“Ako lang ang KJ! Huwag mong agawin ang aking titulo!” banggit ng dalagang namimilit sa isang binatang ayaw sumama sa kanyang balak na umakyat ng bundok.
“May hika ako. Bawal akong mapagod.” Palusot ko.
“Hika?”
“Oo.”
“Siguro kaya ka iniwan ng Ex mo dahil sinungaling ka.”
“Hindi. Totoo ang sinabi ko.”
“Kung totoo yan, bakit ka naglaro ng soccer noong isang linggo? Yun ba ang nilalaro ng mga may hika?”
Sa ebidensyang binanggit ni Gabby, nataranta ang aking isipan kung ano ang sunod kong idadahilan. Ayoko talagang umakyat ng bundok. Minsan lang ako umakyat at sa minsang iyon, ipinangako ko sa aking sarili na hindi ko na uulitin ang ganoong karanasan.
Ang dahilan? Hindi ako makababa dahil sa pangangatog ng aking tuhod sa tuwing nakikita ko ang mga tanawin sa ibaba. Nakakalulala.
Kung ang tanong nyo ay kung paano ako nakarating sa paanan ng bundok na aming inakyat, yun ay dahil nagkunwari akong hinimatay habang naglalakad pababa. Ang buong akala ng aking mga kasama, pagod lang ako. Kaya nagpatulong sila sa mga tour guide na aming kasama para ako ay buhatin.
“Takot ka lang ata e.” sabi ng nakakabighaning si Gabby. Saka gumuhit ng matamis na ngiti na umabot sa kanyang pisngi.
“Hindi a. Basta ayoko. Kayo na lang.” sagot ko.
“Paano ka makakalimot nyan? Paano mo sya maaalis sa iyong isipan kung magmumokmok ka lang?”
“Nakalimot na ako. Hintayin ko na lang kayong makabalik. Maglaro na lang tayo ng soccer kapag nakabalik na kayo.”
“Sigurado ka? Nakalimot ka na?”
“Oo.” Sabi ko kay Gabby para matahimik sya.
Dumukot sya sa kanyang bulsa para kunin ang kanyang cellphone. Kinalikot niya ito ng ilang minuto saka iniharap ang screen sa mukha ko.
Muntik ko nang hablutin at itapon ang cellphone niya dahil sa litratong kanyang pinakita. Imahe ni EX na magkayakap sila ng bago niyang lalaki na sing-gwapo ni Jose Manalo. Pero naalala ko hindi pala sa akin yun. Kaya pinigilan ko ang aking sarili sa aking balak na sirain ang gamit ng iba.
Nagpipigil ng tawa ang mapang-asar na dalaga. “Akala ko ba nakalimot ka na?”
“Sino ba naman ang hindi makakalimot kung patuloy mong pinapakita yang mga litratong tulad niyan?” sagot ko.
“Ang paglimot ay hindi yung hindi mo na sya naaalala. Kundi yung makita mo sya na kahit meron ng iba, hindi ka na nasasaktan.” Paliwanag ni Gabby.
Tama sya. Hindi pa talaga ako nakakalimot. Sya pa rin ang laman ng puso ko’t isipan kaya patuloy pa rin akong nasasaktan.
“Punta na lang tayo sa aming bahay.” Paanyaya ng dalaga.
“Ha?” nabigla ako sa imbitasyon niya.
Ayos lang ba na pumunta ako sa bahay nila? Lalaki ako, babae sya. Baka may masabi ang magulang niya. O masyado lang akong malisyoso?
“Sabi ko, punta na lang tayo sa bahay namin. Doon na lang tayo mag-jamming.” Sabi ni Gabby.
“Sino kasama natin?” tanong ko.
“Tayo lang dalawa.”
“Uh-uhhmm. As in tayo lang dalawa?”
“Oo. Huwag kang mag-alala, wala tayong gagawing masama.”
“Sino ba ang nagsabi na may gagawin tayong masama?”
“Sabi ng utak mo.” Sabi niya.
Bago pa man ako makapag-reak sa sinabi niya, nakalayo na sya. Inutusan ko na lang ang aking paa na sumunod sa kanya.
