Breakup.
Ano ang susunod sa breakup?
Maaring breakdown.
Breakdown ng pag-iisip. Susundan ng depression na syang magdadala sa iyong final destination. O di kaya naman maaring mauwi sa “forgetting without total forgiveness (yet)”. Saka pupunta sa stage of reality acceptance. Pagkatapos, magsisimula na ang moving-on.
E kelan dapat mangyari ang buong pagpapatawad?
Kapag magkita at magkausap kayo ng taong nanakit sayo?
Ang tanong, “Makakaya mo ba?”
Lalo na kung nakita mo syang nakangiti, tumatawa, malambing at mukhang kontento na sa bago niyang kasama. Habang ikaw nananatiling mag-isa. Naghihintay ng taong magpapasaya sayo.
Syempre, mapipilitan kang ngumiti kapag nakasalubong mo sya. Pinapakita mo na kaya mong lunukin ang mala-ampalayang pait ng reyalidad. Mapait pero kailangang isama sa diet. Saka lang mawawala at pwede nang alisin ang pait kapag tuluyan nang naglaho yung taong naghain sayo nito. Ibig sabihin, kapag permanente nang namahinga yung taong pinagmukha kang tanga noong kayo ay nagsasama pa, doon mo lang makakayang ibigay ang kapatawarang nararapat para sa kanya.
Useless di ba? Wala na sya noong nagpatawad ka. Kasi hindi mo naman talaga kaya noong nandito pa sya. Hindi mo pa kayang bigkasin ang kapatawaran na ninanais niya. Nagpakatotoo ka lang sa iyong sarili. At least ikaw ay authentic at hindi plastic. Isa pa hindi naman ikaw ang nanakit. Huwag siyang maging demanding. Iyan ang sabihin mo sa kanya kapag sya na ay nakalibing. Mahirap magpatawad. Hindi ito madali katulad ng pabibilang sa daliri. At sinadya itong maging mahirap.
Bakit?
Hindi ko alam.
Ang tangi nya lang magagawa ay maghintay. Yun e kung interesado pa sya sa kapatawaran mo. Kung hindi, malamang kakalimutan lang nya ang pananakit na nagawa niya. Kung ganun, huwag mo nang pagtuunan ng pansin na isipin siya.
Burahin mo na ang pagmamahal na isinulat niya sa pisara ng iyong puso. Kung pananatilihin mo pa rin ang pagmamahal na ito sa loob mo, saan mo isusulat ang panibagong leksyon ng buhay mo?
Ang breakup ay para lamang naputol na lubid na may habang hindi mo alam. Hindi porket naputol, doon na matatapos. Meron pa itong kadugtong. Subukan mong hilahin yung kadugtong para malaman mo kung gaano ito kahaba, kung gaano ito kaganda.
Marahil ang naputol na parte ay hindi na kailangan. O di kaya naman dapat lang talagang maalis ito sa kabuuan kaya kailangang itapon.
Sa simula ng iyong paghila ng kadugtong nung tali, makikita mo na hindi maganda ang unahan ng naputol na lubid. Maaaring hiwa-hiwalay ang bawat strands ng bumubuo nito. Pero kalaunan, kapag makarating ka na sa kalagitnaan, makikita mo ang pagkakaiba. Maaring ito ay mas maganda kesa sa una dahil mas inalagaan mo ito. O di kaya naman matutulad lang ito sa naunang parteng naputol dahil hindi ka natuto sa iyong pagkakamali.
E paano ba magsimula after breakup?
Magmukmok sa kwarto? Umiyak ng todo? Gutomin ang mga bulate sa tiyan mo? Hiwain ang pulso? Saksakin ang puso? Iuntog ang ulo? Tusukin ng karayom ang mata mo? Magpataga ng leeg? Magpasipa sa kabayo? Humiling sa nuno sa punso? Magpasundo sa iyong mga ninuno para makapagbakasyon sa sementeryo?
Kung yung mga gawain na nabanggit ang pumapasok sa isipan mo, sasabihin ko sayo na hindi panibagong simula ang hinahangad mo. Kundi katapusan ng buhay ang iyong tinutungo.
Madaming paraan ng pagsisimula. Kailangan mo lang hanapin ang sarili mong kandila na magsisilbing ilaw sa paglalakbay mo sa mahabang kweba ng iyong bagong kabanata.
