiti yung dalaga sa tanong ko. “Huwag kang mag-alala, hindi kita gusto. Hindi kita pagsasamantalahan. Ayoko lang nakakakita ng mga taong nagpapakatanga sa pag-ibig.”
“Ang sakit mong magsalita. Ganoon ba talaga ako kapangit para walang magka-gusto sa akin? At hindi ako tanga. Nagmahal lang ako.”
Napahalakhak yung kausap ko. “Nagmahal ka nga ng taong nagmamahal na ng iba ngayon. Tapos ikaw, mahal mo pa sya? Para kang batang kawawa dahil naagawan lang ng lollipop. Kahit dinidilaan na ng iba, gusto mo pa ulit makuha.”
“Ang sakit-sakit mo talagang magsalita. Pwede bang hinay-hinay lang?”
“Denial ka pa kasi. Harapin mo ang katotohanan. Ano ba ang meron sa taong nanakit sayo at hindi mo makalimutan kahit binubuhusan ka na ng ipot sa ulo mo?”
Naalala ko yung mga oras na magkasama kami ni EX-G. Yung mga pagkakataon na sabay kaming tumatawa. Yung mga minutong hawak namin ang kamay ng isa’t-isa. At yung mga segundong pinaparamdam niya yung init ng yakap niya sa tuwing maghihiwalay na kami pauwi galing eskwela.
Napahagulgol ako. (Ahuuuuu! Uwaaaaa! Ungaaaaa!)
“Ano ba yan!” sigaw ng dalaga. “Para kang bakla! Nakakainis panoorin ang katulad mo. Dyan ka na nga! Magpakalunod ka sa luha mo. ” tumalikod na sya at naglakad palayo.
“Teka lang!” pakiusap ko. Hinabol ko yung dalaga. “Pasensya na. Hindi ko lang mapigilan ang aking kalungkutan. Mahal na mahal ko kasi sya.”
“Alam mo, nakakarindi sa tenga yang sinasabi mo. ‘Mahal mo siya…mahal mo siya…mahal mo siya.’ E may mahal na nga siyang iba di ba? Gusto mo bang maging sardinas at makipagsiksikan sa puso niya?”
“Oo tama na. Tanga na ako. Ayoko nang maging ganito. Gusto ko na syang makalimutan.”
“Ganyan! Ganyan dapat. Kailangan pa kasing ipamukha sayong tanga ka bago mo ma-realize.”
“Di na ako magpapakatanga.”
“Sure ka?” nangingiting nagtanong yung dalaga.
“Oo.”
“Kahit makita mong sweet sila?”
“Oo.”
“E paano kung balikan ka?”
“Ayoko na.”
“Talaga? Kahit puntahan ka pa nya dito?”
“Imposible naman syang pumunta dito.”
Tumawa yung dalaga. “Sumunod ka na nga lang sa akin.”
“Saan tayo pupunta?”
“Basta! Ipapakita ko sayo kung ano ang tinatawag nilang kalayaan.”




