Monday, May 8, 2017

KABANATA 4

Kalayaan.
Yan ang salitang ipinaglaban ng ating mga ninuno sa higit na tatlong siglo sa kamay ng mga Kastila at ilang dekada naman laban sa mga Hapones at mga Amerikano.
Hindi man ako nabuhay sa mga panahong nakagapos ang ating bansa sa bakal na kadena ng mga banyaga, ramdam ko ang hirap ng nalilimitahan ang bawat kilos at galaw. Dama ko rin ang sakit dahil sa pakiramdam ng hindi makausad sa aking pupuntahan dahil sa higpit ng pagkakatali ko sa nakaraan.
Sa bawat hakbang na aking ibinibitaw, katumbas nito ang lalong paghigpit ng tali sa aking leeg na siyang nagpapahirap sa aking buhay.
Kailan ko ba muling mararamdaman ang pagluwag o ang tuluyang pagkatanggal ng lubid sa leeg ko? Yung tipong wala nang pumipigil sa bawat kilos ko o sa bawat  tapak ko. Yung tipong hindi ko na iniisip na may hihila sa akin pabalik sa aking pinanggalingan sa tuwing maaabot ko ang hangganan ng tali na nakapalibot sa aking leeg. Nakalimutan ko na rin ang pakiramdam ng malaya kong nagagawa ang aking gusto.
Ano na nga ba ulit ang pakiramdam ng walang humihila sayo sa tuwing lalayo ka sa paglalakad mo patungo sa pupuntahan mo?
Kailan ba aamo ang walang pusong nakaraan at magsasabi sa akin ng mga katagang, “Malaya ka na.”
O hindi na dapat ako umasang darating pa ang pagkakataon na iyon?
Naghihintay lang ba ako na mabulok kasama ng aking nakaraan? O may isang taong galing sa kasalukuyan na magpapadama muli sa akin ng kalayaan?
Ano na nga ba muli ang kalayaan?
Paano ito matatamo ng taong nakagapos at naging sunud-sunuran sa mga bagay na nakalipas na?
Kailan ito maibibigay sa taong durog na ang puso?
Inaanyayahan ako ng dalaga na sumama sa kanya. Kung saan man kami pupunta, wala akong ideya. Ipinangako niya na mararamdaman ko muli ang kalayaan kaya ako ay sumunod sa bawat hakbang na tinatahak niya patungo sa lugar na hindi ko alam kung saan.
“Halatang mahal na mahal mo talaga sya.” bigkas ng dalaga na mula noong una kaming magkita at ngayong ilang oras na kaming magkasama, hindi ko pa alam ang pangalan niya.
“Sobra. Sya na ang buhay ko.” sagot ko.
Tumawa siya ng malakas. “At ngayong may mahal na siyang iba, parang patay ka na?” tanong ng estranghera na nagpipigil ng tawa.
“Pakiramdam ko ay isa na akong ligaw na kaluluwa.” banggit ko.
Sandaling tumigil yung dalaga sa paglalakad. “Ha? Multo ka na? Pero umaga pa lang, nagpapakita ka na?”
“Hindi ka rin palabiro no?” parinig ko sa kanya.
Kumindat yung aking sinabihan. “Masyado ka kasing seryoso. Masyado mong kinakawawa yang sarili mo dahil lang iniwan ka ng isang tao. Hindi ka makakalimot hangga’t may nararamdaman ka pang sakit.”
“Paano ba kasi matanggal agad ang sakit? Ikaw ba nagagawa mong alisin ang pagmamahal mo sa taong halos siya na ang kumumpleto sa buhay mo ng ganoong kadali lang?”
“Ha? Taong kumumpleto sa buhay ko? Paano mo masasabing sila ang magiging basehan ng iyong pagiging kumpleto kung iniwan ka nila? Hindi sila kumukumpleto sa akin. Kundi yung mga alaalang aming ginawa. Yun ang mga nagpapasaya sa akin. Yun din ang nananakit sa aking damdamin. Pero bakit ko naman iisipin yung mga minutong aming pinagsamahan kung gusto ko rin lang masaktan? Sumali na lang sana ako sa UFC para maramdaman ko kung paano maging duguan. Pero ayoko. Gusto kong maging masaya. Lahat tayo gustong maging masaya. Kailangan lang nating hintayin yung taong magpapasaya sa atin ng permanente. Yung hindi na aalis. Merong taong nakatakda para pangitiin ka sa bawat paggising mo sa umaga. Kaya huwag kang mawalan ng pag-asa. Higit pa sa isang milyong babae ang naghihintay din ng taong makakasama nila.”