Isang paraan ay ang pagbaling ng iyong atensyon sa ibang bagay. Hanapin ang iyong hilig. Subukan ang mga bagay na hindi mo pa nasusubukan. Epektib kung yung mga extreme ang iyong gagawin. Para maging extreme din ang iyong paglimot sa nakaraan.
Pwedeng mag-mountain climbing ng walang harness. Mag-rappelling na sinulid lang ang taling nakasuporta sayo. Mag-ziplining ng pabaliktad. Skydiving na walang parachute. Magswimming sa loob ng bulkan. Mag-scuba diving na walang oxygen tank. Makipaglaro sa mga white shark.
Makipahabulan sa mga piranha. Matulog kasama ang mga buwaya. Mag-volunteer na maging target sa firing range. Suminghot ng isang kilong powder ng paminta. Mag-motocross sa Mount Everest. Mag-ski sa Sahara Desert. Idilat ang mata kapag sandstorm. Pumasok sa loob ng tornado.
Extreme di ba?
Malay mo yun pa ang maging dahilan para ikaw ay makilala ng madla. Sisikat ka. madaming magkakagusto sayo. Hindi mo na problema ang lovelife mo.
Kung hindi mo trip ang mga extreme activities dahil ikaw ay home-buddy, madami pa rin namang puwedeng gawin sa bahay lang para makamove-on. Pero alisin mo na sa mga choices mo yung paghiwalayin ang kape, asukal at creamer sa 3in1 coffee mix. Common na kasi sya. Hindi exciting.
Boring kumbaga.
Mas makabubuti pa kung pagtutuunan mo ng pansin ang iyong personal transformation/evolution. Huwag mong hayaang malugmok ka sa katangahang ipinamalas mo noong nagmamahal ka.
Kung dati payatot ka, mag-work-out ka. Mag-push-up ng isandaang beses. Mag-sit-up ng singkwentang beses. Mag-pull-up ka ng trentang beses. Para kapag nagkita kayo ng taong nanakit sayo, isang timba ang ilalaway niya dahil sa katakam-takam mong katawan.
Kung dati bobo ka sa harapan niya, magbasa ka ng sampung volume ng encyclopedia para maging matalino ka hindi lang sa paningin niya pati na rin sa mata ng iba. Magiging lapitin ka pa ng mga taong iyong pinapantasya. Habang siya di na makalapit dahil pakiramdam niya wala na siyang kwenta sayo. Makikita niya na hindi ka na nasasaktan. Naka-move on ka na!
Pero kung tutuusin, hindi naman lahat ng taong sawi, magagawa ang mga bagay na nabanggit.
Karamihan sa mga nasasaktan ang damdamin dahil iniwan sila ng mga taong pinaglaanan nila ng buhay ay pinag-iinteresan ang tig-limang pisong Gilette na blade, bread knife, peeler o kaya naman yung tali ng kanilang kambing sa pag-aakalang maiibsan nila ang kanilang kasawian kapag winakasan na nila ang hiram nilang buhay. Naglalaslas., nagpapatiwakal at anu-ano pang paraan ng pagpapakamatay. Marahil sumasagi sa isipan mo ang katanungan kung bakit ko nabanggit ang bagay na ito. Ito ay hindi dahil ganoon ang aking nakikita sa mga romantikong pelikula kundi mismong ako ay nakaranas din ng ganoong kalunos-lunos na katangahan.
Tama. Kalunos-lunos na katangahan ang tawag dun.
OA ba? Well, ikaw na mismo ang manghusga sa kwentong iyong mababasa dahil ito ang kasaysayan ng aking kabaliwan sa aspeto na tinatawag na “pagmamahalan.”
Summer vacation noon. Taong 2011. Yun ang unang pagkakataon na kinamuhian ko ang mabuhay dahil naramdaman kong maging isang laruan na itatapon na lang kapag napagsawaan. Pero buti na lang wala akong nakitang Gilette blade, bread knife, peeler o tali ng kambing nang wakasan na aking sinisinta ang aming pag-iibigan. Kung hindi, wala ng korning paglalahad tulad nito na mababasa nyo.
Kahit sobrang sakit na isipin na masaya na siya na wala ako sa piling nya, tiniis ko na lang.