READ KABANATA 4

Go Back To Title Page

KABANATA 4

Kalayaan.
Yan ang salitang ipinaglaban ng ating mga ninuno sa higit na tatlong siglo sa kamay ng mga Kastila at ilang dekada naman laban sa mga Hapones at mga Amerikano.
Hindi man ako nabuhay sa mga panahong nakagapos ang ating bansa sa bakal na kadena ng mga banyaga, ramdam ko ang hirap ng nalilimitahan ang bawat kilos at galaw. Dama ko rin ang sakit dahil sa pakiramdam ng hindi makausad sa aking pupuntahan dahil sa higpit ng pagkakatali ko sa nakaraan.
Sa bawat hakbang na aking ibinibitaw, katumbas nito ang lalong paghigpit ng tali sa aking leeg na siyang nagpapahirap sa aking buhay.
Kailan ko ba muling mararamdaman ang pagluwag o ang tuluyang pagkatanggal ng lubid sa leeg ko? Yung tipong wala nang pumipigil sa bawat kilos ko o sa bawat  tapak ko. Yung tipong hindi ko na iniisip na may hihila sa akin pabalik sa aking pinanggalingan sa tuwing maaabot ko ang hangganan ng tali na nakapalibot sa aking leeg. Nakalimutan ko na rin ang pakiramdam ng malaya kong nagagawa ang aking gusto.
Ano na nga ba ulit ang pakiramdam ng walang humihila sayo sa tuwing lalayo ka sa paglalakad mo patungo sa pupuntahan mo?
Kailan ba aamo ang walang pusong nakaraan at magsasabi sa akin ng mga katagang, “Malaya ka na.”
O hindi na dapat ako umasang darating pa ang pagkakataon na iyon?
Naghihintay lang ba ako na mabulok kasama ng aking nakaraan? O may isang taong galing sa kasalukuyan na magpapadama muli sa akin ng kalayaan?
Ano na nga ba muli ang kalayaan?
Paano ito matatamo ng taong nakagapos at naging sunud-sunuran sa mga bagay na nakalipas na?
Kailan ito maibibigay sa taong durog na ang puso?
Inaanyayahan ako ng dalaga na sumama sa kanya. Kung saan man kami pupunta, wala akong ideya. Ipinangako niya na mararamdaman ko muli ang kalayaan kaya ako ay sumunod sa bawat hakbang na tinatahak niya patungo sa lugar na hindi ko alam kung saan.
“Halatang mahal na mahal mo talaga sya.” bigkas ng dalaga na mula noong una kaming magkita at ngayong ilang oras na kaming magkasama, hindi ko pa alam ang pangalan niya.
“Sobra. Sya na ang buhay ko.” sagot ko.
Tumawa siya ng malakas. “At ngayong may mahal na siyang iba, parang patay ka na?” tanong ng estranghera na nagpipigil ng tawa.
“Pakiramdam ko ay isa na akong ligaw na kaluluwa.” banggit ko.
Sandaling tumigil yung dalaga sa paglalakad. “Ha? Multo ka na? Pero umaga pa lang, nagpapakita ka na?”
“Hindi ka rin palabiro no?” parinig ko sa kanya.
Kumindat yung aking sinabihan. “Masyado ka kasing seryoso. Masyado mong kinakawawa yang sarili mo dahil lang iniwan ka ng isang tao. Hindi ka makakalimot hangga’t may nararamdaman ka pang sakit.”
“Paano ba kasi matanggal agad ang sakit? Ikaw ba nagagawa mong alisin ang pagmamahal mo sa taong halos siya na ang kumumpleto sa buhay mo ng ganoong kadali lang?”
“Ha? Taong kumumpleto sa buhay ko? Paano mo masasabing sila ang magiging basehan ng iyong pagiging kumpleto kung iniwan ka nila? Hindi sila kumukumpleto sa akin. Kundi yung mga alaalang aming ginawa. Yun ang mga nagpapasaya sa akin. Yun din ang nananakit sa aking damdamin. Pero bakit ko naman iisipin yung mga minutong aming pinagsamahan kung gusto ko rin lang masaktan? Sumali na lang sana ako sa UFC para maramdaman ko kung paano maging duguan. Pero ayoko. Gusto kong maging masaya. Lahat tayo gustong maging masaya. Kailangan lang nating hintayin yung taong magpapasaya sa atin ng permanente. Yung hindi na aalis. Merong taong nakatakda para pangitiin ka sa bawat paggising mo sa umaga. Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa. Higit pa sa isang milyong babae ang naghihintay din ng taong makakasama nila.”
“At isa ka na rin sa kanila?” tanong ko.
“Ha? May pinupunto ka?” seryosong tanong ng aking kasama.
Namula ang aking mga pisngi. Hindi ako makatingin ng diretso sa kanyang mata. Bakit ko ba natanong iyon?
“A-a-ah! W-wala! Wala! Gusto ko lang sanang tanungin kung meron kang kasintahan.”
Lagot. Hindi ko napigil ang aking bibig. Hindi iyon ang gusto kong sabihin. Bigla na lang lumabas ito sa aking bunganga.
Nakatitig lang yung dalaga sa akin. “Boyfriend?” tanong niya saka ngumiti.
“A-a-ah! Hindi yun ang ibig kong sabihin.” Pulang-pula na ang buo kong mukha sa sobrang hiya. “Wag mo nang pansinin yung sinabi ko.”
Tumawa siya. “May gusto ka ba sa akin?”
Ang tanong niya ang nagpalala sa pamumula ng aking pisngi na parang kamatis.
“H-ha? H-hindi. Hindi. Hindi yun ang ibig kong sabihin. Ibahin na lang natin ang usapan.” pakiusap ko sa dalaga. “At teka lang.”
“Bakit?”
“Ilang oras na tayong nag-uusap mula nang magkita tayo sa Internet Cafe, pero hindi ko pa alam ang pangalan mo.”
“Pangalan? Tapos anong susunod mong tatanungin? Yung number ko?” hindi umimik yung dalaga pagkatapos niyang banggitin ang sinabi niya. Naghihintay kung ano ang magiging reaksyon ko.
“Hindi. Mali ka.” sagot ko.
“U-huh. E ano?”
“May boyfriend ka ba?”
Ibinuka ng dalaga ang kanyang bibig pero wala ni isang salita ang lumabas dito. Napatigil sya at ako naman ang natawa sa reaksyon niya.
“Bakit mo tinatanong?”
“Pwede bang sagutin mo muna yung una kong nais malaman?” nakangiti kong banggit sa aking kausap na binibini.
“Gabby,” sabi niya. “Gabby ang pangalan ko… at wala.”
“Anong wala?”
“Yan ang sagot ko sa pangalawa mong tanong.”
Nagtinginan kaming dalawa at ngumiti sa isa’t-isa.
“Bakit ganun?” tanong ko kay Gabby.
“Anong ganun?”
“Ilang oras pa lang tayong magkakilala, pakiramdam ko,”
“Matagal na tayong magkasama?” singit ni Gabby.
“Ganun na nga.”
“Siguro mahilig ka sa romantic movie?” tanong niya.
“Bakit?”
“Ang korni ng mga banat mo.”
  “Ha? Hindi ko yun dun nakuha. Kusang lumabas sa bibig ko. At hindi ako nanonood ng pelikulang tulad nun.”
“Defensive?” biro nya.
“Peksman! Hindi ako nanonood ng ganun.”
“Ito naman, hindi ka naman mabiro. Napakaseryoso mong tao. Kaya ka nasasaktan e, sineseryoso mo masyado ang isang tao.”
“Masama bang ipakita mo ang buong pagmamahal mo sa isang tao?”
“Itanong mo yan sa sarili mo. Ano bang nangyari sayo nung nagmahal ka ng todo?”
Hindi ako umimik. Wala akong masabi. Ayokong banggitin ang kalagayan ko ngayon. Dahil siguradong kikirot lang ang aking dibdib.
Para ibahin na ang usapan, “Akala ko ba ipapakita mo sa akin ang tinatawag nilang kalayaan? E bakit parang gusto mo akong ikulong sa aking nakaraan?”
“Ikulong? Di ba nakakulong ka pa?” ngumiti sya. Imbes na ma-insulto ako, gumagaan ang loob ko sa tuwing nakikita ko ang kanyang ngiting nakakahumaling.
“Oo na, ako na ang bilanggo. Tutulungan mo naman akong makalaya di ba?”
“Basta handa kang umamin sa kasalanan mo.”
“Anong kasalanan?”
“Ang pagiging tanga sa kanya.”
“Oo, inaamin ko na. Ako ay naging tanga sa kanya.”
“Yan! Ganyan! Yan ang simula ng paglaya.”
“Pwede bang yung susunod na hakbang na ang gawin natin?”
“Oh sya andito na tayo.”
Nakarating kami sa isang malawak at pantay na damuhan. May ilang tao ang naroon nang kami ay dumating. Nagtatakbuhan sila. Nag-aagawan ng bola gamit ang kanilang mga paa. Merong gumagamit ng dibdib sa pagtanggap sa mataas na pasa ng kanilang kasama. Pinapatama rin nila sa kanilang ulo ang bola para ito ay lumayo at hindi maagaw ng kalaban.
Sa bandang dulo ng kanilang tinatakbuhan, merong nakatayong isang kwadradong bakal na mas mataas ng bahagya  kesa sa manlalarong nasa gitna nito. Nakaabang ang kamay ng manlalarong ito para pigilang maipasok ng kalaban sa kwadradong bakal ang bola na kanilang pinag-aagawan.
Yung isang kupunan na may hawak ng bola ay tuloy-tuloy ang pag-arangkada patungo sa teritoryo ng kalaban. Pasa dito, pasa doon. Di nagtagal, nakalapit na ang kupunan na may dala ng bola sa kwadradong bakal na binabantayan ng katunggali. Merong espasyo sa gitna kung nasaan ang isa sa mga manlalaro ay nag-aabang. Sa sandaling nakatapat ang bola sa paa ng manlalarong nasa gitna, sinipa nito ng buong pwersa papasok sa kwadradong bakal. Sa sobrang bilis ng bola, hindi namalayan ng nagbabantay na nakalusot na ito sa loob.
Tahimik ang lahat at sinundan ito ng sigawan ng mga kasama ng manlalarong nakapasok ng bola sa binabantayan ng kalaban.
 “WOOooooooooooooooo!”
Si Gabby, “Goooaaal!!!! Wooooo!”
Nagulat ako sa kanya. Nagtatatalon-talon siya. Tuwang-tuwa na parang matandang nakatama ng jackpot sa lotto.
Yun ang kanilang laro na nagbibigay sa kanila ng saya.  Pamilyar ako sa kanilang ginagawa pero hindi ako marunong hawakan ang bola gamit ang aking mga paa.
“Gusto mong maglaro?” anyaya ni Gabby.
“Ha? Hindi ako marunong nyan e. Kaw na lang.” sabi ko.
“Madali lang. Lika na. Siguradong matutuwa ka.” Ipipilit ko sana ang aking pagtanggi pero tinawag na ni Gabby ang isa sa manlalaro. Paglapit ng tinawag niya, “Rick, pwede ba kaming sumali?” tanong ng binibining aking kasama.
“Sige, kulang pa naman kami.” Sagot ng lalaki.
“Ah sya nga pala, ito si…” napahinto si Gabby sa pagpapakilala sa akin sa kausap niya dahil hindi pa niya alam ang aking pangalan at hindi ko pa ito nababanggit sa kanya mula nang kami ay magkita.
“Sum. Ako si Sum.” Dugtong ko sa pangungusap na binitawan niya.
“Rick, pare.” Banggit ng lalaki at saka kumamay sa akin.
“O game na. Simulan na ang laro.” Sabi ni Gabby na may pananabik.
“Wala kayong sapatos?” tanong ni Rick.
“Pwede na tong nakapaa. Hindi nyo naman siguro ito tatapakan.” Nakangiting sabi ng kasama kong dalaga.
“Hindi natin masasabi yan.” Banggit ni Rick. “Pero kayong bahala.”
“O sige game na.”
Lumakad na yung dalawa sa gitna ng damuhan na pinaglalaruan nila Rick. Hindi ako sumunod dahil hindi ko alam laruin ang nilalaro nila. Ilang sandali lang, lumingon si Gabby sa aking kinatatayuan. Napansin niya kasing wala ako sa tabi niya. Tinawag niya ako gamit ang kanyang kamay. Umiling ako. Napilit na lang ako noong halos lahat ng manlalaro ay tinawag ako para sumali sa kanila.
Sa opisyal na laro, labing-isa ang bilang ng bawat kupunan. Subalit kami ay kulang para kumpletuhin ang nasabing bilang ng miyembro ng bawat grupo. Naglaro pa rin kami kahit kulang ng tatlo ang bawat kupunan.
Magkakampi kami ni Gabby. Itinali ng aking kasamang dalaga ang mahaba at makintab niyang buhok bago magsimula ang laro. Iyon ang nagpalabas lalo ng kagandahan ng binibini. Maputi at makinis ang balat niya sa mukha. Nakakahila ng paningin ang makikislap niyang mata. Nakakapangagat ng labi ang mapupula niyang labi.
Noon ko lang napansin ang buo niyang ganda.
Ito ba talaga ang dalaga na aking kasama kanina? tanong ko sa aking sarili. Para siyang artista na sa isang ngiti palang na iguguhit niya sa kanyang mukha, mahuhumaling ka na.
Totoo nga ba talaga ang kanyang karanasan na siya ay nasaktan? Ano naman ang magiging dahilan kung bakit magagawa ng isang lalaki na paiyakin ang tulad niya?
Maganda siya. Sa ugali, wala kang masasabi. Masarap kausap. Pero prangka magsalita. Siguro iyon ang naayawan nila sa kanya. Para sa akin, ayos lang ang mga lumalabas sa bunganga niya. Kesa naman sa magsinungaling sya. Mas lalong hindi kaaya-aya.
“Handa ka na?” tanong ni Gabby.
“E hindi ko nga alam laruin to.” Sagot ko.
Halakhak ang isinukli niya. “Madali lang naman ang iyong gagawin. Tanggapin ang aking pasa. Protektahan ang bola. Wag mong hahayaang mapunta sa kalaban. Dapat maipasok natin yan sa goalpost ng kabila.” Tinutukoy niya yung kwadradong bakal na binabantayan ng isang kalaban.
“Parang ang dali talaga ha?”
Kumindat siya habang nakapatong ang kanyang kanang paa sa bola. Kaming dalawa ang inatasang mag-uumpisa ng laban. Kick-off ang tawag sa seremonya. May dalawang manlalaro sa gitna. Isa rito ang nagbabantay ng bola. Yung isa na malapit sa kanya ang tatanggap ng unang pasa pagkatapos hipan ng referee ang whistle. Yung iba nilang kasama pati na rin ang mga manlalaro sa kabila, nag-aabang kung saan ipapasa ng pangalawang manlalaro ang bola.
Umalingawngaw ang tunog ng whistle. Hudyat ng simula ng laro. Agad pinasa ni  Gabby sa akin ang bola. Dumampi ito sa aking paa. Ramdam ko ang pagsikip ng espasyo sa kinatatayuan ko nang makita ko ang aming mga katunggali na mabilis na tumatakbo patungo sa akin para agawin ang bola.
“Pasa mo sa likod!” sigaw ni Gabby.
“Pasa! Pasa! Pasa!” bulyaw ng aking mga kasama.
Palapit ng palapit ang dalawang manlalaro ng kabilang kupunan para agawin ang bola. Ako, nanatiling nakatayo. Nag-iisip kung anong gagawin. Bumilis ang tibok ng aking puso. Nanginginig ang mga kalamnan ko. Tumitigas ang mga paa ko. hindi ako makagalaw. Parang lumiliit ang mundo ko. Nahihirapan akong huminga.
Ilang metro na lang ang mga sumusunggab na kalaban.
“Pasa! Pasa! Pasa!”
“Sum!”
Bumalik ako sa aking kamalayan ng marinig ko ang aking pangalan. Nagmula ito kay Gabby.
“Ipasa mo sa likuran.” Utos niya.
Nakaramdam ako ng kakaibang pokus sa aking isipan. Imbes na sumunod sa dalaga, hinarap ko ang mga kalabang papalapit habang dinadama ang presensya ng bola sa aking paa. Nang tangkahing sundutin ang bola ng isang nakalapit na katunggali gamit ang kanyang paa, inilihis ko ito sa aking kanan. Saka dali-dali kong pinalusot sa nakabuka niyang paa. Sa likuran niya ko muli kinuha ang pinag-aagawang bola.
Para makalapit sa goalpost, sinipa-sipa ko ang bola ng may pag-iingat. Pinoprotektahan ko ito sa aking daan patungo sa nagbabantay na kalaban. Para akong lumalabas ng kweba na may mga mababangis na nilalang na nagtatangkang kunin ang aking dala-dala. Buong tapang kong hinarap ang mga balakid na lumalapit sa akin. Hanggang sa ilang metro na lang ang aking distansya sa goalpost. Kung ilalapit ko pa ang dala kong bola gamit ang paa, malaki ang tsansa na maagaw pa ito ng goalkeeper, yung manlalarong nagbabantay sa goalpost, at mawala ang aking pagkakataon para maka-iskor.
Kaya hindi ko na sinayang ang anumang segundong meron ako. Pinakiramdaman ko ang bola sa aking paa at buong lakas ko itong sinipa patungo sa goalpost.
Sa paglipad ng bola sa ere, tanging lawiswis ng hangin ang aking narinig. Tulad ko, ang mga ibang manlalaro, kakampi ko man o kalaban, ay tahimik na naghintay kung saan pupunta ang bola.
Maipapasok ba ito sa loob ng kwadradong bakal? O mapipigilan ito ng nagbabantay?
Ilang sandali lang, naghiyawan ang aking mga kakampi nang makita nilang nakarating sa loob ng goalpost ang sinipa kong bola.
“Gooooaaal!!!!”
Nang makita ko ang resulta ng aking paghihirap, hindi ko maiwasang iguhit ang ngiti sa aking mga labi. Lumalaki ang aking mata sa tuwa. Parang tumatakbo ang aking puso sa sobrang bilis ng tibok nito.
Ano ang pakiramdam na ito?
Ang gaan-gaan ng aking katawan nang makita ko ang aking kakampi na nagsasaya sa aking ginawa. Yun ang unang pagkakataon na nakita ko ang mga ibang tao na nasiyahan sa ginawa ko.
“Ang husay mo!” sabi ng aking kakampi na boses babae, si Gabby, saka tapik sa likuran ko. “Hindi ko alam na marunong ka pala. Paayaw-ayaw ka pa noong una tapos ang galing galing mo pala.”
Nasaktan ako ng bahagya sa lakas ng tapik niya. Pero pinawi ito nang makita ko ang maaliwalas na mukha ni Gabby. Lalong mas gumaan ang aking pakiramdam. Parang haplos ng isang anghel ang tapik nung babae na nakakawala ng pagod.
“Sa totoo lang,” bigkas ko. “Hindi ko alam kung paano ko ginawa yun.”
Nagulat si Gabby sa aking sinabi. “Nagbibiro ka ba? Huwag mong sabihing sinapian ka lang ng maliksing espirito kaya mo nagawa iyon?”
Napangisi yung dalaga sa binanggit niya. Magkahalong pagtataka at pagkamanghang reaksyon ng isang hindi makapaniwala ang nasa kanyang mukha.
Ngumiti na lang ako kahit sa sarili ko na totoo ang aking binanggit na hindi ko alam kung paano ko ginawa ang bagay na iyon. Ang totoo nyan ay yun ang unang pagkakataon na nakapaglaro ako ng ganoong isports. Hindi ko sigurado sa aking sarili kung saan ko natutunan ang mga ganoong kaliksing galaw at paano ko ito natutunan sa ilang minuto lang.
Isa ba akong reincarnation ng legendary soccer player? O sadyang ito ang laro na hinahanap ng aking puso kaya ganoon na lamang kadali ang adaptation ko sa isports na ito?
Sa mga oras na tumatakbo ako patungo sa teritoryo ng kalaban, wala akong naramdamang tali na humila sa akin o di kaya naman walang kadenang bakal ang nagpabigat sa aking pagkilos sa loob ng tinatakbuhang damuhan. Doon ko lang naranasan yung pagkakataon na nagagawa ko ang gusto ko kahit na may balakid sa daan ko. Nakakatakbo ako kahit gaano kalayo ang gustuhin ko.
Ito ang pakiramdam ng malaya. Maluwag ang pakiramdam. Maluwang ang nilalakaran. Magaan ang loob. Walang inaalala maliban sa saya.
Sana hindi na matapos ang kasiyahan na ito.