Makalipas ang ilang minuto naming paglalakad, nakarating kami sa harapan ng bahay nila Gabby. Malaki. Kulay puti. Madaming halaman. Maluwang ang bakuran.
Inanyayahan niya akong pumasok. Sa loob, maraming larawan ang nakasabit sa pader. Isa sa mga pumukaw sa aking mga mata ay ang larawang parang winisikan lang ng pulang kulay ng pintor ang puting papel.
“Yan ang pinakamahal sa lahat ng paintings dito sa bahay.” banggit ni Gabby.
Sa ignoranteng tulad ko, hindi maiwasan ng aking isipan ang magtaka kung bakit ang larawang iyon ang isa sa pinakamahal sa lahat. Napakasimple ng imahe. Halos lahat kayang gawin ang disenyo.
Nakita ng magandang dalaga ang pagtataka sa aking mukha.
“Hindi ka naniniwala?” tanong ni Gabby.
Hindi na lang ako umimik para hindi ko siya madismaya.
“Hindi sa itsura makikita ang tunay na halaga ng isang bagay,” nagsalita ang dalaga habang tinititigan ang pinakamahal na larawan sa loob ng kanilang tahanan. “Kundi sa bawat parte na bumubuo nito. Buhay ang inilaan ng pintor sa paggawa ng sining na ito. Kung sa tingin mo simpleng pintura lang ang ikinulay dito, nagkakamali ka. Kung sa tingin mo kaya ng sinuman ang ginawa ng pintor dito sa larawan na ito, pag-isipan mong mabuti. Dugo ng lumikha nito ang ikinulay sa sining na ito. Ang paggawa nito ay katumbas ng kanyang buhay na inaalay niya sa namayapa niyang minamahal. Ngayong alam mo na kung ano ang ginamit sa inaakala mong simpleng larawan na nasa harapan mo, sa tingin mo ba kayang gawin ng sinuman ang sining na ito?”
Natahimik ako sa paglalahad ni Gabby. Tinitigan ko ang kanyang mukha. Namumuong luha ang naaninag ko sa gilid ng kanyang mga mata. Sadyang napakahalaga ng larawang nasa harapan niya. Ito ang bagay na nagpapakita ng wagas na pagmamahal sa isang tao. Sa panahon ngayon, wala na sigurong tao ang gagawa ng tulad ng ginawa ng pintor. Sa bawat kasawian sa pag-ibig, tanging ang salitang “move-on” ang nasa isipan ng bawat isa. Wala nang nakakaisip na maging martir.
E bakit mo pa nga ba papahirapan ang sarili mo kung wala na ang taong mahal mo? Praktikalidad na ang naghahari sa larangan ng pag-ibig. Wala ng Romeo at Juliet sa panahon ngayon.
“Bakit naisipan ng pintor na gawin ito? Na ialay ang kanyang buhay sa taong wala na.” tanong ko sa sarili na sya namang binanggit ko kay Gabby.
Nanatiling nakatingin ang dalaga sa larawan. “Ano ang pakiramdam mo noong iniwan ka ng taong nanakit sayo?” tanong niya.
“Uhhmm…” Nag-isip ako. “Pakiramdam ko katapusan na ng mundo ko. Pakiramdam ko wala ng kwenta ang buhay ko dahil wala na siya sa tabi ko. Masakit. Sa bawat paggising ko sa umaga, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa buong maghapon. Nasanay kasi akong naging parte sya ng buhay ko. At nang mawala sya, halos buong parte ng aking sarili ay nawala na.”
“At hindi babalik yung dating ikaw hangga’t hindi sya bumabalik sayo di ba?” tanong ni Gabby.
Pinagnilayan ko ng ilang segundo ang tanong niya bago sumagot. “Oo.”
“Tulad mo, ganoon din ang naramdaman ng pintor na gumawa nito. Sa kaso niya, permanente nang nawala ang minamahal niya. Kaya winakasan na rin niya ang kanyang buhay sa paniniwalang magkikita ulit sila sa kabilang buhay. At bilang tanda ng wagas niyang pag-ibig, iwinisik ng pintor ang kanyang dugo sa puting papel na nasa harapan natin.”
Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa paligid. Nabasag lang ito nang bumukas ang pintuan nila Gabby. Lumantad ang dalawang taong medyo may edad na. Isang babae at isang lalaki.