Nasa malamig at mahamog na bayan ng La Trinidad, Benguet ako noon. Nagbabakasyon. Nagbabakasakaling mamimiss ako ng taong pinaglaanan ko ng puso sa loob ng isang buong school year. Nagbabakasakaling ang paglayo ko ang magiging dahilan para mapabuti pa ang sumasama naming relasyon ng aking girlfriend. Pero kabaliktaran ng aking inaasahan ang nangyari.
Kasabay ng aking paglayo ng lugar ay ang tuluyang paglayo ng kaniyang puso. Gusto kong bumalik agad-agad nang mabasa ko ang mensahe niyang “TAPUSIN NA NATIN ‘TO!” kahit isang minuto pa lang ang nakalipas nang makatapak ako sa Strawberry Capital of the Philippines. Pero isang bagay ang humadlang sa aking desisyong bumalik noong mga oras na iyon---kulang ang aking pamasahe pabalik.
Timing ‘di ba?!
Wala akong magawa. Hirap talagang umibig kapag estudyante ka tapos bakasyon pa. Malayo na nga kayo sa isa’t-isa, hindi mo pa siya makita. Wala ka na ngang perang mahingi kay mama, hiniwalayan ka pa ng taong nais mong maging asawa.
Ang sakit ‘di ba? Kung alam ko lang sana na mangyayari ang bagay na iyon, sinabi ko na sana sa nanay ko na meron kaming project na 1300Php ang halaga noong may klase pa kahit wala naman pala para may reserba akong pera pabalik. Pero hindi eh. Wala akong ideya. Hindi man lang sa akin ipinaalam ng Tadhana na mangyayari sa akin ang ganitong sakuna.
Kung may isang bagay akong natutunan sa sinapit ko noon ay yung ideya na dapat wag kang magbabakasyon sa malayong lugar kung alam mong nasa bingit na ng hiwalayan ang pagmamahalan n’yo ng iyong kasintahan. Kung may balak ka mang magbakasyon sa malayo, siguraduhin mong may pamasahe kang pabalik ano mang oras. Dahil hindi mo alam baka matulad ka sa masakit kong karanasan.
Baka maranasan mo yung hindi matulog ng buong gabi kakaisip sa kanya. Yung hindi ka makakaen dahil pakiramdam mo palaging may tinik sa iyong lalamunan na pumupigil sa’yo na lumunok ng masasarap na ulam habang s’ya nagpapakasaya dahil malaya na s’ya sa mga kamay mo. Nakikita mo s’ya sa iyong isipan na masayang-masaya dahil wala ka na sa kanya. Tapos aasarin ka n’ya at babanggitin ang, “BEEEELAAAT!”
Ikaw naman na baliw, kakausapin mo s’ya sa utak mo, “Umalis ka nga d’yan sa isipan ko!”
Syempre hindi mo s’ya kayang paalisin sa isipan mo dahil dun mo na lang s’ya nakikita. Ang tangi mo na lang magagawa ay ang lumuha habang yung bibig mo ay nakabuka sabay banggit ng, “Ayoko na!!! Uwaaaa!! Ayoko nang mabuhay!!! Uwaaaa!”
Tapos sasabayan mo ng pag-aalala sa mga masasaya n’yong araw. Kasama d’yan yung unang pagkakataon na nakita mo s’ya. Yung una mong nasilayan ang nakakabighani n’yang mga tingin at ngiti. Yung unang pag-uusap n’yo. Yung oras na sinabi mo na mahal mo s’ya at sumagot s’ya na ganoon din ang nararamdaman n’ya. Tapos araw-araw na kayong magkasama. Sa jeep papunta sa eskwelahan. Sa canteen tuwing recess. Sa library tuwing may assignment na nireresearch. Sa laboratory na kayo palagi ang magkapartner sa mga science experiments. Sa karinderya tuwing tanghalian na minsan kayo pa ay nagsusubuan. Sa ilalim ng puno ng mabolo tuwing free time n’yo. Sa gymnasium tuwing P.E. class. Sa waiting shed pagsapit ng uwian. Tapos pagdating sa kanya-kanyang bahay, parang hindi pa kayo nagkasawaan sa maghapong pagsasama niyo, magtetexan pa kayo ng,
“Alam mo miss na kita.”