READ KABANATA 5

Go Back To Title Page

KABANATA 5


“Ako lang ang KJ! Huwag mong agawin ang aking titulo!” banggit ng dalagang namimilit sa isang binatang ayaw sumama sa kanyang balak na umakyat ng bundok.
“May hika ako. Bawal akong mapagod.” Palusot ko.
“Hika?”
“Oo.”
“Siguro kaya ka iniwan ng Ex mo dahil sinungaling ka.”
“Hindi. Totoo ang sinabi ko.”
“Kung totoo yan, bakit ka naglaro ng soccer noong isang linggo? Yun ba ang nilalaro ng mga may hika?”
Sa ebidensyang binanggit ni Gabby, nataranta ang aking isipan kung ano ang sunod kong idadahilan. Ayoko talagang umakyat ng bundok. Minsan lang ako umakyat at sa minsang iyon, ipinangako ko sa aking sarili na hindi ko na uulitin ang ganoong karanasan.
Ang dahilan? Hindi ako makababa dahil sa pangangatog ng aking tuhod sa tuwing nakikita ko ang mga tanawin sa ibaba. Nakakalulala.
Kung ang tanong nyo ay kung paano ako nakarating sa paanan ng bundok na aming inakyat, yun ay dahil nagkunwari akong hinimatay habang naglalakad pababa. Ang buong akala ng aking mga kasama, pagod lang ako. Kaya nagpatulong sila sa mga tour guide na aming kasama para ako ay buhatin.
“Takot ka lang ata e.” sabi ng nakakabighaning si Gabby. Saka gumuhit ng matamis na ngiti na umabot sa kanyang pisngi.
“Hindi a. Basta ayoko. Kayo na lang.” sagot ko.
“Paano ka makakalimot nyan? Paano mo sya maaalis sa iyong isipan kung magmumokmok ka lang?”
“Nakalimot na ako. Hintayin ko na lang kayong makabalik. Maglaro na lang tayo ng soccer kapag nakabalik na kayo.”
“Sigurado ka? Nakalimot ka na?”
“Oo.” Sabi ko kay Gabby para matahimik sya.
Dumukot sya sa kanyang bulsa para kunin ang kanyang cellphone. Kinalikot niya ito ng ilang minuto saka iniharap ang screen sa mukha ko.
Muntik ko nang hablutin at itapon ang cellphone niya dahil sa litratong kanyang pinakita. Imahe ni EX na magkayakap sila ng bago niyang lalaki na sing-gwapo ni Jose Manalo. Pero naalala ko hindi pala sa akin yun. Kaya pinigilan ko ang aking sarili sa aking balak na sirain ang gamit ng iba.
Nagpipigil ng tawa ang mapang-asar na dalaga. “Akala ko ba nakalimot ka na?”
“Sino ba naman ang hindi makakalimot kung patuloy mong pinapakita yang mga litratong tulad niyan?” sagot ko.
“Ang paglimot ay hindi yung hindi mo na sya naaalala. Kundi yung makita mo sya na kahit meron ng iba, hindi ka na nasasaktan.” Paliwanag ni Gabby.
Tama sya. Hindi pa talaga ako nakakalimot. Sya pa rin ang laman ng puso ko’t isipan kaya patuloy pa rin akong nasasaktan.
“Punta na lang tayo sa aming bahay.” Paanyaya ng dalaga.
“Ha?” nabigla ako sa imbitasyon niya.
Ayos lang ba na pumunta ako sa bahay nila? Lalaki ako, babae sya. Baka may masabi ang magulang niya. O masyado lang akong malisyoso?
“Sabi ko, punta na lang tayo sa bahay namin. Doon na lang tayo mag-jamming.” Sabi ni Gabby.
“Sino kasama natin?” tanong ko.
“Tayo lang dalawa.”
“Uh-uhhmm. As in tayo lang dalawa?”
“Oo. Huwag kang mag-alala, wala tayong gagawing masama.”
“Sino ba ang nagsabi na may gagawin tayong masama?”
“Sabi ng utak mo.” Sabi niya.
Bago pa man ako makapag-reak sa sinabi niya, nakalayo na sya. Inutusan ko na lang ang aking paa na sumunod sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto naming paglalakad, nakarating kami sa harapan ng bahay nila Gabby. Malaki. Kulay puti. Madaming halaman. Maluwang ang bakuran.
Inanyayahan niya akong pumasok. Sa loob, maraming larawan ang nakasabit sa pader. Isa sa mga pumukaw sa aking mga mata ay ang larawang parang winisikan lang ng pulang kulay ng pintor ang puting papel.
“Yan ang pinakamahal sa lahat ng paintings dito sa bahay.” banggit ni Gabby.
Sa ignoranteng tulad ko, hindi maiwasan ng aking isipan ang magtaka kung bakit ang larawang iyon ang isa sa pinakamahal sa lahat. Napakasimple ng imahe. Halos lahat kayang gawin ang disenyo.
Nakita ng magandang dalaga ang pagtataka sa aking mukha.
“Hindi ka naniniwala?” tanong ni Gabby.
Hindi na lang ako umimik para hindi ko siya madismaya.
“Hindi sa itsura makikita ang tunay na halaga ng isang bagay,” nagsalita ang dalaga habang tinititigan ang pinakamahal na larawan sa loob ng kanilang tahanan. “Kundi sa bawat parte na bumubuo nito. Buhay ang inilaan ng pintor sa paggawa ng sining na ito. Kung sa tingin mo simpleng pintura lang ang ikinulay dito, nagkakamali ka. Kung sa tingin mo kaya ng sinuman ang ginawa ng pintor dito sa larawan na ito, pag-isipan mong mabuti. Dugo ng lumikha nito ang ikinulay sa sining na ito. Ang paggawa nito ay katumbas ng kanyang buhay na inaalay niya sa namayapa niyang minamahal. Ngayong alam mo na kung ano ang ginamit sa inaakala mong simpleng larawan na nasa harapan mo, sa tingin mo ba kayang gawin ng sinuman ang sining na ito?”
Natahimik ako sa paglalahad ni Gabby. Tinitigan ko ang kanyang mukha. Namumuong luha ang naaninag ko sa gilid ng kanyang mga mata. Sadyang napakahalaga ng larawang nasa harapan niya. Ito ang bagay na nagpapakita ng wagas na pagmamahal sa isang tao. Sa panahon ngayon, wala na sigurong tao ang gagawa ng tulad ng ginawa ng pintor. Sa bawat kasawian sa pag-ibig, tanging ang salitang “move-on” ang nasa isipan ng bawat isa. Wala nang nakakaisip na maging martir.
E bakit mo pa nga ba papahirapan ang sarili mo kung wala na ang taong mahal mo? Praktikalidad na ang naghahari sa larangan ng pag-ibig. Wala ng Romeo at Juliet sa panahon ngayon.
“Bakit naisipan ng pintor na gawin ito? Na ialay ang kanyang buhay sa taong wala na.” tanong ko sa sarili na sya namang binanggit ko kay Gabby.
Nanatiling nakatingin ang dalaga sa larawan. “Ano ang pakiramdam mo noong iniwan ka ng taong nanakit sayo?” tanong niya.
“Uhhmm…” Nag-isip ako. “Pakiramdam ko katapusan na ng mundo ko. Pakiramdam ko wala ng kwenta ang buhay ko dahil wala na siya sa tabi ko. Masakit. Sa bawat paggising ko sa umaga, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa buong maghapon. Nasanay kasi akong naging parte sya ng buhay ko. At nang mawala sya, halos buong parte ng aking sarili ay nawala na.”
“At hindi babalik yung dating ikaw hangga’t hindi sya bumabalik sayo di ba?” tanong ni Gabby.
Pinagnilayan ko ng ilang segundo ang tanong niya bago sumagot. “Oo.”
“Tulad mo, ganoon din ang naramdaman ng pintor na gumawa nito. Sa kaso niya, permanente nang nawala ang minamahal niya. Kaya winakasan na rin niya ang kanyang buhay sa paniniwalang magkikita ulit sila sa kabilang buhay. At bilang tanda ng wagas niyang pag-ibig, iwinisik ng pintor ang kanyang dugo sa puting papel na nasa harapan natin.”
Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa paligid. Nabasag lang ito nang bumukas ang pintuan nila Gabby. Lumantad ang dalawang taong medyo may edad na. Isang babae at isang lalaki.
“Pa andyan na po pala kayo.” Banggit ni Gabby sa matandang lalaki na.
“Oo, napaaga kami. Nakansela kasi yung concert.” Sagot ng lalaking tinawag na “Pa” ni Gabby.
Tinignan ako ng dalawa. Ganoon din ang ginawa ni Gabby.
“Ah…” pasimula ng dalaga. “Si Sum po. Kaibigan ko po Pa. Sum, sila ang mga magulang ko.”
Hindi ko alam ang aking sasabihin. Tinitigan ko lang sila. Namumula ang aking mukha. Hindi ako makapagsalita. Pero pinilit ko pa rin ang aking bibig na bumuka bilang paggalang sa kanila.
“M-magandang araw po. Kinagagalak ko po kayong makilala.” Lumapit ako sa kanila. Iniisip ko kung kakamayan ko ba sila. Pero sobrang tanda naman ata nila para maging pormal ako sa kanila. Kaya inabot ko na lang ang kanilang mga kamay para magmano.
Naghihintay ako kung ano ang magiging reaksyon nila. Tinignan ko ang kanilang mukha. Ngiti ang kanilang isinukli. Unti-unting gumaan ang loob ko sa harapan nila.
“Ito ba ang bago mong…” bitaw ng Mama ni Gabby.
Biglang sumingit ang kanilang anak. “Ah Ma, hindi po. Kaibigan ko lang po si Sum.”
“Uh-huh.” ang naging sagot ng kanyang magulang.
“Magkaibigan lang po talaga kami.” Pahabol ko.
“Wala kaming sinasabing iba iho.” Nagtawanan ang mga magulang ni Gabby.
“Pa… Ma… Huwag nyong biruin si Sum, baka seryosohin niya.” Sumama ring tumawa ang nakakabighaning si Gabby.
Sinakyan ko na lang ang biro ng pamilya ng kasama kong dalaga. “Kaya nga po. Hindi po kasi ako sanay sa biro.”
Napatigil ang aking mga kasama habang ako ay nasa kasagsagan ng pagtawa. Awkward. Tumigil na rin ako.
“Oh sya, iwan muna namin kayo. Feel at home Sum.” Banggit ng Papa ni Gabby.
“Sige po. Salamat po.” Sagot ko.
“Maghain kayo ng miryenda nyo Gab. Baka gutom na ang bago mong…” napatigil ang Mama ni Gabby.
Ngumiti na lang kaming dalawa ng aking kasama hanggang kami na lang ang naiwan sa kanilang sala.
“Ano ang gusto mong gawin?” tanong ni Gabby.
Nag-isip ako. Saka sumagot ng, “Ikaw ang bahala.”
Nag-isip din ang dalaga. “Hmmm… Manood na lang tayo.”
“Sige.”
Habang namimili ng aming papanooring pelikula, pinatugtog ni Gabby ang isang musika na nagpaantig sa aking puso. Sa malamig na boses ng mang-aawit, nakaramdam ako ng kapayapaan sa aking kalooban. Sa bawat salitang binibigkas, unti-unti kong napagtatanto na ang kabiguan ay meron ding wakas.