“At isa ka na rin sa kanila?” tanong ko.
“Ha? May pinupunto ka?” seryosong tanong ng aking kasama.
Namula ang aking mga pisngi. Hindi ako makatingin ng diretso sa kanyang mata. Bakit ko ba natanong iyon?
“A-a-ah! W-wala! Wala! Gusto ko lang sanang tanungin kung meron kang kasintahan.”
Lagot. Hindi ko napigil ang aking bibig. Hindi iyon ang gusto kong sabihin. Bigla na lang lumabas ito sa aking bunganga.
Nakatitig lang yung dalaga sa akin. “Boyfriend?” tanong niya saka ngumiti.
“A-a-ah! Hindi yun ang ibig kong sabihin.” Pulang-pula na ang buo kong mukha sa sobrang hiya. “Wag mo nang pansinin yung sinabi ko.”
Tumawa siya. “May gusto ka ba sa akin?”
Ang tanong niya ang nagpalala sa pamumula ng aking pisngi na parang kamatis.
“H-ha? H-hindi. Hindi. Hindi yun ang ibig kong sabihin. Ibahin na lang natin ang usapan.” pakiusap ko sa dalaga. “At teka lang.”
“Bakit?”
“Ilang oras na tayong nag-uusap mula nang magkita tayo sa Internet Cafe, pero hindi ko pa alam ang pangalan mo.”
“Pangalan? Tapos anong susunod mong tatanungin? Yung number ko?” hindi umimik yung dalaga pagkatapos niyang banggitin ang sinabi niya. Naghihintay kung ano ang magiging reaksyon ko.
“Hindi. Mali ka.” sagot ko.
“U-huh. E ano?”
“May boyfriend ka ba?”
Ibinuka ng dalaga ang kanyang bibig pero wala ni isang salita ang lumabas dito. Napatigil sya at ako naman ang natawa sa reaksyon niya.
“Bakit mo tinatanong?”
“Pwede bang sagutin mo muna yung una kong nais malaman?” nakangiti kong banggit sa aking kausap na binibini.
“Gabby,” sabi niya. “Gabby ang pangalan ko… at wala.”
“Anong wala?”
“Yan ang sagot ko sa pangalawa mong tanong.”
Nagtinginan kaming dalawa at ngumiti sa isa’t-isa.
“Bakit ganun?” tanong ko kay Gabby.
“Anong ganun?”
“Ilang oras pa lang tayong magkakilala, pakiramdam ko,”
“Matagal na tayong magkasama?” singit ni Gabby.
“Ganun na nga.”
“Siguro mahilig ka sa romantic movie?” tanong niya.
“Bakit?”
“Ang korni ng mga banat mo.”
  “Ha? Hindi ko yun dun nakuha. Kusang lumabas sa bibig ko. At hindi ako nanonood ng pelikulang tulad nun.”
“Defensive?” biro nya.
“Peksman! Hindi ako nanonood ng ganun.”
“Ito naman, hindi ka naman mabiro. Napakaseryoso mong tao. Kaya ka nasasaktan e, sineseryoso mo masyado ang isang tao.”
“Masama bang ipakita mo ang buong pagmamahal mo sa isang tao?”
“Itanong mo yan sa sarili mo. Ano bang nangyari sayo nung nagmahal ka ng todo?”
Hindi ako umimik. Wala akong masabi. Ayokong banggitin ang kalagayan ko ngayon. Dahil siguradong kikirot lang ang aking dibdib.
Para ibahin na ang usapan, “Akala ko ba ipapakita mo sa akin ang tinatawag nilang kalayaan? E bakit parang gusto mo akong ikulong sa aking nakaraan?”
“Ikulong? Di ba nakakulong ka pa?” ngumiti sya. Imbes na ma-insulto ako, gumagaan ang loob ko sa tuwing nakikita ko ang kanyang ngiting nakakahumaling.
“Oo na, ako na ang bilanggo. Tutulungan mo naman akong makalaya di ba?”