“Ako rin, sana umaga na para makita na kita.”
(Ayiiiiiiiieeeeeeeeeh!)
Umabot na ng alas dose kayong dalawa nag-uusap pa sa cellphone. Nagtatalo kung sino ang papatay
ng tawag.
“Good night na. Patayin mo na.”
“Ikaw na ah.”
“Ikaw na.”
“Eh naman eh, kaw na.”
“Sige na please, ikaw na.”
“’ To naman eh, ikaw na ah.”
“Baby please ikaw na.”
Hanggang dumating sa punto na may magsasabing, “Sige na, papatayin ko na. Babye. Good night.”
Tapos yung isa naman, “Babye, goodnight. Tulog na ha?”
“Oo na po. Pero wait…”
“Bakit?”
“Yung kiss ko?”
(Ayyyiiiiiiiiiieeeeeeeeeeeh!)
“Ha? Anong kiss ka d’yan. Suntok gusto mo?”
“Isa lang baby please?”
“’To naman eh, ang daming demands.”
May magtatampo kunwari, “Para isang kiss lang eh, ayaw pa. Sige na nga. Good night na!”
“Baby naman, nagalit agad. Oh sige na, isa lang ha?”
Yung nasa kabilang linya, YES! Sabay sagot ng, “Oo isa lang.”
“Oh ito na, Mmmmmuuuuuuuaaaaawwwh!”
(Ayiiieeeh!)
Sa tinagal-tagal ng usapan n’yo, umikot lang sa pagsasabi ng Good night, kung sinong papatay ng tawag at dahil lang sa isang sapilitang electromagnetic wave kiss.
Kapag sumasagi sa isipan mo ang masasayang alaala niyong dalawa, hindi mo maiwasan ang mapangiti kahit hiniwalayan ka na niya. Pero syempre, hindi maalis ang paghagulgol mo kapag nalaman mo na sa susunod na school year hindi n’yo na magagawang dalawa ang nakasanayan n’yo.
Imbes na “Hi, Baby.” ang bati mo sa kanya kapag nakita mo s’ya, “Hi, Ex.” na ang iyong sasabihin.
Yun eh kung magpapansinan pa kayong dalawa. Pero malamang, sa sobrang bitter mo, hindi na.
Kaya ikaw naiwang luhaan,
Ahuuuuu!
Ahuuuuu!
Sasabihin mo pa sa iyong sarili na, “Wala ng kwenta ang buhay ko.”
Uuuwaaa!
Uuuwaaa!
Susundan ng, “Ayoko nang mabuhay.”
Ungaaaak!
Ungaaaak!
Aaminin ko na ganoon nga ang naramdaman ko nang hiwalayan ako ng babaeng nais kong makasama sa habambuhay. Pero hindi ko hinayaang malunod ang aking sarili sa bawat patak ng luha na kumakawala sa aking mata sa tuwing maiisip ko yung masaya naming pagsasama. (Ahuuuuuuuuuu!)
Nilibang ko ang aking sarili. Maghapon akong naglaro ng computer games. Inisip ko na lang na yung taong nanakit sa akin ay yung mga zombie na binabaril ng mga halamang naglalabas ng peas sa PlantsVsZombies. Pinaramdam ko sa kanya kung gaano na kalamig ang aking pagmamahal sa kanya sa tulong ng Cold Plants. Pinakita ko sa kanya ang paghihimutok ng aking damdamin. Salamat sa Cherry Bomb na aking na-unlock. Ipinamukha ko rin sa kanya kung gaano na katigas ang puso ko magmula nang iwanan n’ya ako na kahit anong pananakit pa ang gawin n’ya sa akin, hindi ako masasaktan at matitinag tulad ng Stone Wall na patuloy na sinasapak ng mga zombies sa laro.
Ipinarating ko sa kanya na kahit na magdilim ang aking mundo, may mga taong magbibigay pa rin ng liwanag na tulad ng Night Mushroom. Pero tulad nga ng zombie, hindi pa rin s’ya mamatay-matay sa isipan ko kahit natapos ko na yung laro.
Hindi ako nagpadala sa aking nararamdaman. Naniniwala ako na mawawala rin s’ya sa aking isipan. Kailangan ko lang libangin ang aking sarili. Kailangan ko lang ibaling ang aking atensyon sa ibang bagay. Kaya ipinagpatuloy ko pa rin ang paglalaro ng mga video games.
