Totoo nga bang may iba pang mundo maliban sa daigdig na ginagalawan natin?
Multiverse? Ano ang depinisyon ng salitang ito? Noon ko lang narinig ang salitang iyon.
Ano ang ibig ipahiwatig ni Gabby sa mga pangungusap na kanyang ibinahagi sa akin?
“Maliban sa mundong ito, meron pang ibang mundo. Pero hindi iyon tulad ng iniisip mo na mundo ng mga engkanto. Mundo rin iyon ng tao. Nandoon ka rin. Nandoon rin ang EX mo.Nandoon rin ang nanay mo. Ang iyong tatay, mga kapatid, kaklase, guro.”
Sa mundo niya naroon din ako, ang aking EX at pati na rin ang mahal ko sa buhay. Maging ang aking mga kaklase at guro. Ano ang ibig sabihin ni Gabby sa mga salitang iyon? Ang mga ito ba ay isang idyoma? Kung ganoon nga, imposible ko nang maintindihan pa ang nais niyang sabihin.
“Maliban sa mundong ito, meron pang ibang mundo.”
Anong mundo ang kanyang tinutukoy? Inalis na niya sa pamimilian ang kinaroroonan ng mga engkanto at binanggit nya na ang mundo iyon ay isa ring lugar kung saan namumuhay ang mga tao.
Pinagalaw ko ng mabilis ang mga neurons sa utak ko. Pero napatunayan ko, imposible pala ang bagay na iyon sa isang tulad ko. Ang hirap lutasin ng palaisipang binigay sa akin ni Gabby.
“…Nandoon ka rin. Nandoon rin ang EX mo.Nandoon rin ang nanay mo. Ang iyong tatay, mga kapatid, kaklase, guro.”
Ano ang gustong ipahiwatig ng binangit niyang iyon?
Ayoko nang mag-isip! Napaghahalata lang na wala talaga ako nun. Isa lang ang solusyon na naiisip ko… teka lang… wala pala. Pupuntahan ko na lang si Gabby.
Sa aking paglalakad, naisip ko muli ang sinabi ng kaibigan kong dalaga nang hilingin ko sa kanyang ipaintindi niya ang nais niyang iparating sa akin.
“Hindi na kailangan dahil aalis na rin ako.”
Aalis?
Iiwan na niya ako?
Si Gabby lang ang taong nagpasaya at patuloy na nagpapasaya sa akin mula ng iwan ako ng taong nanakit sa puso ko. Siya yung palaging nagsasabi na gumising ako sa katotohanan. Na hindi na muli pang maibabalik ang nakaraan at kailangan kong harapin ang bukas na dadating. Siya ang nagpangiti sa akin sa panahong lumalaylay na ang aking bibig dahil sa kalungkutan. Siya ang muling gumuhit ng bahaghari sa madilim kong daigdig.
Paano kung totoo ngang aalis na sya? Makakaya ko pa bang harapin muli ang bukas na wala ang kaibigang katulad niya?
Ang tulad niya ay hindi lang kaibigan. Sa bawat ginagawa niya para sa akin para ako’y makaahon sa putik ng aking katangahan, lumalalim nang lumalalim ang nararamdaman ko sa kanya. Hindi ko namamalayan sa bawat pagkakataong kami’y magkasama, unti-unti kong napagtatanto na may mga babaeng hindi lang pananakit ang dulot nila sa mga kalalakihan. Kundi may mga babaeng handa ring umalalay sa mga lalaking talunan sa kabila ng kanilang katangahan. Bihira lang ang katulad niya. Laking pasasalamat ko dahil nakilala ko sya. Ang tanging pangamba sa aking kalooban ay ang mawala ang tulad niya.
Kung hihilinging ko ba na huwag siyang umalis, pagbibigyan ba niya ako? O sasabihin lang niya na, “Sino ka ba para pigilan ako?”
Paano kung ipagtatapat ko ang nararamdaman ko para sa kanya? Meron bang kapangyarihan ang aking mga kataga para panatilihin sya sa tabi ko?
Hindi ko na alam ang aking gagawin. Hindi lang isip ko ang natataranta sa mga susunod na mangyayari. Puso ko rin ay nangangamba na tuluyan na siyang mawala.
