Denial is a primitive defense mechanism that negates all existing reality to reduce the stress.
– Dan Brown.
Palagi nating nasasabi ang katagang “tanggapin ang katotohanan.”
Ang tanong, “Kasi dali lang ba ito ng pagbibilang?”
Hindi.
Hindi naman ito tulad ng sweldo mo sa trabaho na ang sarap tanggapin. Lalo na kung may mga bagay na humahadlang sayo para tanggapin ang kasulukuyang kabiguan.
Isang linggo ang nakalipas nang sabihin ko sa aking sarili na mag-move on. Pinilit ko siyang inalis sa aking isipan sa tulong ng mga librong tulad ng 1001 Shocking Science Facts, 1227 QI Facts To Blow Your Socks Off, The Book of General Ignorance at Uncle John’s Bathroom Reader Extraordinary Book of Facts. At imbes na sumakit ang aking puso sa kakaisip kay EX-G, tumaba ang mga laman ng utak ko.
Ang mga librong iyon ang nang-enganyo sa aking piliin ang Science para maging major subject ko sa susunod na pasukan. Nanabik akong pumasok sa eskwela. Nanabik akong ibahagi ang mga kaalamang aking nalaman sa aking mga kaklase.
Ang buong akala ko, hindi na ako masasaktan kapag makita kong muli si EX-G. Pero hindi pala. Muntik ko nang basagin yung gamit kong computer sa Internet Café nang makita ko ang isang litrato sa Newsfeed ng Facebook account ko. Buti na lang may katabi akong dalagang nakakaakit na ngumiti sa akin nang tumayo ako sa kina-uupuan ko at akmang babasagin ko ang monitor ng computer.
Nahiya ako. Nagpalusot na lang ako at sinabing, “Nag-wo-work-out lang ako. Ginagaya ko yung tutorial sa YouTube.”
Pero hindi lumusot yung sinabi ko nang tignan ng dalaga ang monitor ng computer na ginagamit ko.
Lumantad ang litrato ng dalawang tao. Si EX-G at yung bagong lalaki sa buhay niya. Magkadikit ang kanilang pisngi na nagpakuha ng litrato. Konti na lang magdidikit na ang kanilang mga labi. Sa madaling sabi, sweet sila.
(Ahuuuu! Uwaaaa! Ungaaaaa!)
Ngumiti yung katabi kong dalaga matapos niyang makita yung litrato. Saka nagtanong, “Ex mo?”
Tinutukoy nya yung babae sa litrato. Tumango ako para sabihing Oo.
“Ganyan talaga,” sabi niya. “Baka hindi talaga sya ang para sayo. Makaka-move-on ka rin. Sa ngayon, talagang mahirap tanggapin.”
“Bakit ganoon? Ang dali nyang makahanap ng iba?” tanong ko habang pilit na nagpipigil ng luha.
“May mga tao talaga na ginagawang parang trabaho ang pag-ibig.”
“Ano?” tanong ko, nalilito kung anong pinagsasabi ng dalagang nasa harapan ko. Ilang segundo pa lang kaming nagkakausap pero parang ang tagal-tagal na naming magkakilala kung makapagsalita sya.
O baka naman naranasan na rin nya ang nararanasan ko?
“Kapag nagsawa o naboboring na sila, nag-reresign sila. Saka hahanap ng iba. Hahanap sila ng bago na kung saan magiging masaya sila. Binabalewala nila yung tiwala ng mga kasama nila sa dati nilang trabaho. Basta makahanap lang ng iba, kinakalimutan na nila ang nabuong samahan. Hindi nila iniisip ang kapakanan ng kompanyang iiwan nila. Yung kompanyang bumuhay sa kanila ng ilang taon. Pero ganyan talaga, tulad sa trabaho, sa pag-ibig may karapatan ang isang tao na umayaw sa relasyon. Makasakit man siya o hindi. Kung hahabulin mo pa sya, magmumukha ka lang tanga.” sabi ng dalaga.
“Nasaktan ka rin ba?” tanong ko sa aking kausap.
“Ilang beses na. Hindi ko na ata mabilang.” Ngumiti siya na parang ayos lang sa kanya ang reyalidad na dinanas niya.
“Eh bakit parang hindi ka malungkot?”
“Kung magiging malungkot ba ako babalik yung taong mahal ko? Kung magiging malungkot ba ako makakahanap ako ng taong permanenteng mangangalaga ng puso ko? At bakit kailangan kong maging malungkot kung yung taong nang-iwan sa akin ay masaya? Kahit masakit, ipakita mo na masaya ka. Maging masaya ka dahil habang maaga pa, nalaman mong tanga ka. Para sa susunod, may alam ka na. Yan ang ideya ng pagkatuto. Kung alam mong mainit yung kaldero dahil napaso ka noong una, sigurado sa pangalawa gagamit ka na ng basahan para di ka na mapaso ulit.”
“Parang napakadaling gawin ng sinasabi mo.”
“Gawin mong madali kahit mahirap. Hindi mo mamamalayan manghihilom na ang iyong sugat.”
Hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng aking luha mula sa aking mga mata dahil sa sinabi ng dalaga. Nararamdaman ko yung hapdi ng sariwang sugat ng puso ko. Kumirot ito lalo nang makita ko ang litrato sa Newsfeed ng Facebook account ko.
Nakatitig yung dalaga sa akin. Napansin nya kung saan ako nakatingin. Nang malaman niya ang aking tinatanaw, hinawakan niya ang mouse ng computer na gamit ko. Saka,
“Kasi naman…” sabi niya at pinindot ang “Log Out” button ng account ko. “Masyado kang fixated sa kanya. Magpakalalaki ka nga.”
Ngumiti siya sa akin. Pinilit kong suklian ang ngiting iyon pero parang kuwit lang ang aking naiguhit sa mukha ko.
Tumayo yung babae. Tumungo sya sa may-ari ng Internet Café. May inabot na pera. Bayad nya ata. Pagkatapos ay bumalik sa pwesto ko.
“Gusto mo bang makalimot?” tanong nung dalaga.
Hindi ako nakakibo. Hindi ko alam ang isasagot ko. Tinanong ko ang aking sarili..
Gusto ko ba talagang kalimutan yung babaeng pinag-alayan ko ng aking buhay? O sadyang totoo ang sinabi ng kausap ko na masyado akong fixated kay EX-G dahilan para magdalawang isip ako sa tanong ng nakakaakit na binibini?
Nang hindi ako umiimik, kinuha ng babae ang kamay ko at hinila palabas ng Café. Hindi ko napigilan na magpatangay sa hila nya. Bastos naman kung itataboy ko sya. Saka napakalambot ng pagkakahawak nya. Ayokong maalis ang pagkakadampi nito sa balat ko.
“Teka lang.” sabi ko at tumigil kami. “San ba tayo pupunta?”
“Ayaw mo bang makalimot?” tanong ng dalaga na noon ko lang napagtanto na hindi ko pa pala alam ang pangalan niya.
“Gusto. Pero ano bang gagawin natin?”
“Basta, sumama ka na lang sa akin.”
“Ha? Ano bang gagawin mo sa akin?”
Napangiti yung dalaga sa tanong ko. “Huwag kang mag-alala, hindi kita gusto. Hindi kita pagsasamantalahan. Ayoko lang nakakakita ng mga taong nagpapakatanga sa pag-ibig.”
“Ang sakit mong magsalita. Ganoon ba talaga ako kapangit para walang magka-gusto sa akin? At hindi ako tanga. Nagmahal lang ako.”
Napahalakhak yung kausap ko. “Nagmahal ka nga ng taong nagmamahal na ng iba ngayon. Tapos ikaw, mahal mo pa sya? Para kang batang kawawa dahil naagawan lang ng lollipop. Kahit dinidilaan na ng iba, gusto mo pa ulit makuha.”
“Ang sakit-sakit mo talagang magsalita. Pwede bang hinay-hinay lang?”
“Denial ka pa kasi. Harapin mo ang katotohanan. Ano ba ang meron sa taong nanakit sayo at hindi mo makalimutan kahit binubuhusan ka na ng ipot sa ulo mo?”
Naalala ko yung mga oras na magkasama kami ni EX-G. Yung mga pagkakataon na sabay kaming tumatawa. Yung mga minutong hawak namin ang kamay ng isa’t-isa. At yung mga segundong pinaparamdam niya yung init ng yakap niya sa tuwing maghihiwalay na kami pauwi galing eskwela.
Napahagulgol ako. (Ahuuuuu! Uwaaaaa! Ungaaaaa!)
“Ano ba yan!” sigaw ng dalaga. “Para kang bakla! Nakakainis panoorin ang katulad mo. Dyan ka na nga! Magpakalunod ka sa luha mo. ” tumalikod na sya at naglakad palayo.
“Teka lang!” pakiusap ko. Hinabol ko yung dalaga. “Pasensya na. Hindi ko lang mapigilan ang aking kalungkutan. Mahal na mahal ko kasi sya.”
“Alam mo, nakakarindi sa tenga yang sinasabi mo. ‘Mahal mo siya…mahal mo siya…mahal mo siya.’ E may mahal na nga siyang iba di ba? Gusto mo bang maging sardinas at makipagsiksikan sa puso niya?”
“Oo tama na. Tanga na ako. Ayoko nang maging ganito. Gusto ko na syang makalimutan.”
“Ganyan! Ganyan dapat. Kailangan pa kasing ipamukha sayong tanga ka bago mo ma-realize.”
“Di na ako magpapakatanga.”
“Sure ka?” nangingiting nagtanong yung dalaga.
“Oo.”
“Kahit makita mong sweet sila?”
“Oo.”
“E paano kung balikan ka?”
“Ayoko na.”
“Talaga? Kahit puntahan ka pa nya dito?”
“Imposible naman syang pumunta dito.”
Tumawa yung dalaga. “Sumunod ka na nga lang sa akin.”
“Saan tayo pupunta?”
“Basta! Ipapakita ko sayo kung ano ang tinatawag nilang kalayaan.”
READ KABANATA 4
Go Back To Title Page
READ KABANATA 4
Go Back To Title Page
No comments:
Post a Comment