There is no ignorance; there is knowledge.
Sabi sa unang kabanata, “Ibaling sa iba ang iyong atensyon.” Kung naghahanap ka ng paraan para makalimot, ito ang isa sa pinakamabisa. Kaya ginawa kong libangan ang pagbabasa ng mga librong tungkol sa syensya na hindi ko naman noon ginagawa.
Hindi ko inaakala na ang pagbabasa ang magsasalba sa aking kalungkutang nadarama sa mga panahon na iyon. Ang pagbabasa ang nagdala sa akin sa lugar na walang kang mararamdamang sakit. Puro may happy ending.
Ang pagbabasa ang nagbukas sa aking mga mata para masilayan ang malawak na paligid na aking ginagalawan. At isa lamang ang daigdig na aking tinitirhan sa mga bilyong planeta sa kalawakan.
Ang ideya na iyon ang nagpayo sa akin na umalis sa maliit na mundo ng taong kinabaliwan ko. Na hindi ko dapat ipagsiksikan ang aking sarili sa kanyang puso. Na kung ako ang gusto niyang manirahan sa kanyang daigdig, ako lamang ang pagtutuunan niya ng pansin. Pero hindi e. Kaya kailangan kong umalis at simulan ang paglalakbay sa napakalawak at masayang buhay.
Pinaigting pa ng mga katagang binitiwan ni Stephen Hawking sa kanyang librong The Brief History of Timeang aking sumisibol na paniniwala tungkol sa pag-ibig nang banggitin nito na mismong syensya ay hindi pa napapatunayan ang ideya na may mga salitang “walang hanggan.” Wala pang ideya na nagpatotoo na ang paglaki at paglawak ng ating kalawakan ay may hangganan o wala. Sa bawat oras na lumalaki ito, humahaba rin ang listahan ng mga hiwalayang nagaganap sa ating mundo. Kasabay nito ang pagdami ng katapusan ng pag-iibigan ng mga magkasintahan. At sa mga oras na ito, kasali na ako sa listahan. Ito ay isang patunay na walang forever, na sa ngayon, ang lahat ay may katapusan.
Ngunit kahit ganun pa man ang reyalidad na pinaniniwalaan ng mga eskperto sa syensya at maging ako, naantig pa rin ang aking damdamin sa kwentong inilahad ni Bob Ong na nagsasabing may salitang “FOREVER” sa pag-ibig. Ito ay isinakatuparan niya sa kanyang librong “Si.”Pero syempre, hindi lahat ng sitwasyon ng mga taong nagmamahal at inilaan ang kanilang sarili sa pag-ibig ay katulad ng sa kanyang kwento. Meron yung iniiwan (tulad ko). Meron yung napagod. Bumitaw sa pangako sa isa’t-isa. Meron yung nagsawa. Meron yung pinaglaruan ng tadhana. Yun bang pinakilala ang taong hindi naman pala para sa kanya. Sa madaling salita, napaasa.
Kung hindi man totoo ang katagang “walang hanggan,” pwede bang kahit habang buhay man lang sana’y magtagal ang pagmamahal na inilaan para sa isa’t-isa? Yun bang pagkagising mo sa umaga araw-araw ay una mong naaamoy yung hininga ng taong pinakamamahal mo.
Napakasarap sanang isipin na sa araw-araw, sa tuwing imumulat mo ang iyong mata sa umaga ay mukha ng mahal mo ang una mong nakikita. Kahit gaano man katigas ang higaan ninyo basta siya ang katabi mo, parang ulap ang hinihigaan niyo. Kahit mala-asin ang alat ng tuyo na inuulam niyo, parang sing-linamnam ng litson manok ang kinakain niyo kapag araw-araw, sabay kayong nagkakamay sa hapag-kainan.Ito ang mas praktikal na reyalidad na maaring paniwalaan at pangarapin ng bawat nilalang na naghahangad ng romatikong buhay.
Pero paano naman matatamo ang ganito katagal na pag-ibig ng taong mahal mo? Yun bang pag-ibig na saka lang mapuputol kapag lumisan na kayong dalawa sa mundong ito?
Kung si Ginoong Gary Chapman, ang taong nasa likod ng akdang The 5 Love Languages: The Secret To Love That Lasts Forever, ang tatanungin sa bagay na ito, ang tanging sasabihin niya ay dapat maunawaan at ginagamit mo ang lenggwahe ng taong minamahal mo. Marahil sa ilang pagkakataon ay sadyang hindi kayo magkaintindihan sapagkat hindi ninyo sinasalita ang lenggwahe ng bawat isa.
Kaya kadalasan nauuwi sa hidwaan ang mga simpleng bagay na hindi napagkakasunduan.
Ang lenggwaheng binabanggit ni Ginoong Chapman ay ang kagustuhan ng bawat isa. Maaaring nais niyang gawin ang isang bagay at imbes na suportahan mo s’ya sa kanyang gusto, nirarason mo ang ideya na mawawalan siya ng oras sayo kapag gagawin niya ang bagay na kanyang ninanais.
Marahil pinapaniwalaan mo na ang iyong presensya ay magiging sapat na para sa kanya. Nakakalimutan mo na mas mahalaga pa rin ang iyong atensyon. Nasa tabi ka nga niya, magkaiba naman kayo ng ginagawa. Hindi boring na history subject ang pinasukan mo. Kaya hindi ka dapat maging “physically present but mentally absent.”
