Monday, May 8, 2017

KABANATA 7


Sum,
Paumanhin kung hindi man ako nakapagpaalam sa iyo ng personal. Ito ay sa ikabubuti na rin nating dalawa. Marahil sa oras na mabasa mo ito, gulong gulo ka sa mga nangyayari. Kung sino nga ba talaga ako. Kung bakit iba na ang nakatira sa bahay na pinagdalhan ko sa iyo. At kung bakit hindi na ako nagpakita sa’yo bago ako bumalik sa mundong aking kinabibilangan.
Lingid sa kaalaman ng mga ordinaryong tao katulad mo, hindi lang ang inyong daigdig ang nag-iisang mundo sa kalawakan, kundi napakarami. Sa bawat daigdig na ito, meron tayong isang katauhan na nabubuhay. Sa aking daigdig at sa iba pa, naroon ka at naroon din ako. Nabubuhay sa ibang katauhan. Marahil ikaw ay simpleng estudyante sa isa. O di kaya naman isang matagumpay na manunulat. Isang siyentesta. Isang artista. O di kaya naman isang pulubi sa tabi.
Dito sa inyong daigdig na kung saan ako nagpunta at nakilala ka, meron pang isang Gabby na nabubuhay sa isang katauhan. Kaya nang ako ay magpunta riyan sa inyong mundo, naging dalawang Gabby ang nabuhay nang ako ay nariyan. Walang nakakaalam sa katotohanan na ito sapagkat ako lang ang nakakagawa ng paglalakbay sa bawat daigdig.
Mahirap paniwalaan ang aking sinasabi. Ang tanging patunay na meron ako ay ang litrato na nakalakip sa liham na ito.

Kinalkal ko ang sobre. Isang larawan ang lumantad. Dalawang tao ang nasa litrato. Si Gabby at isang lalaki na palagi kong nakikita ang mukha sa salamin tuwing ako’y haharap dito. Ako ang kasama ni Gabby. Magka-akbay kaming dalawa na parang magkasintahan. Inalala ko kung kailan nangyari ang nasa litrato. Ni isang alaala, walang sumagi sa isipan ko. Itinuloy ko ang pagbabasa ng liham.