Sunod kong pinakaadikan ang Tetris Battle. Limang araw pa lang Level 32 na ako. Yan ang resulta ng maghapon kong pagpapaikot at pagpapalit ng piyesa para lang hindi maunahan ng aking kalaban na pataasin ang patong ng aking bricks.
Kung may natutunan man ako sa paglalaro ko nun ay hindi lahat ng bagay ay tugma para sa isa’t-isa. Dahil kung ang lahat ay akma, panay na lang sana “SPACEBAR” at “Left” at “Right Arrow” na lang ang pipindutin ko sa Tetris Battle para madali kong matalo yung kalaban ko. Madali akong makakapagpa-level up.
Pero hindi eh. Hindi palaging sumasang-ayon ang mga bagay-bagay. Kailangan talaga hanapin ang pagkakatugma nila.
Kaya ba ako hiniwalayan ng girlfriend ko? Dahil hindi kami akma para sa isa’t-isa? Na hindi ako ang nakatadhana para sa kanya? At s’ya ay mapupunta sa iba? (Ahhhhuuuuuu! Uuuwaaaaaa!)
Ang hirap pala talagang masaktan. Kung saan-saan na ako kumukuha ng pinanghuhugutan. Mismong ang mga walang malay na tsinelas, lapis, mesa, tae ng aso, kulangot na hindi maalis-alis at muta na nakabara sa aking mata ay nakakausap ko. Ang nakakagulat pa, sumasagot sila.
Ito yung aming usapan.
Ako: Bakit n’ya ako iniwanan? Anong bang mali sa akin?
Tsinelas: Wag kang mag-aalala. Hindi kita iiwanan. Kahit saan ka magpunta, sasamahan kita. Huwag
ka lang maging tanga sa pag-iwas ng tae ng iba.
Ako: Paano ko ipaparating sa kanya ang nararamdaman ko ngayong wala na s’ya.
Lapis: Tutulungan kita. Gamitin mo akong pansaksak sa kanya para maramdaman n’ya kung gaano
kasakit noong mawala s’ya.
(Akala ko pa naman kung tutulungan ako nung lapis na ipahayag ang aking damdamin sa paraan ng pagsusulat. Pero hindi. Ex-convict pala ang lapis ko.)
Ako: Ang hirap ng walang masandalan.
Mesa: Bakit hindi mo subukang ako ay tuntungan? Tutulungan kitang pasanin ang lahat ng bigat na iyong nararamdaman.
Ako: Pilit ko na ngang iniiwasan na s’ya ang maging laman ng aking isipan, pero hindi ko makayanan.
Tae ng aso: Katulad ko lang s’ya. Alam mo na nga ang baho na aming dala, tatapakan mo pa.
Ako:Hindi s’ya maalis-alis. (Ahhuuuuu! Uuuwwaaaaa!)
Kulangot na hindi maalis-alis: Huwag mo akong paringgan.
Ako:Ayoko na s’yang makita.
Muta na nakabara: Umiyak ka pa saka hayaan mo lang na matuyo. Dadami kami. Hindi mo na sya makikita.
Bakit ganun? (Ahhuuuuu! Uuuuuwaaaa!) Hindi naman ako naka-drugs. Pero nagsasalita sila. (Aaaahhhhuuuu! Uuuuuwwwwaaaa!)
Ayoko nang umibig.
Yan ang pinangako ko magmula noon. Nilibang ko ang aking sarili. Nirekomenda ng aking kaibigan na laruin yung “Grand Chase.” Hindi ko alam kung nang-aasar lang s’ya o yun ang gusto n’yang sabihin sa akin.
Grand Chase.
Chase.
Chase.
Chase.
Hahabulin ko pa ba s’ya? O hayaan ko na lang na maging masaya siya sa desisyon nya? Makakaya ko ba na makita s’ya sa eskwelehan sa pasukan na ang tanging relasyon na lang na meron kami ay bilang magkaklase? Hindi na intimate. Hanggang friendship na lang. Yun eh kung gusto n’ya pa akong maging kaibigan? Hahayan ko na lang ba na ligawan s’ya ng iba? Hindi ko naman s’ya pwedeng pigilan sapagkat sino ba naman ako para pigilan s’ya?