Ang pagkabigo ay tanda ng pagsubok
Dito ka masusubukan
Kung hanggang kailan ang itatagal
Ito’y lumilipas nang hindi mo namamalayan.

Ilang araw na ang nakalipas noong huli akong nagluksa dahi kay EX? Meron na ring isang linggo nang hindi na sumasagi sa isipan ko ang pananakit ng taong minahal ko ng todo.
Ang lahat ng iyon ay dahil sa isang estrangherang babae na nagpakita at nagparamdam sa akin ng kalayaan. Pitong araw na pala kaming nagkakasama ni Gabby. Sa maikling panahon na iyon, pakiramdam ko isang taon na kaming nagkasama. Napakagaan ng aking loob sa kanya. Sa tuwing kasama ko sya, lahat ng aking pag-aalala ay nawawala.
Sa aking pagninilay tungkol sa aming pagtatagpo, hindi ko namalayan ang aking sarili na bumigkas ng mga kataga sa harapan ni Gabby.
“Salamat dahil nakilala kita.”
Tumigil si Gabby sa paghahalungkat ng mga DVD. “Ha? May sinasabi ka ba?”
Medyo malakas ang tunog ng speaker kaya siguro hindi niya narinig mabuti ang aking sinabi.
Nahihiya na akong ulitin ang aking sinabi kaya nagpalusot na lang ako. “Ah. Wala.” Ngumiti na lang ako pagkatapos para hindi mahalata.
“Meron kang sinasabi e.” pilit na sinasabi ng dalagang nakakabighani.
“Wala nga.” Patuloy ko namang palusot.
“Sabihin mo na. Aamin ka na ba na may gusto ka sa akin?” pabirong banggit ni Gabby.
“Kung anu-ano ang sinasabi mo. Maghanap ka na nga lang ng papanoorin natin.”
“E bakit ka namumula?”
Sadyang nakakapagsinungaling ang aking mga salita. Pero ang aking mukha, hindi.
“Ha? Kung anu-ano ang napapansin mo. Maghanap ka na lang dyan, puwede?” Sabi ko.
“Ayoko. Hangga’t hindi mo inuulit ang sinabi mo.”
“Ang kulit mo rin e.”
“Sinungaling ka kasi.”
“E wala nga akong sinabi.”
“Meron.”
“E ano yun? Sige nga?”
“Hindi ko alam. Narinig ko. Pero hindi ko naintindihan.”
“Baka yung kanta?”
“E bakit biglang may nahalong sintunadong boses?”
“Ah basta, wala akong sinabi.”
“Ganyan kayong mga lalaki e. Nahuli na nga kayo, magpapalusot pa kayo. Para kayong abogado. Ginagawa niyong tama ang mali.”
“Ganyan kayong mga babae e. Mapagbintang, pero hindi nyo naman nakita.”
“Meron na ngang ebidensya, itatanggi mo pa?”
“Ah, basta. Wala akong sinabi.”
“Okay.” Sabi ni Gabby. Tumalikod sya sa akin at itinuloy ang kanyang paghahanap.
Biglang bumigat ang presensya sa paligid naming dalawa ng kasama kong dalaga. Parang nagnipis ang hangin. Halatang nagtatampo sya. Para syang bata. Yun ang nagpapa-cute sa kanya. Nakokonsensya tuloy ako sa pagsisinungaling ko sa kanya.
Pero ang hirap talagang ulitin ang sinabi ko. Iniisip ko baka pagtatawanan niya ako. O baka naman masama lang talaga akong mag-isip?
E ano naman kung pagtawanan niya ako kung magpapasalamat ako sa kanya dahil nakilala ko sya? Hindi ba mas mabuting malaman niya? At bakit naman pala niya ako pagtatawanan kapag sinabi ko iyon? Joke ba ang aking sasabihin para humalakhak sya? Hindi.
Nag-iipon lang ako ng lakas ng loob. Naghihintay ng tamang oras para ulitin ang sinabi ko. Pero pakiramdam ko talaga para akong bibili ng napkin sa tindahan. Ang hirap sabihin. Nakakahiyang banggitin ang aking sasabihin.
Ilang sandali lang, “Gabby?” simula ko.
Hindi sya umimik.
“Gabby!” nilakasan ko ang aking boses para marinig nya.
“Oh? Anong problema mo?” sambit nya.
“Salamat.”
“Ano na naman yang trip mong yan?”
Sa kabila ng kanyang pagbibiro, sineryoso ko ang aking pagsasalita. “Salamat dahil nakilala kita.”
Naghihintay ako ng salitang kanyang isusukli. Pero wala ni isa ang lumabas sa kanyang labi.
Tanging ang malamig na musika ang naririnig sa aming paligid.
…ako’y nandito lamang sa iyong tabi
Na nagmamahal at nag-aalala
Sa iyong kapakanan
At ang buhay ko ay iaalay
Hanggang sa dulo ng aking buhay.
Nagtagpo ang aming mga mata. Ang kanyang titig ay parang magnet na humahatak sa aking paningin. Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Napakaaliwalas. Parang may puting liwanag ang dumadampi sa kanyang mga balat. Parang anghel ang aking nasa harapan.
“Salamat dahil nakilala kita.” Inulit ko ang una kong mga salita. “Kung hindi dahil sa iyo, sigurado nagkukulong pa rin ako sa kwarto. Kinakawawa ko pa rin siguro ang aking sarili sa kakaisip sa taong nanakit sa akin. Salamat dahil pinakita mo at ipinaramdam mo ang ibig sabihin ng kalayaan.”
Naghihintay pa rin ako na sumingit sya sa aking pagsasalita at sumagot sa aking mga sinasabi. Pero tikom pa rin ang kanyang mga bibig.
“Salamat dahil pinakita mo sa akin kung gaano ako katanga. Kung hindi dahil sayo, baka tuluyan pa ring nakatali sa aking leeg ang masamang alaala ng aking nakaraan. Salamat at dumating ka sa buhay ko.”
“Huwag mo nang ituloy Sum.” Ang mga pangungusap na binitawan ni Gabby.
Ang kaninang namumuong luha sa gilid ng kanyang mga mata ay tuluyan nang umagos pababa.
Natigilan ang aking bibig sa pagsambit ng anumang kataga. Hindi ko maunawaan kung bakit napaluha ang kasama kong dalaga.
“Sum,” muling bumuka ang labi ni Gabby. “Sorry.”
Tuluyan na akong nagtaka sa sinabi niya.
Bakit hihingi ng paumahin ang binibining ito sa akin? tanong ko sa aking sarili.
Ano ang kasalanang ginawa niya sa akin?
“Sorry Sum…” nagpatuloy na humingi ng tawad si Gabby sa hindi ko alam kung ano ang rason. “Sorry dahil ginulo ko ang buhay mo sa pagpasok ko sa iyong mundo.”
“Anong sinasabi mo?” pagtataka ko.
“Hindi mo maiintindihan.”
“Ipaintindi mo.” pakiusap ko.
“Hindi na kailangan dahil aalis na rin ako.”
“Ha? Bakit? Saan ka pupunta?”
“Kailangan ko nang bumalik kung saan ako nanggaling.”
“Ha? Hindi na talaga kita maintindihan Gabby. At bakit ka humihingi ng tawad? Ikaw ang nagpaganda ng mundo ko. Hindi mo ito ginulo. Ikaw ang umayos nito. Wala ka dapat ihingi ng tawad.”
Ngumiti na lang yung kausap kong dalaga habang umaagos ang kanyang luha. Hindi ko mabasa ang gustong ipahiwatig ng kanyang mukha.
Ano ba ang nais niyang iparating sa akin?
“Naniniwala ka ba na may iba pang daigdig maliban sa daigdig na ito?” tanong ni Gabby.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi lang ang daigdig na ito ang nag-iisang daigdig sa buong kalawakan.”
“Huwag mong sabihin na isa kang alien?”
Pinigilan ni Gabby na humalakhak. Marahil matatawa sana sya sa tanong ko pero pinilit nya na lang na maging seryoso para paniwalaan ko ang sasabihin nya.
“Tao rin ako.” sabi ni Gabby. “Pero hindi ito ang daigdig na kinabibilangan ko. Dayo lang ako kumbaga.”
“Hindi kita maintindihan.”
“Maliban sa mundong ito, meron pang ibang mundo. Pero hindi iyon tulad ng iniisip mo na mundo ng mga engkanto. Mundo rin iyon ng tao. Nandoon ka rin. Nandoon rin ang EX mo.Nandoon rin ang nanay mo. Ang iyong tatay, mga kapatid, kaklase, guro.”
Pinilit kong inunawa ang kanyang paliwanag pero para akong sumasagot ng tanong sa UPCAT. Napakahirap intindihin.
Patuloy na nagsalita si Gabby. “Kung pamilyar ka sa tinatawag na multiverse, maiintindihan mo ang aking sinasabi. Pero tamad ka magbasa kaya hindi mo pa alam ang bagay na ito. Darating din ang araw na mauunawaan mo ang lahat.”
Hindi ko na itinuloy ang aking pagtatanong. Dahil sigurado akong kahit anong paliwanag ang gawin ni Gabby, sa sobrang kitid ng utak ko, para lang syang nagtuturo ng kapapanganak na sanggol. Imposible.