“Pa andyan na po pala kayo.” Banggit ni Gabby sa matandang lalaki na.
“Oo, napaaga kami. Nakansela kasi yung concert.” Sagot ng lalaking tinawag na “Pa” ni Gabby.
Tinignan ako ng dalawa. Ganoon din ang ginawa ni Gabby.
“Ah…” pasimula ng dalaga. “Si Sum po. Kaibigan ko po Pa. Sum, sila ang mga magulang ko.”
Hindi ko alam ang aking sasabihin. Tinitigan ko lang sila. Namumula ang aking mukha. Hindi ako makapagsalita. Pero pinilit ko pa rin ang aking bibig na bumuka bilang paggalang sa kanila.
“M-magandang araw po. Kinagagalak ko po kayong makilala.” Lumapit ako sa kanila. Iniisip ko kung kakamayan ko ba sila. Pero sobrang tanda naman ata nila para maging pormal ako sa kanila. Kaya inabot ko na lang ang kanilang mga kamay para magmano.
Naghihintay ako kung ano ang magiging reaksyon nila. Tinignan ko ang kanilang mukha. Ngiti ang kanilang isinukli. Unti-unting gumaan ang loob ko sa harapan nila.
“Ito ba ang bago mong…” bitaw ng Mama ni Gabby.
Biglang sumingit ang kanilang anak. “Ah Ma, hindi po. Kaibigan ko lang po si Sum.”
“Uh-huh.” ang naging sagot ng kanyang magulang.
“Magkaibigan lang po talaga kami.” Pahabol ko.
“Wala kaming sinasabing iba iho.” Nagtawanan ang mga magulang ni Gabby.
“Pa… Ma… Huwag nyong biruin si Sum, baka seryosohin niya.” Sumama ring tumawa ang nakakabighaning si Gabby.
Sinakyan ko na lang ang biro ng pamilya ng kasama kong dalaga. “Kaya nga po. Hindi po kasi ako sanay sa biro.”
Napatigil ang aking mga kasama habang ako ay nasa kasagsagan ng pagtawa. Awkward. Tumigil na rin ako.
“Oh sya, iwan muna namin kayo. Feel at home Sum.” Banggit ng Papa ni Gabby.
“Sige po. Salamat po.” Sagot ko.
“Maghain kayo ng miryenda nyo Gab. Baka gutom na ang bago mong…” napatigil ang Mama ni Gabby.
Ngumiti na lang kaming dalawa ng aking kasama hanggang kami na lang ang naiwan sa kanilang sala.
“Ano ang gusto mong gawin?” tanong ni Gabby.
Nag-isip ako. Saka sumagot ng, “Ikaw ang bahala.”
Nag-isip din ang dalaga. “Hmmm… Manood na lang tayo.”
“Sige.”
Habang namimili ng aming papanooring pelikula, pinatugtog ni Gabby ang isang musika na nagpaantig sa aking puso. Sa malamig na boses ng mang-aawit, nakaramdam ako ng kapayapaan sa aking kalooban. Sa bawat salitang binibigkas, unti-unti kong napagtatanto na ang kabiguan ay meron ding wakas.
Ang pagkabigo ay tanda ng pagsubok
Dito ka masusubukan
Kung hanggang kailan ang itatagal
Ito’y lumilipas nang hindi mo namamalayan.
Ilang araw na ang nakalipas noong huli akong nagluksa dahi kay EX? Meron na ring isang linggo nang hindi na sumasagi sa isipan ko ang pananakit ng taong minahal ko ng todo.
Ang lahat ng iyon ay dahil sa isang estrangherang babae na nagpakita at nagparamdam sa akin ng kalayaan. Pitong araw na pala kaming nagkakasama ni Gabby. Sa maikling panahon na iyon, pakiramdam ko isang taon na kaming nagkasama. Napakagaan ng aking loob sa kanya. Sa tuwing kasama ko sya, lahat ng aking pag-aalala ay nawawala.
Sa aking pagninilay tungkol sa aming pagtatagpo, hindi ko namalayan ang aking sarili na bumigkas ng mga kataga sa harapan ni Gabby.
“Salamat dahil nakilala kita.”