Tatay?
Kuya?
Wala.
I’m just a hopeful nobody. Pero sa tuwing tatawagan ko s’ya at hindi n’ya sinasagot, I feel hopeless. Wala ng pag-asa. Pinapadaanan ko pa s’ya ng mga group messages na s’ya lang naman ang nakakatanggap. Para hindi halata na hindi ako maka-move on sa ginawa n’ya sa akin. Naghihintay ako ng sign na magsasabi sa akin na itigil ko na ang pagpapapansin sa kanya. Pero sa bawat minutong dumaan na patuloy pa rin ang kanyang pananatili sa aking isipan, hindi ko pinansin yung mga senyales na dapat ko na s’yang kalimutan. Bagkus hinintay ko ang pagkakataon na may magsasabi sa akin na, “Kung mahal mo s’ya, hindi ka susuko na mapa-ibig ulit s’ya.”
Para ma-realize kung tama nga ang ginagawa ko, nagbigay ako ng kundisyon sa aking sarili. Yun ay kung hindi s’ya magtext kahit isang beses sa buong bakasyon, ititigil ko na ang pagiging martir.
Pinadaanan ko s’ya nang pinadaanan ng mga GM na s’ya lang ang talaga ang nakakatanggap. Bawat gabi bago matulog, pinapanalangin ko na sana mag-reply naman s’ya kahit isa. Hanggang sa malapit nang matapos ang summer vacation.
May 19,2011.
Nagpadala ulit ako ng GM.
“Malapit na ang pasukan. Excited na akong makita kayo. Gusto ko na talagang pumasok. Miss ko na
s’ya. Sobra. Anong kukunin nyong major guys?”
Hanggang sa oras na iyon, umaasa pa rin ako na sasagot s’ya sa mga text ko. Hindi ako nawalan ng pag-asa na balang araw, mababasa ko rin muli ang text n’ya.
Hindi kalaunan, sa mismong araw na iyon, natupad din ang aking hiling na muling makabasa ng mga salitang galing sa kanya.
Tumunog ang Cicada ringtone ng aking cellphone. Tinignan ko kung sino ang nagtext.
BhabyQ.
Yun ang pangalan ng ex-girlfriend ko sa aking cellphone. Hanggang noon kasi, hindi ko pa pinalitan ang pangalan niya kahit break na kami. Hindi pa kasi ako maka-move on.
Nang makita ko ang pangalan na iyon, hindi ko napigilan na ang magtatatalon sa sobrang tuwa.
“Sa wakas! Ito na ang hinintay kong sign!” yun ang pinagsisigawan ko sa loob ng bahay.
“Sabi ko na nga ba, talagang kami ang tinadhana!” pagyayabang ko pa sa aking sarili.
Nasabik akong buksan ang mensahe n’ya. Matagal-tagal na mula noong huling makabasa ako ng text galing sa kanya. Ang pagkakatanda ko, “TAPUSIN NA NATIN ‘TO!” ang nakasulat sa huli n’yang sinabi. Nang maalala ko ulit yun, hindi ko napigilan ang muling mapahagulgol.
Aaaahhhhuuuuuu! UuuuuWaaaaa! Uuuungggaaaaa!
“Pero tapos na yun.” sabi ko sa aking sarili. “May bago ng kabanata. Sigurado akong mas maganda pa ito kesa noong una.”
Sabi nga nila, love is sweeter at the second time around.
Hindi ko pa man nababasa ang mensahe n’ya, sinigurado ko na kahit anong mangyari, ipaglalaban ko
na talaga s’ya. Dahil ito ang itinakda kong kundisyon para sa aking sarili. Na kung hindi s’ya
magtetext sa buong bakasyon, ititigil ko na ang pantasya na magiging kame pa.
Pero nagtext s’ya. Ibig sabihin, sinasang-ayunan pa rin ng tadhana ang aming pag-iibigan.
Lubos ang aking pananabik na mabuksan ang kanyang mensahe. Marahil syempre, simpleng, “Ako Math ang kukunin kong major.” ang pinadala niyang text bilang sagot sa tanong ko sa aking GM. Kahit ganoon lang yun, it means a lot to me.
It means we are destiny!
