Marahil ikaw pa rin ay nagtatanong kung bakit ka nasaktan nang ikaw ay hiwalayan ng iyong kasintahan. Sigurado ako alam mo na rin ang kasagutan sa katanungang iyan. Ayaw mo lang tanggapin ang katotohanan na ikaw ay iniwanan. (Denial ka pa kasi.)
Kaya hanggang ngayon, ikaw pa rin ay luhaan. Tapos nagtataka ka kung bakit sa tuwing titingin ka sa salamin ay nakikita mo ang mukha mo na parang nasabugan? (Huwag mo kaming sisihin.)
Para tulungan kang yakapin ang reyalidad na wala na siya, ipapaalala ko ulit sa’yo (baka nakalimutan mo na kasi) kung bakit ka nasaktan. Baka sakaling ikaw ay matauhan.
Unang dahilan: NILOKO KA!
Oo! Tama ang nabasa mo! Niloko ka! Na-scam ka ng pag-ibig. Pinangakuan ka ng wagas at romantikong pagsasama. Nahulog ka sa patibong ng nakakakilig niyang mga salita. Nadala ka sa matamis na “Mahal kita.” Pero nang may nabiktima na s’yang iba, iniwanan sa’yo ang mapait na “Ayaw na kita.” Kaya sa bandang huli, para kang pulubi. Nanlilimos ng pag-ibig na katiting sa tabi-tabi.
Pangalawang dahilan: NAGPAKATANGA KA.
Aminin mo man o hindi, naging tanga ka noong minahal mo siya. Ininda mo ang sakit nang makita mo s’yang may kasamang iba. Kumapit ka sa pangakong “Ikaw lang,” kahit harap-harapan na ang kanyang panlilinlang.
E anong malay mo, ikaw ay umibig lang (at tanga lang). Hindi mo na kasalanan kung siya’y nanloko. (Kasalanan mo kasi hinayaan mo.)
Ngayong alam mo na.Sana (sana lang) ay gumising ka na mula sa iyong pantasya na balang araw, kayo pa rin ang nakatadhana. (Kalokohan!)
No comments:
Post a Comment