“Basta handa kang umamin sa kasalanan mo.”
“Anong kasalanan?”
“Ang pagiging tanga sa kanya.”
“Oo, inaamin ko na. Ako ay naging tanga sa kanya.”
“Yan! Ganyan! Yan ang simula ng paglaya.”
“Pwede bang yung susunod na hakbang na ang gawin natin?”
“Oh sya andito na tayo.”
Nakarating kami sa isang malawak at pantay na damuhan. May ilang tao ang naroon nang kami ay dumating. Nagtatakbuhan sila. Nag-aagawan ng bola gamit ang kanilang mga paa. Merong gumagamit ng dibdib sa pagtanggap sa mataas na pasa ng kanilang kasama. Pinapatama rin nila sa kanilang ulo ang bola para ito ay lumayo at hindi maagaw ng kalaban.
Sa bandang dulo ng kanilang tinatakbuhan, merong nakatayong isang kwadradong bakal na mas mataas ng bahagya  kesa sa manlalarong nasa gitna nito. Nakaabang ang kamay ng manlalarong ito para pigilang maipasok ng kalaban sa kwadradong bakal ang bola na kanilang pinag-aagawan.
Yung isang kupunan na may hawak ng bola ay tuloy-tuloy ang pag-arangkada patungo sa teritoryo ng kalaban. Pasa dito, pasa doon. Di nagtagal, nakalapit na ang kupunan na may dala ng bola sa kwadradong bakal na binabantayan ng katunggali. Merong espasyo sa gitna kung nasaan ang isa sa mga manlalaro ay nag-aabang. Sa sandaling nakatapat ang bola sa paa ng manlalarong nasa gitna, sinipa nito ng buong pwersa papasok sa kwadradong bakal. Sa sobrang bilis ng bola, hindi namalayan ng nagbabantay na nakalusot na ito sa loob.
Tahimik ang lahat at sinundan ito ng sigawan ng mga kasama ng manlalarong nakapasok ng bola sa binabantayan ng kalaban.
 “WOOooooooooooooooo!”
Si Gabby, “Goooaaal!!!! Wooooo!”
Nagulat ako sa kanya. Nagtatatalon-talon siya. Tuwang-tuwa na parang matandang nakatama ng jackpot sa lotto.
Yun ang kanilang laro na nagbibigay sa kanila ng saya.  Pamilyar ako sa kanilang ginagawa pero hindi ako marunong hawakan ang bola gamit ang aking mga paa.
“Gusto mong maglaro?” anyaya ni Gabby.
“Ha? Hindi ako marunong nyan e. Kaw na lang.” sabi ko.
“Madali lang. Lika na. Siguradong matutuwa ka.” Ipipilit ko sana ang aking pagtanggi pero tinawag na ni Gabby ang isa sa manlalaro. Paglapit ng tinawag niya, “Rick, pwede ba kaming sumali?” tanong ng binibining aking kasama.
“Sige, kulang pa naman kami.” Sagot ng lalaki.
“Ah sya nga pala, ito si…” napahinto si Gabby sa pagpapakilala sa akin sa kausap niya dahil hindi pa niya alam ang aking pangalan at hindi ko pa ito nababanggit sa kanya mula nang kami ay magkita.
“Sum. Ako si Sum.” Dugtong ko sa pangungusap na binitawan niya.
“Rick, pare.” Banggit ng lalaki at saka kumamay sa akin.
“O game na. Simulan na ang laro.” Sabi ni Gabby na may pananabik.
“Wala kayong sapatos?” tanong ni Rick.
“Pwede na tong nakapaa. Hindi nyo naman siguro ito tatapakan.” Nakangiting sabi ng kasama kong dalaga.
“Hindi natin masasabi yan.” Banggit ni Rick. “Pero kayong bahala.”
“O sige game na.”
Lumakad na yung dalawa sa gitna ng damuhan na pinaglalaruan nila Rick. Hindi ako sumunod dahil hindi ko alam laruin ang nilalaro nila. Ilang sandali lang, lumingon si Gabby sa aking kinatatayuan. Napansin niya kasing wala ako sa tabi niya. Tinawag niya ako gamit ang kanyang kamay. Umiling ako. Napilit na lang ako noong halos lahat ng manlalaro ay tinawag ako para sumali sa kanila.
