May mga taong dumadating sa buhay natin. Meron din yung mga umaalis.
Sa tuwing naririnig ko ang salitang “Goodbye”, palagi kong hinahanap kung nasaan ang kabutihan sa salitang iyon. Saan ko ba matatagpuan ang mabuting bagay sa tuwing may taong nagpapaalam? Meron bang mabuti sa kalungkutang dulot ng paalam? Kung meron man, sana ito ay aking maramdaman.
Isang linggo ang nakalipas matapos ang mga kababalaghang nangyari sa akin. Nang makilala ko ang babae na galing sa ibang daigdig at nang umalis din ito matapos kong maramdaman ang kasiyahan sa piling niya.
Totoo nga ba na may pangalawang daigdig? Pangatlo? Pang-apat? O ilan man ayon sa sinabi ni Gabby? O rason nya lang iyon para hindi ko na sya habulin pa?
Paano ko ipapaliwanag yung katotohanan na walang Gabby sa bahay na aking pinuntahan na kung saan niya ako inanyayahan? O baka naman ako ay kanyang tinataguan lamang? Bakit naman niya iyon gagawin? Isa pa, ilang ulit din akong nagpabalik-balik sa bahay na iyon, pero wala talaga akong nakitang Gabby sa lugar na iyon.
Kakaiba ang karanasan kong iyon. Pero aaminin ko, iyon ay masaya. Kung nasaan man ang dalagang aking nakilala, sana maging masaya rin sya.
Maniniwala kaya ang aking mga kaklase kapag kinuwento ko ang bagay na iyon sa kanila? Malamang pagkakamalan lang nila akong nasasapian. Kaya wag na lang.
Tatlong araw na lang, pasukan na. Handa na ba akong harapin ang bagong kabanata?
Dapat lang na kayanin mo. Isang boses ang bumulong sa aking isipan. Tinig ng isang babae na nagpapaalala sa akin kay Gabby. Iyon ang naging dahilan ng aking pagngiti.
Bago pa man magsimula ang bagong taon ng aming pag-aaral, naisip kong magliwaliw kahit sandali. Pumunta ako sa aming plaza. Sa aking paglalakad, ako ay nasorpresa sa aking nakita. Babaeng pamilyar ang mukha. Babaeng sa aking pagkaka-akala ay nalimutan ko na. Pero nang masulyapan kong muli ang kanyang mga mata, puso ko ay tumibok na parang natataranta.
Ito na ang pagkakataon na aking kinakatakutan. Ang makitang muli ang babaeng nagdulot ng pagdudugo ng aking puso, si EX.
Mag-isa lang siya. Ang kanyang mukha ay maamong nakapinta. Nilapitan niya ako. Ngumiti sya sa akin na parang walang nangyari sa amin. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Hindi ko maideretso ang aking paningin sa kanyang titig.
Nagsimula nanamang maglaro si Tadhana. Pinagtagpo niya muli kaming dalawa.
Para ano?
Para ipamukha niya sa akin na hindi ko kayang kalimutan ang taong minahal ko ng todo?
Ano ang gagawin ko?
“Hi, Sum.” Bati ni EX.
“Hello, Carla.” Sagot ko.
“Kamusta ka na? Alam kong hindi naging maganda yung paghihiwalay natin. Sana naiintindihan mo ako kung bakit ko ginawa iyon.”
Bakit ang bait-bait niya ngayong kami ay nagkita? Isa pa, himala dahil ako’y kinausap niya. Hindi tulad noong bakasyon na ayaw niyang sagutin ang mga tawag ko. Minsan lang siya nagtext at napakasakit pa ng sinabi niya. Bakit ngayon ibang-iba ang ugali niya?
“Uhhmm…” ngumiti ako na nagkukunwaring ayos lang. “Ito…uhmmm…buhay pa naman. Kung iyon talaga ang ang gusto mong mangyari sa atin, wala akong magagawa Carla.”
“Hindi ka naman nagdadamdam niyan?”
“Sinungaling ako kung sasabihin kong hindi. At ang totoo nyan, pakiramdam ko hindi na maaalis yung sakit na pinaramdam mo sa akin.”
Hindi makatingin ng diretso si Carla habang ako ay nagsasalita. “Sorry.” Ang salitang lumabas sa kanyang labi.
“Mas lalong lumalim yung sugat nang makita ko na parang ang dali mo lang akong ipagpalit sa iba.”
“Wala akong minahal na iba.”
“Sinabi mo sana yan dati pa. Baka maniwala pa ako. Hindi ngayong alam ko nang masaya ka na sa iba.”
“Alam kong masakit ang ginawa ko sa iyo at nagawa ko lang iyon para mapadali ang lahat para sa atin. Para hindi na tayo masaktan pa kung ano man mangyayari sa atin.”
“Para mapadali? Sa tingin mo ba naging madali sa akin na hindi mo sinasagot ang tawag ko? Sa tingin mo ba naging madali sa akin noong hilingin mong huwag na akong magtext ako sayo dahil may iba ka na? Iyon ba ang sinasabi mong mapadali? At isa pa, para hindi masaktan? Kung may hindi nasaktan sa atin dito, ikaw yun!”
“Hindi mo lang alam ang aking pinagdaanan.”
“Oo! Hindi ko alam! At mas lalong hindi mo rin alam kung ano ang ginawa mo sa akin!” hindi ko na napigilan ang aking damdamin. Hindi ko na rin napansin na umaagos na ang luha sa aking mata dahil sa sama ng loob.
Walang umimik sa aming dalawa. Pawang tunog ng mga bumabarurot na tricycle at dyip ang naghari sa paligid. Walang tao ang dumadaan sa aming kinatatayuan.
“Pumunta ako dito dahil nagbabakasakali ako na makita ka.” Nagsimulang magsalita si Carla. “Nang malaman kong dumating ka na, hindi ako nagdalawang-isip na tumungo dito para masulyapan ka at ipaliwanag ang lahat.”
“Wala ka nang kailangang ipaliwanag pa.” sambit ng aking bibig. “Nasabi mo na lahat sa akin. Sapat na ang mga salitang ‘may iba ka na’ para ipaliwanag mo ang lahat. Mula nang malaman ko ang katotohanan na wala ka nang nararamdaman sa akin, pinilit kong kalimutan na ang lahat. Hindi iyon naging madali tulad ng pagkaka-alam mo. Pero kinaya ko. At ngayon,”
Napatigil ako sa aking pagsasalita nang makita ko ang mga mata ni Carla. Tulad ng sa akin, umapaw na rin ang kanyang luha. Hindi ko maintindihan kung ano ang gustong mangyari ng babaeng nanakit sa akin.
Nang hindi na niya makayanan ang bigat na nararamdaman, lumakad nang palayo si Carla. Bakas sa kanya ang kalungkutan na aking nadama noong ako’y kanyang sinaktan. Imbes na galit ang maghari sa akin, awa ang umiral.
Masyado ba akong naging marahas sa pagsasalita sa kanya? Dapat bang pakitaan ko sya ng hindi maganda matapos niya akong ginawang tanga? O masyado lang akong padalos-dalos para husgahan agad ang pagkakamali niya?
Ano na ba ang nangyayari sa akin? Hindi ko maunawaan.
Sa kaninang kinatatayuan ni Carla, isang puting papel ang naiwan. Pinulot ko ito. Binuksan ko ito sa kanyang pagkakatiklop. Isang liham. Liham na muling nagpakirot ng aking puso matapos kong basahin.
READ KABANATA 9
Go Back To Title Page
READ KABANATA 9
Go Back To Title Page
No comments:
Post a Comment