Tandaan mo rin na hindi lang regalo ang magpapasaya sa taong mahal mo. Baka hindi sumasagi sa iyong isipan na ang simpleng paghawak sa kanyang kamay o paghaplos sa kanyang masakit na katawan sa sobrang pagod ay napaparamdam mo kung gaano sya kayaman dahil sayo.
Kung maaga ko lang sanang nalaman ang mga bagay na ito, maaaring naisalba ko pa ang gumuhong relasyon namin ng taong kinabaliwan ko. Siguro ito ang parusa ng mga hindi nagbabasa.
Bakit kasi ngayon ko lang nakahiligan ang ganitong gawain? Ito ba ay tadhana? Ito ba ay nakatakda talaga? Na saka lang ako mahihilig sa pagbabasa kapag naranasan ko na ang masaktan?
Kung sinunod ko lang sana ang utos ng aking guro sa Developmental Reading na dapat palaging magbasa, sana hindi ko na kailangang masaktan. O nakasulat na talaga sa libro ng aking buhay na ako ay masasaktan, makahiligan ko man ang pagbabasa o hindi?
Ngayon ko lang nauunawaan kung bakit kailangang sundin ang mga makukulit nating guro. Sabi natin, nakakabobo ang paulit-ulit. Pero mas pipiliin mo ba na maramdaman ang sakit na resulta nang hindi pakikinig sa mga sinasabi ng ating mga guro na paulit-ulit?
Kung patuloy ko pa ring hahanapan ng rason ang aking pagkabigo, tulad ng aking ginagawa ngayon, tiyak na hindi na ako makapagsimula pang muli. Kailangan ko nang tanggapin ang katotohanan na wala na siya; na hindi na siya masaya sa akin; na kailangang paglayuin kami ng tadhana pagkatapos kaming pagtagpuin; na hindi na magiging reyalidad ang aking pagtanda na kasama siya; na hindi na ako makakabuo ng pamilya na siya ang ina at ako ang ama at; na hindi ko na maaabot ang aking mga pangarap na nasa tabi ko sya.
Sa tuwing iniisip ko ang bukas, pakiramdam ko, nakapako ang buo kong katawan sa nakaraan. Kung babangon man ako, masakit sa loob ko na harapin ang bagong araw na wala na siya. Wala na ang babaeng pinaglaanan ko ng aking buhay. At noong wala na siya, nawala na rin ng saysay ang aking paglalakbay.
Masakit. Sobrang sakit.
Malayo pa ang aking lalakbayin. Naisip ko na ito ay tapusin na rin gamit ang tig-limang pisong Gillette blade o bread knife. Pero tinanong ko ang aking sarili, “ Ito ba ang nararapat kong gawin?”
Naalala ko sila Papa, Mama. Sila ate, kuya at si bunso. Siguradong mababawasan sila ng kalaro.
Masisiyahan ba sila sa aking gagawin?
Hindi.
Masasaktan lang sila. Siguradong magluluksa sila sa aking pagkawala. Baka lumalala pa ang sakit ni Papa. Wala nang magiging kaagapay si Mama. Baka mawalan na rin siya ng pag-asa. Malaking pasakit ang aking gagawin. Ayoko silang mahirapan. Para sa kanila, kakayanin ko ang aking pinagdadaanan. Isa pa, alam kong nandiyan sila sa tabi ko para tumulong sa akin para makaahon sa lubak ng aking katangahan. Sa kabila ng aking katangahan at kakulangan, pamilya ang maaasahan kong sa akin ay magmamahal. Nararapat lang na hindi ko dapat sayangin ang aking buhay.
Marami pa ang bukas. Malayo pa ang wakas. Sa daan, meron pa akong makikilala. Siya ang magpapakita kung gaano ako kahalaga. Hihintayin ko na lang ang pagkakataon na magseseryoso si Tadhana. Kung dumating man ang oras na iyon, sisiguraduhin kong habambuhay na kaming magsasama ng taong para sa akin. hindi ko na hahayaang paglaruan ulit kami ni Tadhana.
Iba talaga ang naging epekto ng pagbabasa sa aking buhay. Lumawak ang aking pananaw. Mas naintindihan ko pa ang mga bagay-bagay na hindi ko alam. Nakayanan kong lagpasan ang pinakamalaking balakid sa aking buhay sa pamamagitan ng pabuklat ng mga aklat. Mga libro ang aking naging katuwang, maliban sa aking pamilya, para maunawaan ang mga sitwasyon na aking pinagdadaanan. Ang mga ito rin ang nagbigay ng ideya kung paano ko dapat harapin ang mga suliranin.
Kaya taos puso akong nagpapasalamat sa mga manunulat na inilaan ang kanilang oras para imulat ang mga mata ng mga taong nawawalan ng pag-asa katulad ko.
Hindi ko inilalahad ang aking kabiguan para hikayatin ang iba sa pagbabasa. Ito ay isang karanasan na hindi ko alam kung kapupulutan ng aral. Kung meron man itong nais iparating na aral, isa lang, “Wag magpakatanga sa taong ayaw ka na.”
Kaya, sabi nga sa pamagat ng libro ni Marcelo Santos III, “Move On, Walang Forever.”
No comments:
Post a Comment