Sa opisyal na laro, labing-isa ang bilang ng bawat kupunan. Subalit kami ay kulang para kumpletuhin ang nasabing bilang ng miyembro ng bawat grupo. Naglaro pa rin kami kahit kulang ng tatlo ang bawat kupunan.
Magkakampi kami ni Gabby. Itinali ng aking kasamang dalaga ang mahaba at makintab niyang buhok bago magsimula ang laro. Iyon ang nagpalabas lalo ng kagandahan ng binibini. Maputi at makinis ang balat niya sa mukha. Nakakahila ng paningin ang makikislap niyang mata. Nakakapangagat ng labi ang mapupula niyang labi.
Noon ko lang napansin ang buo niyang ganda.
Ito ba talaga ang dalaga na aking kasama kanina? tanong ko sa aking sarili. Para siyang artista na sa isang ngiti palang na iguguhit niya sa kanyang mukha, mahuhumaling ka na.
Totoo nga ba talaga ang kanyang karanasan na siya ay nasaktan? Ano naman ang magiging dahilan kung bakit magagawa ng isang lalaki na paiyakin ang tulad niya?
Maganda siya. Sa ugali, wala kang masasabi. Masarap kausap. Pero prangka magsalita. Siguro iyon ang naayawan nila sa kanya. Para sa akin, ayos lang ang mga lumalabas sa bunganga niya. Kesa naman sa magsinungaling sya. Mas lalong hindi kaaya-aya.
“Handa ka na?” tanong ni Gabby.
“E hindi ko nga alam laruin to.” Sagot ko.
Halakhak ang isinukli niya. “Madali lang naman ang iyong gagawin. Tanggapin ang aking pasa. Protektahan ang bola. Wag mong hahayaang mapunta sa kalaban. Dapat maipasok natin yan sa goalpost ng kabila.” Tinutukoy niya yung kwadradong bakal na binabantayan ng isang kalaban.
“Parang ang dali talaga ha?”
Kumindat siya habang nakapatong ang kanyang kanang paa sa bola. Kaming dalawa ang inatasang mag-uumpisa ng laban. Kick-off ang tawag sa seremonya. May dalawang manlalaro sa gitna. Isa rito ang nagbabantay ng bola. Yung isa na malapit sa kanya ang tatanggap ng unang pasa pagkatapos hipan ng referee ang whistle. Yung iba nilang kasama pati na rin ang mga manlalaro sa kabila, nag-aabang kung saan ipapasa ng pangalawang manlalaro ang bola.
Umalingawngaw ang tunog ng whistle. Hudyat ng simula ng laro. Agad pinasa ni  Gabby sa akin ang bola. Dumampi ito sa aking paa. Ramdam ko ang pagsikip ng espasyo sa kinatatayuan ko nang makita ko ang aming mga katunggali na mabilis na tumatakbo patungo sa akin para agawin ang bola.
“Pasa mo sa likod!” sigaw ni Gabby.
“Pasa! Pasa! Pasa!” bulyaw ng aking mga kasama.
Palapit ng palapit ang dalawang manlalaro ng kabilang kupunan para agawin ang bola. Ako, nanatiling nakatayo. Nag-iisip kung anong gagawin. Bumilis ang tibok ng aking puso. Nanginginig ang mga kalamnan ko. Tumitigas ang mga paa ko. hindi ako makagalaw. Parang lumiliit ang mundo ko. Nahihirapan akong huminga.
Ilang metro na lang ang mga sumusunggab na kalaban.
“Pasa! Pasa! Pasa!”
“Sum!”
Bumalik ako sa aking kamalayan ng marinig ko ang aking pangalan. Nagmula ito kay Gabby.
“Ipasa mo sa likuran.” Utos niya.
Nakaramdam ako ng kakaibang pokus sa aking isipan. Imbes na sumunod sa dalaga, hinarap ko ang mga kalabang papalapit habang dinadama ang presensya ng bola sa aking paa. Nang tangkahing sundutin ang bola ng isang nakalapit na katunggali gamit ang kanyang paa, inilihis ko ito sa aking kanan. Saka dali-dali kong pinalusot sa nakabuka niyang paa. Sa likuran niya ko muli kinuha ang pinag-aagawang bola.