(Ahehe—hehe—he—he-heeeeee!)
Para sa akin, nangangahulugan na hindi niya ako kayang tiisin. Alam kong pinipigilan lang niya ang kaniyang sarili para ilayo ang loob niya sa akin. Siguro na-realize n’ya na hindi niya kaya na ako ay mawala sa piling n’ya.
Nararamdaman ko sa lamig ng hangin ng La Trinidad na “pag-ibig is in the air” sa bawat minutong pagtitig ko sa pangalan ng nagtext sa akin. BhabyQ.
Miss ko na s’ya. Alam kong ganoon din ang nararamdaman n’ya kaya hindi n’ya napigilan na magtext sa akin.
Hindi ko na pinahaba ang aking pananabik na malaman kung anong salita ang mga nakapaloob sa pinadala niyang mensahe. Pinindot ko yung “OK” button.
Loading message…
…
…
...
At sa sumunod na segundo, lumabas na ang mensahe. Lumantad sa akin ang mga salitang aking pinanabikan. Binasa ko ang mga ito ng may ngiti. Kahit hindi ko pa alam kung ano ang mga nakapaloob dito.
“Pwede ba wag ka nang magtext sa akin. Wala na tayo. Wag ka nang umasa na magiging tayo pa. May mahal na akong iba. Nakakairita ang mga text mo. Tigilan mo na ako sa mga GM mo na ako lang naman ang nakaka-receive.”
…
…
…
(Lunok.)
…
…
…
Pakiramdam ko, isa ako sa mga diyos ng Greek mythology na si Atlas. Pasan ko ang daigdig. Dama ko ang bigat nito matapos kong mabasa ang mensahe ng aking Ex-girlfriend.
Aaaahhhuuuuu!
Uuuwwwaaaa!
Uuunnggaaaa!
Ang hirap maging assuming.
Bakit ganoon? Ang dali niyang maka-move-on! Ganoon ba ako kadaling limutin? Ako ba talaga yung tipo ng taong madaling ipagpalit? Hindi man lang s’ya nagluksa kahit tatlong buwan bago s’ya humanap ng iba.
Aaaahhhuuuuuu!
Uuuuwwwwaaa!
Uuunnngggaaa!
Nagbalik muli ang aking heartbroken routine. Gumising sa umaga na may eye bags na matataba. Kumaen ng mga nakakatakam na pagkaen na wala namang lasa pagdating sa aking dila. Kumakapal ang lupa sa aking balat dahil sa tatlong araw na hindi paliligo. Sa sobrang kinang ng kanilang pagkadilaw, puwede ko nang isangla ang mga ngipin ko dahil once -when-I-remember lang ako magsipilyo. Hindi na lang ako nag-atubili na magtungo sa pawnshop para isangla ang mga ito dahil baka pagkamalan nilang fossil ng Java man ang aking mga ngipin.
Ang mga gawaing ding iyon ang nagbigay daan sa aking mga tigyawat na masilayan ang mundo gamit ang pisngi ko na hindi maiiwasang mapapangit ang mukha ko. Para silang kabute na nagtubuan tuwing kumikdlat. Tama nga ang sabi sa kantang Lintik.
“Lintik na pag-ibig.
Parang kidlat.
Puso kong tahimik na naghihintay…
…
…
Mukha kong ginawang parang patay.”
(Aaaahhhhuuuu!)
(Uuuwwwwaaa!)
(Uuunnnggaaaa!)
Paano kapag nagkita kami ng Ex ko? Siguradong masasabi n’ya na hindi s’ya nagkamali na hiwalayan ako. Tuwing naiisip ko ang ideya na iyon, sumisikip ang aking dibdib. Ang hirap talagang umibig.
Ayoko na.
Noong una, hindi ako naniwala sa sinasabi ng iba na masasaktan lang ako. Pero ngayon, gusto kong sabihin na “Sana nakinig na lang ako sa kanila.” Pero huli na ang lahat. Nasaktan na ako. At siguradong pinagtatawanan ako ng taong nanakit sa akin. Masaya na s’ya sa iba. Bagay na hindi ko nakita sa kanya noong nasa piling ko s’ya.
Madalas kong marinig na may dalawang klase ng tao sa mundo. Tama sila. Dalawa nga.