READ KABANATA 6

Go Back To Title Page

KABANATA 2

There is no ignorance; there is knowledge.

Sabi sa unang kabanata, “Ibaling sa iba ang iyong atensyon.” Kung naghahanap ka ng paraan para makalimot, ito ang isa sa pinakamabisa. Kaya ginawa kong libangan ang pagbabasa ng mga librong tungkol sa syensya na hindi ko naman noon ginagawa.

Hindi ko inaakala na ang pagbabasa ang magsasalba sa aking kalungkutang nadarama sa mga panahon na iyon. Ang pagbabasa ang nagdala sa akin sa lugar na walang kang mararamdamang sakit. Puro may happy ending.

Ang pagbabasa ang nagbukas sa aking mga mata para masilayan ang malawak na paligid na aking ginagalawan. At isa lamang ang daigdig na aking tinitirhan sa mga bilyong planeta sa kalawakan.

Ang ideya na iyon ang nagpayo sa akin na umalis sa maliit na mundo ng taong kinabaliwan ko. Na hindi ko dapat ipagsiksikan ang aking sarili sa kanyang puso. Na kung ako ang gusto niyang manirahan sa kanyang daigdig, ako lamang ang pagtutuunan niya ng pansin. Pero hindi e. Kaya kailangan kong umalis at simulan ang paglalakbay sa napakalawak at masayang buhay.

Pinaigting pa ng mga katagang binitiwan ni Stephen Hawking sa kanyang librong The Brief History of Timeang aking sumisibol na paniniwala tungkol sa pag-ibig nang banggitin nito na mismong syensya ay hindi pa napapatunayan ang ideya na may mga salitang “walang hanggan.” Wala pang ideya na nagpatotoo na ang paglaki at paglawak ng ating kalawakan ay may hangganan o wala. Sa bawat oras na lumalaki ito, humahaba rin ang listahan ng mga hiwalayang nagaganap sa ating mundo. Kasabay nito ang pagdami ng katapusan ng pag-iibigan ng mga magkasintahan. At sa mga oras na ito, kasali na ako sa listahan. Ito ay isang patunay na walang forever, na sa ngayon, ang lahat ay may katapusan.

Ngunit kahit ganun pa man ang reyalidad na pinaniniwalaan ng mga eskperto sa syensya at maging ako, naantig pa rin ang aking damdamin sa kwentong inilahad ni Bob Ong na nagsasabing may salitang “FOREVER” sa pag-ibig. Ito ay isinakatuparan niya sa kanyang librong “Si.”Pero syempre, hindi lahat ng sitwasyon ng mga taong nagmamahal at inilaan ang kanilang sarili sa pag-ibig ay katulad ng sa kanyang kwento. Meron yung iniiwan (tulad ko). Meron yung napagod. Bumitaw sa pangako sa isa’t-isa. Meron yung nagsawa. Meron yung pinaglaruan ng tadhana. Yun bang pinakilala ang taong hindi naman pala para sa kanya. Sa madaling salita, napaasa.

Kung hindi man totoo ang katagang “walang hanggan,” pwede bang kahit habang buhay man lang sana’y magtagal ang pagmamahal na inilaan para sa isa’t-isa? Yun bang pagkagising mo sa umaga araw-araw ay una mong naaamoy yung hininga ng taong pinakamamahal mo.

Napakasarap sanang isipin na sa araw-araw, sa tuwing imumulat mo ang iyong mata sa umaga ay mukha ng mahal mo ang una mong nakikita. Kahit gaano man katigas ang higaan ninyo basta siya ang katabi mo, parang ulap ang hinihigaan niyo. Kahit mala-asin ang alat ng tuyo na inuulam niyo, parang sing-linamnam ng litson manok ang kinakain niyo kapag araw-araw, sabay kayong nagkakamay sa hapag-kainan.Ito ang mas praktikal na reyalidad na maaring paniwalaan at pangarapin ng bawat nilalang na naghahangad ng romatikong buhay.

Pero paano naman matatamo ang ganito katagal na pag-ibig ng taong mahal mo? Yun bang pag-ibig na saka lang mapuputol kapag lumisan na kayong dalawa sa mundong ito?

Kung si Ginoong Gary Chapman, ang taong nasa likod ng akdang The 5 Love Languages: The Secret To Love That Lasts Forever, ang tatanungin sa bagay na ito, ang tanging sasabihin niya ay dapat maunawaan at ginagamit mo ang lenggwahe ng taong minamahal mo. Marahil sa ilang pagkakataon ay sadyang hindi kayo magkaintindihan sapagkat hindi ninyo sinasalita ang lenggwahe ng bawat isa. 
Kaya kadalasan nauuwi sa hidwaan ang mga simpleng bagay na hindi napagkakasunduan.

Ang lenggwaheng binabanggit ni Ginoong Chapman ay ang kagustuhan ng bawat isa. Maaaring nais niyang gawin ang isang bagay at imbes na suportahan mo s’ya sa kanyang gusto, nirarason mo ang ideya na mawawalan siya ng oras sayo kapag gagawin niya ang bagay na kanyang ninanais.

Marahil pinapaniwalaan mo na ang iyong presensya ay magiging sapat na para sa kanya. Nakakalimutan mo na mas mahalaga pa rin ang iyong atensyon. Nasa tabi ka nga niya, magkaiba naman kayo ng ginagawa. Hindi boring na history subject ang pinasukan mo. Kaya hindi ka dapat maging “physically present but mentally absent.”

Tandaan mo rin  na hindi lang regalo ang magpapasaya sa taong mahal mo. Baka hindi sumasagi sa iyong isipan na ang simpleng paghawak sa kanyang kamay o paghaplos sa kanyang masakit na katawan sa sobrang pagod ay napaparamdam mo kung gaano sya kayaman dahil sayo.

Kung maaga ko lang sanang nalaman ang mga bagay na ito, maaaring naisalba ko pa ang gumuhong relasyon namin ng taong kinabaliwan ko.  Siguro ito ang parusa ng mga hindi nagbabasa.

Bakit kasi ngayon ko lang nakahiligan ang ganitong gawain? Ito ba ay tadhana? Ito ba ay nakatakda talaga? Na saka lang ako mahihilig sa pagbabasa kapag naranasan ko na ang masaktan?

Kung sinunod ko lang sana ang utos ng aking guro sa Developmental Reading na dapat palaging magbasa, sana hindi ko na kailangang masaktan. O nakasulat na talaga sa libro ng aking buhay na ako ay masasaktan, makahiligan ko man ang pagbabasa o hindi?

Ngayon ko lang nauunawaan kung bakit kailangang sundin ang mga makukulit nating guro. Sabi natin, nakakabobo ang paulit-ulit. Pero mas pipiliin mo ba na maramdaman ang sakit na resulta nang hindi pakikinig sa mga sinasabi ng ating mga guro na paulit-ulit?

Kung patuloy ko pa ring hahanapan ng rason ang aking pagkabigo, tulad ng aking ginagawa ngayon, tiyak na hindi na ako makapagsimula pang muli. Kailangan ko nang tanggapin ang katotohanan na wala na siya; na hindi na siya masaya sa akin; na kailangang paglayuin kami ng tadhana pagkatapos kaming pagtagpuin; na hindi na magiging reyalidad ang aking pagtanda na kasama siya; na hindi na ako makakabuo ng pamilya na siya ang ina at ako ang ama at; na hindi ko na maaabot ang aking mga pangarap na nasa tabi ko sya.

Sa tuwing iniisip ko ang bukas, pakiramdam ko, nakapako ang buo kong katawan sa nakaraan. Kung babangon man ako, masakit sa loob ko na harapin ang bagong araw na wala na siya. Wala na ang babaeng pinaglaanan ko ng aking buhay. At noong wala na siya, nawala na rin ng saysay ang aking paglalakbay.

Masakit. Sobrang sakit.

Malayo pa ang aking lalakbayin. Naisip ko na ito ay tapusin na rin gamit ang tig-limang pisong Gillette blade o bread knife. Pero tinanong ko ang aking sarili, “ Ito ba ang nararapat kong gawin?”
Naalala ko sila Papa, Mama. Sila ate, kuya at si bunso. Siguradong mababawasan sila ng kalaro.

Masisiyahan ba sila sa aking gagawin?

Hindi.

Masasaktan lang sila. Siguradong magluluksa sila sa aking pagkawala. Baka lumalala pa ang sakit ni Papa. Wala nang magiging kaagapay si Mama. Baka mawalan na rin siya ng pag-asa. Malaking pasakit ang aking gagawin. Ayoko silang mahirapan. Para sa kanila, kakayanin ko ang aking pinagdadaanan. Isa pa, alam kong nandiyan sila sa tabi ko para tumulong sa akin para makaahon sa lubak ng aking katangahan. Sa kabila ng aking katangahan at kakulangan, pamilya ang maaasahan kong sa akin ay magmamahal. Nararapat lang na hindi ko dapat sayangin ang aking buhay.

Marami pa ang bukas. Malayo pa ang wakas. Sa daan, meron pa akong makikilala. Siya ang magpapakita kung gaano ako kahalaga. Hihintayin ko na lang ang pagkakataon na magseseryoso si Tadhana. Kung dumating man ang oras na iyon, sisiguraduhin kong habambuhay na kaming magsasama ng taong para sa akin. hindi ko na hahayaang paglaruan ulit kami ni Tadhana.

Iba talaga ang naging epekto ng pagbabasa sa aking buhay. Lumawak ang aking pananaw. Mas naintindihan ko pa ang mga bagay-bagay na hindi ko alam. Nakayanan kong lagpasan ang pinakamalaking balakid sa aking buhay sa pamamagitan ng pabuklat ng mga aklat. Mga libro ang aking naging katuwang, maliban sa aking pamilya, para maunawaan ang mga sitwasyon na aking pinagdadaanan. Ang mga ito rin ang nagbigay ng ideya kung paano ko dapat harapin ang mga suliranin. 
Kaya taos puso akong nagpapasalamat sa mga manunulat na inilaan ang kanilang oras para imulat ang mga mata ng mga taong nawawalan ng pag-asa katulad ko.

Hindi ko inilalahad ang aking kabiguan para hikayatin ang iba sa pagbabasa. Ito ay isang karanasan na hindi ko alam kung kapupulutan ng aral. Kung meron man itong nais iparating na aral, isa lang, “Wag magpakatanga sa taong ayaw ka na.”

Kaya, sabi nga sa pamagat ng libro ni Marcelo Santos III, “Move On, Walang   Forever.”


Pero ang tanong, “Madali lang ba?” 



READ KABANATA 3

Go Back to Title Page

KABANATA 1


Breakup.

Ano ang susunod sa breakup?

Maaring breakdown.

Breakdown ng pag-iisip. Susundan ng depression na syang magdadala sa iyong final destination. O di kaya naman maaring mauwi sa “forgetting without total forgiveness (yet)”. Saka pupunta sa stage of reality acceptance. Pagkatapos, magsisimula na ang moving-on.