Para makalapit sa goalpost, sinipa-sipa ko ang bola ng may pag-iingat. Pinoprotektahan ko ito sa aking daan patungo sa nagbabantay na kalaban. Para akong lumalabas ng kweba na may mga mababangis na nilalang na nagtatangkang kunin ang aking dala-dala. Buong tapang kong hinarap ang mga balakid na lumalapit sa akin. Hanggang sa ilang metro na lang ang aking distansya sa goalpost. Kung ilalapit ko pa ang dala kong bola gamit ang paa, malaki ang tsansa na maagaw pa ito ng goalkeeper, yung manlalarong nagbabantay sa goalpost, at mawala ang aking pagkakataon para maka-iskor.
Kaya hindi ko na sinayang ang anumang segundong meron ako. Pinakiramdaman ko ang bola sa aking paa at buong lakas ko itong sinipa patungo sa goalpost.
Sa paglipad ng bola sa ere, tanging lawiswis ng hangin ang aking narinig. Tulad ko, ang mga ibang manlalaro, kakampi ko man o kalaban, ay tahimik na naghintay kung saan pupunta ang bola.
Maipapasok ba ito sa loob ng kwadradong bakal? O mapipigilan ito ng nagbabantay?
Ilang sandali lang, naghiyawan ang aking mga kakampi nang makita nilang nakarating sa loob ng goalpost ang sinipa kong bola.
“Gooooaaal!!!!”
Nang makita ko ang resulta ng aking paghihirap, hindi ko maiwasang iguhit ang ngiti sa aking mga labi. Lumalaki ang aking mata sa tuwa. Parang tumatakbo ang aking puso sa sobrang bilis ng tibok nito.
Ano ang pakiramdam na ito?
Ang gaan-gaan ng aking katawan nang makita ko ang aking kakampi na nagsasaya sa aking ginawa. Yun ang unang pagkakataon na nakita ko ang mga ibang tao na nasiyahan sa ginawa ko.
“Ang husay mo!” sabi ng aking kakampi na boses babae, si Gabby, saka tapik sa likuran ko. “Hindi ko alam na marunong ka pala. Paayaw-ayaw ka pa noong una tapos ang galing galing mo pala.”
Nasaktan ako ng bahagya sa lakas ng tapik niya. Pero pinawi ito nang makita ko ang maaliwalas na mukha ni Gabby. Lalong mas gumaan ang aking pakiramdam. Parang haplos ng isang anghel ang tapik nung babae na nakakawala ng pagod.
“Sa totoo lang,” bigkas ko. “Hindi ko alam kung paano ko ginawa yun.”
Nagulat si Gabby sa aking sinabi. “Nagbibiro ka ba? Huwag mong sabihing sinapian ka lang ng maliksing espirito kaya mo nagawa iyon?”
Napangisi yung dalaga sa binanggit niya. Magkahalong pagtataka at pagkamanghang reaksyon ng isang hindi makapaniwala ang nasa kanyang mukha.
Ngumiti na lang ako kahit sa sarili ko na totoo ang aking binanggit na hindi ko alam kung paano ko ginawa ang bagay na iyon. Ang totoo nyan ay yun ang unang pagkakataon na nakapaglaro ako ng ganoong isports. Hindi ko sigurado sa aking sarili kung saan ko natutunan ang mga ganoong kaliksing galaw at paano ko ito natutunan sa ilang minuto lang.
Isa ba akong reincarnation ng legendary soccer player? O sadyang ito ang laro na hinahanap ng aking puso kaya ganoon na lamang kadali ang adaptation ko sa isports na ito?
Sa mga oras na tumatakbo ako patungo sa teritoryo ng kalaban, wala akong naramdamang tali na humila sa akin o di kaya naman walang kadenang bakal ang nagpabigat sa aking pagkilos sa loob ng tinatakbuhang damuhan. Doon ko lang naranasan yung pagkakataon na nagagawa ko ang gusto ko kahit na may balakid sa daan ko. Nakakatakbo ako kahit gaano kalayo ang gustuhin ko.
Ito ang pakiramdam ng malaya. Maluwag ang pakiramdam. Maluwang ang nilalakaran. Magaan ang loob. Walang inaalala maliban sa saya.
Sana hindi na matapos ang kasiyahan na ito.


READ KABANATA 5

Go Back To Title Page

No comments:

Post a Comment