Tumigil si Gabby sa paghahalungkat ng mga DVD. “Ha? May sinasabi ka ba?”
Medyo malakas ang tunog ng speaker kaya siguro hindi niya narinig mabuti ang aking sinabi.
Nahihiya na akong ulitin ang aking sinabi kaya nagpalusot na lang ako. “Ah. Wala.” Ngumiti na lang ako pagkatapos para hindi mahalata.
“Meron kang sinasabi e.” pilit na sinasabi ng dalagang nakakabighani.
“Wala nga.” Patuloy ko namang palusot.
“Sabihin mo na. Aamin ka na ba na may gusto ka sa akin?” pabirong banggit ni Gabby.
“Kung anu-ano ang sinasabi mo. Maghanap ka na nga lang ng papanoorin natin.”
“E bakit ka namumula?”
Sadyang nakakapagsinungaling ang aking mga salita. Pero ang aking mukha, hindi.
“Ha? Kung anu-ano ang napapansin mo. Maghanap ka na lang dyan, puwede?” Sabi ko.
“Ayoko. Hangga’t hindi mo inuulit ang sinabi mo.”
“Ang kulit mo rin e.”
“Sinungaling ka kasi.”
“E wala nga akong sinabi.”
“Meron.”
“E ano yun? Sige nga?”
“Hindi ko alam. Narinig ko. Pero hindi ko naintindihan.”
“Baka yung kanta?”
“E bakit biglang may nahalong sintunadong boses?”
“Ah basta, wala akong sinabi.”
“Ganyan kayong mga lalaki e. Nahuli na nga kayo, magpapalusot pa kayo. Para kayong abogado. Ginagawa niyong tama ang mali.”
“Ganyan kayong mga babae e. Mapagbintang, pero hindi nyo naman nakita.”
“Meron na ngang ebidensya, itatanggi mo pa?”
“Ah, basta. Wala akong sinabi.”
“Okay.” Sabi ni Gabby. Tumalikod sya sa akin at itinuloy ang kanyang paghahanap.
Biglang bumigat ang presensya sa paligid naming dalawa ng kasama kong dalaga. Parang nagnipis ang hangin. Halatang nagtatampo sya. Para syang bata. Yun ang nagpapa-cute sa kanya. Nakokonsensya tuloy ako sa pagsisinungaling ko sa kanya.
Pero ang hirap talagang ulitin ang sinabi ko. Iniisip ko baka pagtatawanan niya ako. O baka naman masama lang talaga akong mag-isip?
E ano naman kung pagtawanan niya ako kung magpapasalamat ako sa kanya dahil nakilala ko sya? Hindi ba mas mabuting malaman niya? At bakit naman pala niya ako pagtatawanan kapag sinabi ko iyon? Joke ba ang aking sasabihin para humalakhak sya? Hindi.
Nag-iipon lang ako ng lakas ng loob. Naghihintay ng tamang oras para ulitin ang sinabi ko. Pero pakiramdam ko talaga para akong bibili ng napkin sa tindahan. Ang hirap sabihin. Nakakahiyang banggitin ang aking sasabihin.
Ilang sandali lang, “Gabby?” simula ko.
Hindi sya umimik.
“Gabby!” nilakasan ko ang aking boses para marinig nya.
“Oh? Anong problema mo?” sambit nya.
“Salamat.”
“Ano na naman yang trip mong yan?”
Sa kabila ng kanyang pagbibiro, sineryoso ko ang aking pagsasalita. “Salamat dahil nakilala kita.”
Naghihintay ako ng salitang kanyang isusukli. Pero wala ni isa ang lumabas sa kanyang labi.
Tanging ang malamig na musika ang naririnig sa aming paligid.
…ako’y nandito lamang sa iyong tabi
Na nagmamahal at nag-aalala
Sa iyong kapakanan
At ang buhay ko ay iaalay
Hanggang sa dulo ng aking buhay.
Nagtagpo ang aming mga mata. Ang kanyang titig ay parang magnet na humahatak sa aking paningin. Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Napakaaliwalas. Parang may puting liwanag ang dumadampi sa kanyang mga balat. Parang anghel ang aking nasa harapan.