Ngayon siguro ikaw ay nagtatanong kung kailan kinuhanan ang litrato. Ang larawan na nasa harapan mo ay ang aming litrato ng taong pinakamamahal ko sa aming mundo. Hindi mo yan kakambal. Kundi ikaw yan mismo sa aming mundo.
Ang Sum sa aking mundo ay ang taong kumukompleto ng araw ko. S’ya yung lalaking ibibigay ang lahat mapasaya lang ang mahal niyang babae. S’ya yung lalaking handang ialay ang buhay para sa kanyang minamahal. Dahil sa katangian niyang ito, iniwan niya ako ng maaga. Ibinigay niya ang kanyang buhay maligtas lang niya ako sa kapahamakan. Pero mas ninais ko pa na ako ang mawala sapagkat para na rin akong namatay nang iniwan niya ako ng tuluyan. Napakasakit mawala ang taong kumumpleto ng buhay mo. Sinabi ko sa aking sarili na kung pinagmamasdan man niya ako kung nasaan man siya siguradong hindi sya magiging masaya na malungkot ako dahil niligtas nya ang buhay ko. Ayaw kong maramdaman niya iyon kung nasaan man s’ya. Kaya ipinangako ko sa aking sarili na magiging malakas ako para sa kanya. Hindi ko sasayangin ang buhay na iningatan niya para sa akin.
Nagkaroon ako ng pagkakataon na muling makita siya sa inyong daigdig sa katauhan mo. Natuwa ako sapagkat sa unang pagkakataon na kami ay magkakilala, sugatan ang puso niya. Nakita ko syang umiyak na parang batang naagawan ng lollipop. Ako ay naawa at hindi makapaniwala sapagkat ibang-iba ang Sum sa aming mundo kumpara sa inyo. Pero parehas silang handang iaalay ang kanilang buhay para sa taong mahal nila.
Nakita ko ang nakakawiling Sum na hindi nagmimintis na magpatawa sa tuwing kami ay nagkikita. Sa mga salitang binibitawan niya tungkol sa EX niya, hindi ko mapigilan ang humalakhak ng palihim. Ako ay nagtatanong kung ilang kilong ampalaya ba ang kinakain ng Sum na iyon araw-araw sapagkat puro kapaitan sa kanyang nakaraan ang kanyang binibigkas.
Dahil sa malungkot na kalagayan ng Sum sa inyong mundo, nagkaroon din ako ng pagkakataon para buhaying muli sa loob ko ang Sum na aking inibig. Lahat ng ipinayo ko sa iyo ay ang mga salitang nanggaling sa Sum na aking pinakamamahal. Nakakatawa nga lang sapagkat parang sarili mo ang nagpayo sa iyo.
Nagpapasalamat ako at nagkaroon ako ng tsansa na makita at makilala ka. Binuhay mong muli ang diwa ng pinakamamahal kong Sum sa aking kalooban. Gustuhin ko mang manatili sa inyong mundo para makasama ka, pero hindi maari. Tanggap ko na kailanman, hindi na babalik ang Sum sa aming mundo. Kung merong ibang Sum ang nabubuhay, meron din silang kanya-kanyang kapalaran na dapat isakatuparan. Iyon ang hindi ko dapat pakialaman. Kung meron mang Gabby at Sum na nagkatuluyan, magiging lubos ang aking kasiyahan kung ito ay mismo kong masasaksihan.
Sa iyo, Sum na may pusong luhaan sa kasalukuyan, huwag kang mawawalang ng pag-asa. Huwag mong sisihin ang iyong kapalaran sa iyong nararanasan. Walang bagay ang nagdidikta ng kung ano ang mangyayari sa iyo kinabukasan o sa susunod na mga araw. Ano man ang nangyayari sa iyo ay tanggapin mo. Dahil ito ang mga bagay na magtuturo sa iyo kung ano gagawin mo sa hinaharap.
Hindi madali ang magmahal. Yan ang hindi maitatangging katotohanan. Meron at merong pagsubok na magpapadapa sa iyo. Meron din yung mag-uutos ng kunin mo na ang kutsilyo at kitilin mo na ang buhay mo. Pero ano man ang susunod na mangyayari ay desisyon mo. Kung tatayo ka ba o mananatili ka lang na nakadapa. Kung kukunin mo ba talaga ang kutsilyo o huwag mong papansinin ang demonyong bumubulong sa tenga mo.
Tulad nga ng palagi kong sinasabi sa iyo, hindi lang ang taong nanakit sayo ang pwedeng itibok ng iyong puso. Hindi lang iisa ang babae sa mundo. May mga taong karapat-dapat sa pagmamahal na inaalay mo. Hindi mo kasalanan na sayangin ng iba ang iyong pagmamahal. Hindi lang nila alam kung gaano ito kahalaga. Darating din ang panahon na may taong makakakita ng walang hanggan mong pag-ibig. Kung dumating man sana ang panahon na iyon, huwag mo sanang bawasan ang iyong iaalay na pagmamahal. Ibigay mo ulit ito ng buong puso at walang nirereserba para sa sarili. Lagi mong tandaan, ang tunay na nagmamahal ay hindi natatakot masaktan dahil nangangamba na wala nang natira sa kanya. Ang tunay na nagmamahal ay hindi nag-iisip na masasayang lang ang pag-ibig na kanyang ibinibigay. Ang tunay na nagmamahal kayang ialay ang buong sarili. Ang tunay na nagmamahal ay hindi nag-iisip ng katapusan, kundi walang hanggan ang kanyang hinahangad. Kung hindi man ito madama ng minamahal mo, marahil hindi sya ang nararapat pag-alayan mo. Matuto kang magsimula ng panibago. Huwag kang mapagod. Huwag kang sumuko. Dahil sa oras na tumigil ka, lahat ay sinayang mo na.
Kung hindi pa kaya ng iyong pusong magsimula, huwag kang mag-alinlangang ito’y ipahinga. Hindi mo naman kailangang magmadali. Baka makagawa ka lang ng malaking pagkakamali kapag ikaw ay magmamadali.
Hiling ko ang kasiyahan ng iyong kalooban. Sana palagi mong tatandaan na masarap magmahal sa kabila ng kasawiang iyong naranasan.
Sa maikli nating pagsasama, ako ay natuto na tanggapin kung ano ang meron sa akin at kung ano ang mga nawala na sa akin. Sana ito ay natutunan mo rin.
Hanggang sa muli nating pagkikita. Kung papayagan pa ito ng tadhana. Pero malamang, hindi na. At hindi ko na rin ito ipipilit pa.

Nagmamahal,
Gabby

.

READ KABANATA 8

Go Back To Title Page

No comments:

Post a Comment