Nabiktima nanaman ba ako ni Tadhana? Isinali nanaman ba nya ako sa laro nya? Sinaktan niya ako. Pinakilala niya ang taong gagamot sa puso ko. Tapos aalisin nya muli ang taong ito sa tabi ko?
Ang hirap talagang maging kalaro si Tadhana. Nakasali ka sa laro niya na wala kang alam. Saka mo lang malalaman kapag nasaktan ka na. Hindi man lang sya nagtanong kung gusto mo bang sumali o hindi.
Sino ba ang mga magulang ni Tadhana? Hindi man lang sya tinuruan ng magandang asal. Nakikialam sa buhay ng may buhay. Ang hirap pa niyang maging kaibigan. Nagseset siya ng blind date, di man lang nagtanong kung interesado ka. Basta idadala ka lang niya kung saang lugar kayo magkikita. Tapos kapag nagtagpo na kayong dalawa ng taong pinili nya para makilala mo, ibi-brainwash niya yung taong ito. Uutusan niya na paibigin ka. Papaasahin ka sa pagmamahal na walang hanggan. Sa oras na kumagat ka, dun nya na muling uutusan ang taong ito na bitawan ka na.
Kanino ang huling halakhak? Kay Tadhana!
Sadista pala si Tadhana. Tuwang-tuwa kapag may nasasaktang iba.
Paano ba makaiwas sa kanya? Tama ba ang tanong na “PAANO?” Baka naman mas madaling sagutin ang tanong na “KAILAN?”
Kung ganun, ano nga ba ang sagot sa tanong na ito?
KAILAN makakaiwas kay Tadhana?
Sa ngayon, wala pang kasagutan ang pumapasok sa aking isipan. Dahil hanggang ngayon, ako ay kanyang biktima. Ako ay kasalukuyang nakasali sa anumang larong kinakasiya niya.
Sa ilang minutong paglalakad patungo sa bahay nila Gabby, nakarating ako sa harapan nila. Pinindot ko ang doorbell.
Ding! Dong! Ding! Dong!
Kalahating minuto ang aking hinintay bago nagbukas ang pintuan ng kanilang bahay. Humarap sa akin ang isang babaeng hindi naman katandaan. Hindi ko sya nakita noong nagpunta ako rito sa bahay nila Gabby.
“Sino po sila?” tanong ng babae.
“Uhmmm… Ako po si Sum.” Pakilala ko. “Kaibigan po ako ni Gabby. Nandyan po ba siya?”
Lumingon ang mata ng babae sa kanan. Palatandaan ng nag-iisip. “Gabby?”
“Opo si Gabby po.”
“Baka naman nagkakamali ka iho. Walang Gabby na nakatira dito.” Sabi ng babae.
“Ho?” tinignan ko ang paligid para siguraduhin na ito nga ang bahay ng aking kaibigan na aking pinuntahan kamakailan.
Puting bahay. Malawak na bakuran. Madaming halaman.
Hindi ako nagkakamali. Ito ang bahay na aking pinuntahan noong inanyayahan ako ni Gabby sa lugar na ito.
Muli akong nagsalita, “Dito po ako pumunta kamakailan lang. Dito po nakatira ang aking kaibigan, si Gabby po.”
“Kami ang may-ari ng bahay nito iho at walang Gabby ang nakatira dito.” Sagot ng babae.
“Ho? Pero…” hindi ko na ipinilit pa ang aking nalalaman. Baka pagkamalan lang ako ng babae na magnanakaw. Na ako ay nagkukunwari lang na dito nakatira ang aking kaibigan. Na iyon ang aking modus para makapasok sa kanilang bahay at sila ay pagnakawan. “Ganun po ba. Sige salamat po.”
Ngumiti na lang ang yung babae. Saka pumasok sa kanilang bahay.
Muli kong tinignan ang buong lugar. Walang kaibhan sa pinagdalhan sa akin ni Gabby.
Nakayuko akong naglalakad habang nag-iisip nang mapansin ko ang isang puting sobre sa aking dinadaanan. Pinulot ko ito. Tinignan ko ang harapan. Nanlaki ang aking mga mata sa nakasulat na pangalan.
GABBY
READ KABANATA 7Go Back To Title Page