“Salamat dahil nakilala kita.” Inulit ko ang una kong mga salita. “Kung hindi dahil sa iyo, sigurado nagkukulong pa rin ako sa kwarto. Kinakawawa ko pa rin siguro ang aking sarili sa kakaisip sa taong nanakit sa akin. Salamat dahil pinakita mo at ipinaramdam mo ang ibig sabihin ng kalayaan.”
Naghihintay pa rin ako na sumingit sya sa aking pagsasalita at sumagot sa aking mga sinasabi. Pero tikom pa rin ang kanyang mga bibig.
“Salamat dahil pinakita mo sa akin kung gaano ako katanga. Kung hindi dahil sayo, baka tuluyan pa ring nakatali sa aking leeg ang masamang alaala ng aking nakaraan. Salamat at dumating ka sa buhay ko.”
“Huwag mo nang ituloy Sum.” Ang mga pangungusap na binitawan ni Gabby.
Ang kaninang namumuong luha sa gilid ng kanyang mga mata ay tuluyan nang umagos pababa.
Natigilan ang aking bibig sa pagsambit ng anumang kataga. Hindi ko maunawaan kung bakit napaluha ang kasama kong dalaga.
“Sum,” muling bumuka ang labi ni Gabby. “Sorry.”
Tuluyan na akong nagtaka sa sinabi niya.
Bakit hihingi ng paumahin ang binibining ito sa akin? tanong ko sa aking sarili.
Ano ang kasalanang ginawa niya sa akin?
“Sorry Sum…” nagpatuloy na humingi ng tawad si Gabby sa hindi ko alam kung ano ang rason. “Sorry dahil ginulo ko ang buhay mo sa pagpasok ko sa iyong mundo.”
“Anong sinasabi mo?” pagtataka ko.
“Hindi mo maiintindihan.”
“Ipaintindi mo.” pakiusap ko.
“Hindi na kailangan dahil aalis na rin ako.”
“Ha? Bakit? Saan ka pupunta?”
“Kailangan ko nang bumalik kung saan ako nanggaling.”
“Ha? Hindi na talaga kita maintindihan Gabby. At bakit ka humihingi ng tawad? Ikaw ang nagpaganda ng mundo ko. Hindi mo ito ginulo. Ikaw ang umayos nito. Wala ka dapat ihingi ng tawad.”
Ngumiti na lang yung kausap kong dalaga habang umaagos ang kanyang luha. Hindi ko mabasa ang gustong ipahiwatig ng kanyang mukha.
Ano ba ang nais niyang iparating sa akin?
“Naniniwala ka ba na may iba pang daigdig maliban sa daigdig na ito?” tanong ni Gabby.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi lang ang daigdig na ito ang nag-iisang daigdig sa buong kalawakan.”
“Huwag mong sabihin na isa kang alien?”
Pinigilan ni Gabby na humalakhak. Marahil matatawa sana sya sa tanong ko pero pinilit nya na lang na maging seryoso para paniwalaan ko ang sasabihin nya.
“Tao rin ako.” sabi ni Gabby. “Pero hindi ito ang daigdig na kinabibilangan ko. Dayo lang ako kumbaga.”
“Hindi kita maintindihan.”
“Maliban sa mundong ito, meron pang ibang mundo. Pero hindi iyon tulad ng iniisip mo na mundo ng mga engkanto. Mundo rin iyon ng tao. Nandoon ka rin. Nandoon rin ang EX mo.Nandoon rin ang nanay mo. Ang iyong tatay, mga kapatid, kaklase, guro.”
Pinilit kong inunawa ang kanyang paliwanag pero para akong sumasagot ng tanong sa UPCAT. Napakahirap intindihin.
Patuloy na nagsalita si Gabby. “Kung pamilyar ka sa tinatawag na multiverse, maiintindihan mo ang aking sinasabi. Pero tamad ka magbasa kaya hindi mo pa alam ang bagay na ito. Darating din ang araw na mauunawaan mo ang lahat.”
Hindi ko na itinuloy ang aking pagtatanong. Dahil sigurado akong kahit anong paliwanag ang gawin ni Gabby, sa sobrang kitid ng utak ko, para lang syang nagtuturo ng kapapanganak na sanggol. Imposible.
READ KABANATA 6Go Back To Title Page