E kelan dapat mangyari ang buong pagpapatawad?

Kapag magkita at magkausap kayo ng taong nanakit sayo?

Ang tanong, “Makakaya mo ba?”

Lalo na kung nakita mo syang nakangiti, tumatawa, malambing at mukhang kontento na sa bago niyang kasama. Habang ikaw nananatiling mag-isa. Naghihintay ng taong magpapasaya sayo.

Syempre, mapipilitan kang ngumiti kapag nakasalubong mo sya. Pinapakita mo na kaya mong lunukin ang mala-ampalayang pait ng reyalidad. Mapait pero kailangang isama sa diet. Saka lang mawawala at pwede nang alisin ang pait kapag tuluyan nang naglaho yung taong naghain sayo nito. Ibig sabihin, kapag permanente nang namahinga yung taong pinagmukha kang tanga noong kayo ay nagsasama pa, doon mo lang makakayang ibigay ang kapatawarang nararapat para sa kanya.

Useless di ba? Wala na sya noong nagpatawad ka. Kasi hindi mo naman talaga kaya noong nandito pa sya. Hindi mo pa kayang bigkasin ang kapatawaran na ninanais niya. Nagpakatotoo ka lang sa iyong sarili. At least ikaw ay authentic at hindi plastic. Isa pa hindi naman ikaw ang nanakit. Huwag siyang maging demanding. Iyan ang sabihin mo sa kanya kapag sya na ay nakalibing. Mahirap magpatawad. Hindi ito madali katulad ng pabibilang sa daliri. At sinadya itong maging mahirap.

Bakit?

Hindi ko alam.

Ang tangi nya lang magagawa ay maghintay. Yun e kung interesado pa sya sa kapatawaran mo. Kung hindi, malamang kakalimutan lang nya ang pananakit na nagawa niya. Kung ganun, huwag mo nang pagtuunan ng pansin na isipin siya.

Burahin mo na ang pagmamahal na isinulat niya sa pisara ng iyong puso. Kung pananatilihin mo pa rin ang pagmamahal na ito sa loob mo, saan mo isusulat ang panibagong leksyon ng buhay mo?

Ang breakup ay para lamang naputol na lubid na may habang hindi mo alam. Hindi porket naputol, doon na matatapos. Meron pa itong kadugtong. Subukan mong hilahin yung kadugtong para malaman mo kung gaano ito kahaba, kung gaano ito kaganda.

Marahil ang naputol na parte ay hindi na kailangan. O di kaya naman dapat lang talagang maalis ito sa kabuuan kaya kailangang itapon.

Sa simula ng iyong paghila ng kadugtong nung tali, makikita mo na hindi maganda ang unahan ng naputol na lubid. Maaaring hiwa-hiwalay ang bawat strands ng bumubuo nito. Pero kalaunan, kapag makarating ka na sa kalagitnaan, makikita mo ang pagkakaiba. Maaring ito ay mas maganda kesa sa una dahil mas inalagaan mo ito. O di kaya naman matutulad lang ito sa naunang parteng naputol dahil hindi ka natuto sa iyong pagkakamali.

E paano ba magsimula after breakup?

Magmukmok sa kwarto? Umiyak ng todo? Gutomin ang mga bulate sa tiyan mo? Hiwain ang pulso? Saksakin ang puso? Iuntog ang ulo? Tusukin ng karayom ang mata mo? Magpataga ng leeg? Magpasipa sa kabayo? Humiling sa nuno sa punso? Magpasundo sa iyong mga ninuno para makapagbakasyon sa sementeryo?

Kung yung mga gawain na nabanggit ang pumapasok sa isipan mo, sasabihin ko sayo na hindi panibagong simula ang hinahangad mo. Kundi katapusan ng buhay ang iyong tinutungo.
Madaming paraan ng pagsisimula. Kailangan mo lang hanapin ang sarili mong kandila na magsisilbing ilaw sa paglalakbay mo sa mahabang kweba ng iyong bagong kabanata.

Isang paraan ay ang pagbaling ng iyong atensyon sa ibang bagay. Hanapin ang iyong hilig. Subukan ang mga bagay na hindi mo pa nasusubukan. Epektib kung yung mga extreme ang iyong gagawin. Para maging extreme din ang iyong paglimot sa nakaraan.

Pwedeng mag-mountain climbing ng walang harness. Mag-rappelling na sinulid lang ang taling nakasuporta sayo. Mag-ziplining ng pabaliktad. Skydiving na walang parachute. Magswimming sa loob ng bulkan. Mag-scuba diving na walang oxygen tank. Makipaglaro sa mga white shark. 
Makipahabulan sa mga piranha. Matulog kasama ang mga buwaya. Mag-volunteer na maging target sa firing range. Suminghot ng isang kilong powder ng paminta. Mag-motocross sa Mount Everest. Mag-ski sa Sahara Desert. Idilat ang mata kapag sandstorm. Pumasok sa loob ng tornado.

Extreme di ba?

Malay mo yun pa ang maging dahilan para ikaw ay makilala ng madla. Sisikat ka. madaming magkakagusto sayo. Hindi mo na problema ang lovelife mo.

Kung hindi mo trip ang mga extreme activities dahil ikaw ay home-buddy, madami pa rin namang puwedeng gawin sa bahay lang para makamove-on. Pero alisin mo na sa mga choices mo yung paghiwalayin ang kape, asukal at creamer sa 3in1 coffee mix. Common na kasi sya. Hindi exciting. 
Boring kumbaga.

Mas makabubuti pa kung pagtutuunan mo ng pansin ang iyong personal transformation/evolution. Huwag mong hayaang malugmok ka sa katangahang ipinamalas mo noong nagmamahal ka.

Kung dati payatot ka, mag-work-out ka. Mag-push-up ng isandaang beses. Mag-sit-up ng singkwentang beses. Mag-pull-up ka ng trentang beses. Para kapag nagkita kayo ng taong nanakit sayo, isang timba ang ilalaway niya dahil sa katakam-takam mong katawan.

Kung dati bobo ka sa harapan niya, magbasa ka ng sampung volume ng encyclopedia para maging matalino ka hindi lang sa paningin niya pati na rin sa mata ng iba. Magiging lapitin ka pa ng mga taong iyong pinapantasya. Habang siya di na makalapit dahil pakiramdam niya wala na siyang kwenta sayo. Makikita niya na hindi ka na nasasaktan. Naka-move on ka na!

Pero kung tutuusin, hindi naman lahat ng taong sawi, magagawa ang mga bagay na nabanggit. 

Karamihan sa mga nasasaktan ang damdamin dahil iniwan sila ng mga taong pinaglaanan nila ng buhay ay pinag-iinteresan ang tig-limang pisong Gilette na blade, bread knife, peeler o kaya naman yung tali ng kanilang kambing sa pag-aakalang maiibsan nila ang kanilang kasawian kapag winakasan na nila ang hiram nilang buhay. Naglalaslas., nagpapatiwakal at anu-ano pang paraan ng pagpapakamatay. Marahil sumasagi sa isipan mo ang katanungan kung bakit ko nabanggit ang bagay na ito. Ito ay hindi dahil ganoon ang aking nakikita sa mga romantikong pelikula kundi mismong ako ay nakaranas din ng ganoong kalunos-lunos na katangahan.

Tama. Kalunos-lunos na katangahan ang tawag dun.

OA ba? Well, ikaw na mismo ang manghusga sa kwentong iyong mababasa dahil ito ang kasaysayan ng aking kabaliwan sa aspeto na tinatawag na “pagmamahalan.”

Summer vacation noon. Taong 2011. Yun ang unang pagkakataon na kinamuhian ko ang mabuhay dahil naramdaman kong maging isang laruan na itatapon na lang kapag napagsawaan. Pero buti na lang wala akong nakitang Gilette blade, bread knife, peeler o tali ng kambing nang wakasan na aking sinisinta ang aming pag-iibigan. Kung hindi, wala ng korning paglalahad tulad nito na mababasa nyo. 
Kahit sobrang sakit na isipin na masaya na siya na wala ako sa piling nya, tiniis ko na lang.

Nasa malamig at mahamog na bayan ng La Trinidad, Benguet ako noon. Nagbabakasyon. Nagbabakasakaling mamimiss ako ng taong pinaglaanan ko ng puso sa loob ng isang buong school year. Nagbabakasakaling ang paglayo ko ang magiging dahilan para mapabuti pa ang sumasama naming relasyon ng aking girlfriend. Pero kabaliktaran ng aking inaasahan ang nangyari.

Kasabay ng aking paglayo ng lugar ay ang tuluyang paglayo ng kaniyang puso. Gusto kong bumalik agad-agad nang mabasa ko ang mensahe niyang “TAPUSIN NA NATIN ‘TO!” kahit isang minuto pa lang ang nakalipas nang makatapak ako sa Strawberry Capital of the Philippines. Pero isang bagay ang humadlang sa aking desisyong bumalik noong mga oras na iyon---kulang ang aking pamasahe pabalik.

Timing ‘di ba?!

Wala akong magawa. Hirap talagang umibig kapag estudyante ka tapos bakasyon pa. Malayo na nga kayo sa isa’t-isa, hindi mo pa siya makita. Wala ka na ngang perang mahingi kay mama, hiniwalayan ka pa ng taong nais mong maging asawa.

Ang sakit ‘di ba? Kung alam ko lang sana na mangyayari ang bagay na iyon, sinabi ko na sana sa nanay ko na meron kaming project na 1300Php ang halaga noong may klase pa kahit wala naman pala para may reserba akong pera pabalik. Pero hindi eh. Wala akong ideya. Hindi man lang sa akin ipinaalam ng Tadhana na mangyayari sa akin ang ganitong sakuna.

Kung may isang bagay akong natutunan sa sinapit ko noon ay yung ideya na dapat wag kang magbabakasyon sa malayong lugar kung alam mong nasa bingit na ng hiwalayan ang pagmamahalan n’yo ng iyong kasintahan. Kung may balak ka mang magbakasyon sa malayo, siguraduhin mong may pamasahe kang pabalik ano mang oras. Dahil hindi mo alam baka matulad ka sa masakit kong karanasan.

Baka maranasan mo yung hindi matulog ng buong gabi kakaisip sa kanya. Yung hindi ka makakaen dahil pakiramdam mo palaging may tinik sa iyong lalamunan na pumupigil sa’yo na lumunok ng masasarap na ulam habang s’ya nagpapakasaya dahil malaya na s’ya sa mga kamay mo. Nakikita mo s’ya sa iyong isipan na masayang-masaya dahil wala ka na sa kanya. Tapos aasarin ka n’ya at babanggitin ang, “BEEEELAAAT!”

Ikaw naman na baliw, kakausapin mo s’ya sa utak mo, “Umalis ka nga d’yan sa isipan ko!”