Yung taong masayang nananakit ng iba at yung taong tangang pumapayag na saktan ng iba.
Syempre, ako yung pangalawang klase. Hindi ko iyon maitatanggi. Ang buong akala ko lang kasi ay nagmamahal lang ako kaya ako nagtiis. Kaya hindi ko pinansin yung mga komento ng iba noong kami pa na hindi kami talaga para sa isa’t-isa.
Pangit ako. Maganda at sexy s’ya. Tanga ako. Matalino s’ya. Tamad ako. Masipag s’ya.
Hindi naman pala sa lahat ng pagkakataon applicable ang Law of Magnetism (opposites attract). Lalong-lalo na sa pag-ibig.
Ang hirap umasa sa mga batas ng daigdig na may ine-exempt. Ang daya talaga. May favoritism si Tadhana. Sana pati siya tumutupad sa usapan. Para naman patas ang laban. Mas maganda pa sana kung hindi siya nakikialam. Sobrang dami kasi ng nasasaktan. Ang masama pa hindi siya marunong makiramdam. Para sa kanya, ang lahat ng bagay sa pag-ibig na dapat sineseryoso ay para lamang laro.
Yan si Tadhana.
E ano ba ang aking magagawa? Kung ganito nga ang mga alituntunin na dapat sundin sa mundong ibabaw?
Wala.
Isa lang ako sa mga taong namamangka sa proseso ng buhay. Ipapanganak na isang bata. Mag-aaral paglaki. Magtatrabaho pagtanda. Mabibingwit ni Tadhana. Paglalaruan. Kapag sawa na, saka lang niya ipakikilala ang taong aking makakasama sa paggawa ng pamilya. Ako’y magiging magulang. Tatanda. Manghihina ang tuhod. Babaluktot ang likod. Manlalabo ang paningin. Pupurol ang pandinig. Babagal ang memorya. Malalagutan ng hininga. Babalik sa lupa.
Ano pa ba ang dapat ireklamo?
Wala.
Kaya ang mas mainam na gawin ay umusad sa susunod na hakbang. Iwan ang mga bagay na hindi naman kailangan. Sadyang napakahirap ng proseso na pagdadaanan. Pero kung hahayaan mo lang na malugmok ka sa kalungkutan ng nakaraan, hindi ka makakatuntong sa palapag ng kinabukasan.
Leave everything unnecessary. Learn from your mistakes.
Iyon ang mga baong pilosopiya na nabuo sa aking isipan.
Sabi nga ni Newton sa kanyang Third Law of Motion,
“In order to move forward, you must leave something behind.”
Ang buhay ay hindi palaging weightless. Kahit saan ka man tumuntong sa mundong ito, meron at merong pwersa na hihila sa iyo pababa. Pero pasalamat ka sa kanyang presensya. Dahil kung hindi sa kanya, baka hindi mo mailalapat ang iyong paa sa lupa. Kung hindi dahil sa pwersang ito, baka matulad ka sa isang plastic na tinapon lang kung saan-saan. Hindi alam kung saan ang patutunguhan.
Wala ng pakinabang. Salot pa sa kapaligiran.
Kaya sa sarili ko, nang mapagtanto ko ang katangahang ginagawa ko, inumpisahan ko ang pagbabago sa buhay ko. Inuna ko sa paliligo. Kung noon kada-tatlong araw ko lang ito ginagawa. Binawasan ko na ang pagitan. Tig-dalawang araw na lang.
Alam kong maliit lamang ang una kong hakbang. Pero naniniwala ako na ang malaking tagumpay ay nag-uugat sa maliit na hakbang.
Muli kong hinarap ang mundo na may ngiti sa kabila ng papaalis pa lamang na pighati. Sumikat ang bagong araw na nagbigay ng kislap sa katagang, “Ito na ang simula para sa aking sarili.” Ito na ang simula ng panibagong kabanata. Pero hindi kasingdali ng pag-ukit ng mga kaganapan sa isang nobela ang pagbabago na aking isusulat. Hindi tulad ng mga akdang may magkaka-ugnay na kabanata, sinigurado ko na hindi konektado ang panibagong yugto ng aking libro sa taong nanakit sa aking puso.
READ KABANATA 2
Go Back To Title Page
READ KABANATA 2
Go Back To Title Page
No comments:
Post a Comment