Syempre hindi mo s’ya kayang paalisin sa isipan mo dahil dun mo na lang s’ya nakikita. Ang tangi mo na lang magagawa ay ang lumuha habang yung bibig mo ay nakabuka sabay banggit ng, “Ayoko na!!! Uwaaaa!! Ayoko nang mabuhay!!! Uwaaaa!”

Tapos sasabayan mo ng pag-aalala sa mga masasaya n’yong araw. Kasama d’yan yung unang pagkakataon na nakita mo s’ya. Yung una mong nasilayan ang nakakabighani n’yang mga tingin at ngiti. Yung unang pag-uusap n’yo. Yung oras na sinabi mo na mahal mo s’ya at sumagot s’ya na ganoon din ang nararamdaman n’ya. Tapos araw-araw na kayong magkasama. Sa jeep papunta sa eskwelahan. Sa canteen tuwing recess. Sa library tuwing may assignment na nireresearch. Sa laboratory na kayo palagi ang magkapartner sa mga science experiments. Sa karinderya tuwing tanghalian na minsan kayo pa ay nagsusubuan. Sa ilalim ng puno ng mabolo tuwing free time n’yo. Sa gymnasium tuwing P.E. class. Sa waiting shed pagsapit ng uwian. Tapos pagdating sa kanya-kanyang bahay, parang hindi pa kayo nagkasawaan sa maghapong pagsasama niyo, magtetexan pa kayo ng,

“Alam mo miss na kita.”

“Ako rin, sana umaga na para makita na kita.”

(Ayiiiiiiiieeeeeeeeeh!)

Umabot na ng alas dose kayong dalawa nag-uusap pa sa cellphone. Nagtatalo kung sino ang papatay 
ng tawag.

“Good night na. Patayin mo na.”

“Ikaw na ah.”

“Ikaw na.”

“Eh naman eh, kaw na.”

“Sige na please, ikaw na.”

“’ To naman eh, ikaw na ah.”

“Baby please ikaw na.”

Hanggang dumating sa punto na may magsasabing, “Sige na, papatayin ko na. Babye. Good night.”
Tapos yung isa naman, “Babye, goodnight. Tulog na ha?”

“Oo na po. Pero wait…”

“Bakit?”

“Yung kiss ko?”

(Ayyyiiiiiiiiiieeeeeeeeeeeh!)

“Ha? Anong kiss ka d’yan. Suntok gusto mo?”

“Isa lang baby please?”

“’To naman eh, ang daming demands.”

May magtatampo kunwari, “Para isang kiss lang eh, ayaw pa. Sige na nga. Good night na!”

“Baby naman, nagalit agad. Oh sige na, isa lang ha?”

Yung nasa kabilang linya, YES! Sabay sagot ng, “Oo isa lang.”

“Oh ito na, Mmmmmuuuuuuuaaaaawwwh!”

(Ayiiieeeh!)

Sa tinagal-tagal ng usapan n’yo, umikot lang sa pagsasabi ng Good night, kung sinong papatay ng tawag at dahil lang sa isang sapilitang electromagnetic wave kiss.

Kapag sumasagi sa isipan mo ang masasayang alaala niyong dalawa, hindi mo maiwasan ang mapangiti kahit hiniwalayan ka na niya. Pero syempre, hindi maalis ang paghagulgol mo kapag nalaman mo na sa susunod na school year hindi n’yo na magagawang dalawa ang nakasanayan n’yo. 

Imbes na “Hi, Baby.” ang bati mo sa kanya kapag nakita mo s’ya, “Hi, Ex.” na ang iyong sasabihin. 
Yun eh kung magpapansinan pa kayong dalawa. Pero malamang, sa sobrang bitter mo, hindi na.

Kaya ikaw naiwang luhaan,

Ahuuuuu!

Ahuuuuu!

Sasabihin mo pa sa iyong sarili na, “Wala ng kwenta ang buhay ko.”

Uuuwaaa!

Uuuwaaa!

Susundan ng, “Ayoko nang mabuhay.”

Ungaaaak!

Ungaaaak!

Aaminin ko na ganoon nga ang naramdaman ko nang hiwalayan ako ng babaeng nais kong makasama sa habambuhay. Pero hindi ko hinayaang malunod ang aking sarili sa bawat patak ng luha na kumakawala sa aking mata sa tuwing maiisip ko yung masaya naming pagsasama. (Ahuuuuuuuuuu!)

Nilibang ko ang aking sarili. Maghapon akong naglaro ng computer games. Inisip ko na lang na yung taong nanakit sa akin ay yung mga zombie na binabaril ng mga halamang naglalabas ng peas sa PlantsVsZombies. Pinaramdam ko sa kanya kung gaano na kalamig ang aking pagmamahal sa kanya sa tulong ng Cold Plants. Pinakita ko sa kanya ang paghihimutok ng aking damdamin. Salamat sa Cherry Bomb na aking na-unlock. Ipinamukha ko rin sa kanya kung gaano na katigas ang puso ko magmula nang iwanan n’ya ako na kahit anong pananakit pa ang gawin n’ya sa akin, hindi ako masasaktan at matitinag tulad ng Stone Wall na patuloy na sinasapak ng mga zombies sa laro. 

Ipinarating ko sa kanya na kahit na magdilim ang aking mundo, may mga taong magbibigay pa rin ng liwanag na tulad ng Night Mushroom. Pero tulad nga ng zombie, hindi pa rin s’ya mamatay-matay sa isipan ko kahit natapos ko na yung laro.

Hindi ako nagpadala sa aking nararamdaman. Naniniwala ako na mawawala rin s’ya sa aking isipan. Kailangan ko lang libangin ang aking sarili. Kailangan ko lang ibaling ang aking atensyon sa ibang bagay. Kaya ipinagpatuloy ko pa rin ang paglalaro ng mga video games.

Sunod kong pinakaadikan ang Tetris Battle. Limang araw pa lang Level 32 na ako. Yan ang resulta ng maghapon kong pagpapaikot at pagpapalit ng piyesa para lang hindi maunahan ng aking kalaban na pataasin ang patong ng aking bricks.

Kung may natutunan man ako sa paglalaro ko nun ay hindi lahat ng bagay ay tugma para sa isa’t-isa. Dahil kung ang lahat ay akma, panay na lang sana “SPACEBAR” at “Left” at “Right Arrow” na lang ang pipindutin ko sa Tetris Battle para madali kong matalo yung kalaban ko. Madali akong makakapagpa-level up.

Pero hindi eh. Hindi palaging sumasang-ayon ang mga bagay-bagay. Kailangan talaga hanapin ang pagkakatugma nila.

Kaya ba ako hiniwalayan ng girlfriend ko? Dahil hindi kami akma para sa isa’t-isa? Na hindi ako ang nakatadhana para sa kanya? At s’ya ay mapupunta sa iba? (Ahhhhuuuuuu! Uuuwaaaaaa!)

Ang hirap pala talagang masaktan. Kung saan-saan na ako kumukuha ng pinanghuhugutan. Mismong ang mga walang malay na tsinelas, lapis, mesa, tae ng aso, kulangot na hindi maalis-alis at muta na nakabara sa aking mata ay nakakausap ko. Ang nakakagulat pa, sumasagot sila.

Ito yung aming usapan.

Ako: Bakit n’ya ako iniwanan? Anong bang mali sa akin?

Tsinelas: Wag kang mag-aalala. Hindi kita iiwanan. Kahit saan ka magpunta, sasamahan kita. Huwag 
ka lang maging tanga sa pag-iwas ng tae ng iba.

Ako: Paano ko ipaparating sa kanya ang nararamdaman ko ngayong wala na s’ya.

Lapis: Tutulungan kita. Gamitin mo akong pansaksak sa kanya para maramdaman n’ya kung gaano 
kasakit noong mawala s’ya.

(Akala ko pa naman kung tutulungan ako nung lapis na ipahayag ang aking damdamin sa paraan ng pagsusulat. Pero hindi. Ex-convict pala ang lapis ko.)

Ako: Ang hirap ng walang masandalan.

Mesa: Bakit hindi mo subukang ako ay tuntungan? Tutulungan kitang pasanin ang lahat ng bigat na iyong nararamdaman.

Ako: Pilit ko na ngang iniiwasan na s’ya ang maging laman ng aking isipan, pero hindi ko makayanan.

Tae ng aso: Katulad ko lang s’ya. Alam mo na nga ang baho na aming dala, tatapakan mo pa.

Ako:Hindi s’ya maalis-alis. (Ahhuuuuu! Uuuwwaaaaa!)

Kulangot na hindi maalis-alis: Huwag mo akong paringgan.

Ako:Ayoko na s’yang makita.

Muta na nakabara: Umiyak ka pa saka hayaan mo lang na matuyo. Dadami kami. Hindi mo na sya makikita.

Bakit ganun? (Ahhuuuuu! Uuuuuwaaaa!) Hindi naman ako naka-drugs. Pero nagsasalita sila. (Aaaahhhhuuuu! Uuuuuwwwwaaaa!)

Ayoko nang umibig.

Yan ang pinangako ko magmula noon. Nilibang ko ang aking sarili. Nirekomenda ng aking kaibigan na laruin yung “Grand Chase.”  Hindi ko alam kung nang-aasar lang s’ya o yun ang gusto n’yang sabihin sa akin.

Grand Chase.

Chase.

Chase.

Chase.

Hahabulin ko pa ba s’ya? O hayaan ko na lang na maging masaya siya sa desisyon nya? Makakaya ko ba na makita s’ya sa eskwelehan sa pasukan na ang tanging relasyon na lang na meron kami ay bilang magkaklase? Hindi na intimate. Hanggang friendship na lang. Yun eh kung gusto n’ya pa akong maging       kaibigan? Hahayan ko na lang ba na ligawan s’ya ng iba? Hindi ko naman s’ya pwedeng pigilan sapagkat sino ba naman ako para pigilan s’ya?

Tatay?

Kuya?

Wala.

I’m just a hopeful nobody. Pero sa tuwing tatawagan ko s’ya at hindi n’ya sinasagot, I feel hopeless. Wala ng pag-asa. Pinapadaanan ko pa s’ya ng mga group messages na s’ya lang naman ang nakakatanggap. Para hindi halata na hindi ako maka-move on sa ginawa n’ya sa akin. Naghihintay ako ng sign na magsasabi sa akin na itigil ko na ang pagpapapansin sa kanya. Pero sa bawat minutong dumaan na patuloy pa rin ang kanyang pananatili sa aking isipan, hindi ko pinansin yung mga senyales na dapat ko na s’yang kalimutan. Bagkus hinintay ko ang pagkakataon na may magsasabi sa akin na, “Kung mahal mo s’ya, hindi ka susuko na mapa-ibig ulit s’ya.”

Para ma-realize kung tama nga ang ginagawa ko, nagbigay ako ng kundisyon sa aking sarili. Yun ay kung hindi s’ya magtext kahit isang beses sa buong bakasyon, ititigil ko na ang pagiging martir.
Pinadaanan ko s’ya nang pinadaanan ng mga GM na s’ya lang ang talaga ang nakakatanggap. Bawat gabi bago matulog, pinapanalangin ko na sana mag-reply naman s’ya kahit isa. Hanggang sa malapit nang matapos ang summer vacation.

May 19,2011.

Nagpadala ulit ako ng GM.

“Malapit na ang pasukan. Excited na akong makita kayo. Gusto ko na talagang pumasok. Miss ko na 
s’ya. Sobra. Anong kukunin nyong major guys?”

Hanggang sa oras na iyon, umaasa pa rin ako na sasagot s’ya sa mga text ko. Hindi ako nawalan ng pag-asa na balang araw, mababasa ko rin muli ang text n’ya.

Hindi kalaunan, sa mismong araw na iyon, natupad din ang aking hiling na muling makabasa ng mga salitang galing sa kanya.

Tumunog ang Cicada ringtone ng aking cellphone. Tinignan ko kung sino ang nagtext.

BhabyQ.

Yun ang pangalan ng ex-girlfriend ko sa aking cellphone. Hanggang noon kasi, hindi ko pa pinalitan ang pangalan niya kahit break na kami. Hindi pa kasi ako maka-move on.

Nang makita ko ang pangalan na iyon, hindi ko napigilan na ang magtatatalon sa sobrang tuwa.

“Sa wakas! Ito na ang hinintay kong sign!” yun ang pinagsisigawan ko sa loob ng bahay.

“Sabi ko na nga ba, talagang kami ang tinadhana!” pagyayabang ko pa sa aking sarili.

Nasabik akong buksan ang mensahe n’ya. Matagal-tagal na mula noong huling makabasa ako ng text galing sa kanya. Ang pagkakatanda ko, “TAPUSIN NA NATIN ‘TO!” ang nakasulat sa huli n’yang sinabi. Nang maalala ko ulit yun, hindi ko napigilan ang muling mapahagulgol.
Aaaahhhhuuuuuu! UuuuuWaaaaa! Uuuungggaaaaa!

“Pero tapos na yun.” sabi ko sa aking sarili. “May bago ng kabanata. Sigurado akong mas maganda pa ito kesa noong una.”

Sabi nga nila, love is sweeter at the second time around.

Hindi ko pa man nababasa ang mensahe n’ya, sinigurado ko na kahit anong mangyari, ipaglalaban ko 
na talaga s’ya. Dahil ito ang itinakda kong kundisyon para sa aking sarili. Na kung hindi s’ya 
magtetext sa buong bakasyon, ititigil ko na ang pantasya na magiging kame pa.

Pero nagtext s’ya. Ibig sabihin, sinasang-ayunan pa rin ng tadhana ang aming pag-iibigan.

Lubos ang aking pananabik na mabuksan ang kanyang mensahe. Marahil syempre, simpleng,  “Ako Math ang kukunin kong major.” ang pinadala niyang text bilang sagot sa tanong ko sa aking GM. Kahit ganoon lang yun, it means a lot to me.

It means we are destiny!
(Ahehe—hehe—he—he-heeeeee!)

Para sa akin, nangangahulugan na hindi niya ako kayang tiisin. Alam kong pinipigilan lang niya ang kaniyang sarili para ilayo ang loob niya sa akin. Siguro na-realize n’ya na hindi niya kaya na ako ay mawala sa piling n’ya.

Nararamdaman ko sa lamig ng hangin ng La Trinidad na “pag-ibig is in the air” sa bawat minutong pagtitig ko sa pangalan ng nagtext sa akin. BhabyQ.

Miss ko na s’ya. Alam kong ganoon din ang nararamdaman n’ya kaya hindi n’ya napigilan na magtext sa akin.

Hindi ko na pinahaba ang aking pananabik na malaman kung anong salita ang mga nakapaloob sa pinadala niyang mensahe. Pinindot ko yung “OK” button.

Loading message…
...
At sa sumunod na segundo, lumabas na ang mensahe. Lumantad sa akin ang mga salitang aking pinanabikan. Binasa ko ang mga ito ng may ngiti. Kahit hindi ko pa alam kung ano ang mga nakapaloob dito.

“Pwede ba wag ka nang magtext sa akin. Wala na tayo. Wag ka nang umasa na magiging tayo pa. May mahal na akong iba. Nakakairita ang mga text mo. Tigilan mo na ako sa mga GM mo na ako lang naman ang nakaka-receive.”
(Lunok.)
Pakiramdam ko, isa ako sa mga diyos ng Greek mythology na si Atlas. Pasan ko ang daigdig. Dama ko ang bigat nito matapos kong mabasa ang mensahe ng aking Ex-girlfriend.

Aaaahhhuuuuu!

Uuuwwwaaaa!

Uuunnggaaaa!

Ang hirap maging assuming.

Bakit ganoon? Ang dali niyang maka-move-on! Ganoon ba ako kadaling limutin? Ako ba talaga yung tipo ng taong madaling ipagpalit? Hindi man lang s’ya nagluksa kahit tatlong buwan bago s’ya humanap ng iba.

Aaaahhhuuuuuu!

Uuuuwwwwaaa!

Uuunnngggaaa!

Nagbalik muli ang aking heartbroken routine. Gumising sa umaga na may eye bags na matataba. Kumaen ng mga nakakatakam na pagkaen na wala namang lasa pagdating sa aking dila. Kumakapal ang lupa sa aking balat dahil sa tatlong araw na hindi paliligo. Sa sobrang kinang ng kanilang pagkadilaw, puwede ko nang isangla ang mga ngipin ko dahil once -when-I-remember lang ako magsipilyo. Hindi na lang ako nag-atubili na magtungo sa pawnshop para isangla ang mga ito dahil baka pagkamalan nilang fossil ng Java man ang aking mga ngipin.

Ang mga gawaing ding iyon ang nagbigay daan sa aking mga tigyawat na masilayan ang mundo gamit ang pisngi ko na hindi maiiwasang mapapangit ang mukha ko. Para silang kabute na nagtubuan tuwing kumikdlat. Tama nga ang sabi sa kantang Lintik.

“Lintik na pag-ibig.
Parang kidlat.
Puso kong tahimik na naghihintay…
Mukha kong ginawang parang patay.”


(Aaaahhhhuuuu!)

(Uuuwwwwaaa!)

(Uuunnnggaaaa!)

Paano kapag nagkita kami ng Ex ko? Siguradong masasabi n’ya na hindi s’ya nagkamali na hiwalayan ako. Tuwing naiisip ko ang ideya na iyon, sumisikip ang aking dibdib. Ang hirap talagang umibig.
Ayoko na.

Noong una, hindi ako naniwala sa sinasabi ng iba na masasaktan lang ako. Pero ngayon, gusto kong sabihin na “Sana nakinig na lang ako sa kanila.” Pero huli na ang lahat. Nasaktan na ako. At siguradong pinagtatawanan ako ng taong nanakit sa akin. Masaya na s’ya sa iba. Bagay na hindi ko nakita sa kanya noong nasa piling ko s’ya.

Madalas kong marinig na may dalawang klase ng tao sa mundo. Tama sila. Dalawa nga.
Yung taong masayang nananakit ng iba at yung taong tangang pumapayag na saktan ng iba.

Syempre, ako yung pangalawang klase.  Hindi ko iyon maitatanggi. Ang buong akala ko lang kasi ay nagmamahal lang ako kaya ako nagtiis. Kaya hindi ko pinansin yung mga komento ng iba noong kami pa na hindi kami talaga para sa isa’t-isa.

Pangit ako. Maganda at sexy s’ya. Tanga ako. Matalino s’ya. Tamad ako. Masipag s’ya.
Hindi naman pala sa lahat ng pagkakataon applicable ang Law of Magnetism (opposites attract). Lalong-lalo na sa pag-ibig.

Ang hirap umasa sa mga batas ng daigdig na may ine-exempt. Ang daya talaga. May favoritism si Tadhana. Sana pati siya tumutupad sa usapan. Para naman patas ang laban. Mas maganda pa sana kung hindi siya nakikialam. Sobrang dami kasi ng nasasaktan. Ang masama pa hindi siya marunong makiramdam. Para sa kanya, ang lahat ng bagay sa pag-ibig na dapat sineseryoso ay para lamang laro. 

Yan si Tadhana.

E ano ba ang aking magagawa? Kung ganito nga ang mga alituntunin na dapat sundin sa mundong ibabaw?

Wala.

Isa lang ako sa mga taong namamangka sa proseso ng buhay. Ipapanganak na isang bata. Mag-aaral paglaki. Magtatrabaho pagtanda. Mabibingwit ni Tadhana. Paglalaruan. Kapag sawa na, saka lang niya ipakikilala ang taong aking makakasama sa paggawa ng pamilya. Ako’y magiging magulang. Tatanda. Manghihina ang tuhod. Babaluktot ang likod. Manlalabo ang paningin. Pupurol ang pandinig. Babagal ang memorya. Malalagutan ng hininga. Babalik sa lupa.

Ano pa ba ang dapat ireklamo?

Wala.

Kaya ang mas mainam na gawin ay umusad sa susunod na hakbang. Iwan ang mga bagay na hindi naman kailangan. Sadyang napakahirap ng proseso na pagdadaanan. Pero kung hahayaan mo lang na malugmok ka sa kalungkutan ng nakaraan, hindi ka makakatuntong sa palapag ng kinabukasan.

Leave everything unnecessary. Learn from your mistakes.

Iyon ang mga baong pilosopiya na nabuo sa aking isipan.

Sabi nga ni Newton sa kanyang Third Law of Motion,

“In order to move forward, you must leave something behind.”

Ang buhay ay hindi palaging weightless. Kahit saan ka man tumuntong sa mundong ito, meron at merong pwersa na hihila sa iyo pababa. Pero pasalamat ka sa kanyang presensya. Dahil kung hindi sa kanya, baka hindi mo mailalapat ang iyong paa sa lupa. Kung hindi dahil sa pwersang ito, baka matulad ka sa isang plastic na tinapon lang kung saan-saan. Hindi alam kung saan ang patutunguhan. 
Wala ng pakinabang. Salot pa sa kapaligiran.

Kaya sa sarili ko, nang mapagtanto ko ang katangahang ginagawa ko, inumpisahan ko ang pagbabago sa buhay ko. Inuna ko sa paliligo. Kung noon kada-tatlong araw ko lang ito ginagawa. Binawasan ko na ang pagitan. Tig-dalawang araw na lang.

Alam kong maliit lamang ang una kong hakbang. Pero naniniwala ako na ang malaking tagumpay ay nag-uugat sa maliit na hakbang.

Muli kong hinarap ang mundo na may ngiti sa kabila ng papaalis pa lamang na pighati. Sumikat ang bagong araw na nagbigay ng kislap sa katagang, “Ito na ang simula para sa aking sarili.” Ito na ang simula ng panibagong kabanata. Pero hindi kasingdali ng pag-ukit ng mga kaganapan sa isang nobela ang pagbabago na aking isusulat. Hindi tulad ng mga akdang may magkaka-ugnay na kabanata, sinigurado ko na hindi konektado ang panibagong yugto ng aking libro sa taong nanakit sa aking puso.


READ KABANATA 2

Go Back To Title Page